Tahimik akong ngumunguya ng jelly beans habang nakikinig sa usapan ni Ate at Kuya Freo, boyfriend niya. May pinag-uusapan sila tungkol sa Sogo. Anong sogo? Baka sago. Ang tatanda na e, di pa marunong.
Nanatili ako sa ilalim ng hagdan namin. Hindi nagpapakita. Papagalitan kasi ako ni mama pagnalaman niyang kumakain na naman ako ng kendi.
Pero kasi, hindi ko naman mapigilan. Sumasaya ako pagkumakain ng kendi. Ang tamis-tamis kasi!
Biglang tumahimik. Baka umalis na sila ate, baka bumili na ng sago.
Napangiti ako. Si ate kasi medyo malungkutan yan. Pero nang dumating si kuya freo, lagi na siyang masaya. Kaya nga gusto ko laging na naanditon si Kuya freo kasi mabait sa akin si ate. Tapos lagi siyang nakangiti. Ang sweet kasi ni kuya e! Kinikilig ako.
Kinabukasan, nagising ako na umiiyak. Sobrang sakit ng ngipin ko. Ang sakit talaga! Umiiyak na bumaba ako. Naandoon si ate, umiiyak din. Masakit kaya ngipin niya?
"Ma... masakit ngipin ko!" Umiiyak na lumapit ako sa kanila.
"Ayan ang sinasabi ko! Hala kumain ka pa ang matamis." Yumakap ako kay mama. Ang sakit talaga!
"Ate masakit din ngipin mo?" Tinignan niya ako ng masama at umalis. "Mama nasaan si kuya freo?"
"May away sila, anak."
"Huh, ang sweet nila kahapon, eh."
"Oo. Parang yong kinain mo kahapon, sweet. Tingnan mo, umiiyak ka ngayon."