"Last quarter na. Ikaw, Hernandez, ayusin mo ang 3 points mo! Umasablay lagi!" ngumiti lang ako kay coach at tumakbo na sa court.Agad kong inilibot ang mata ko sa paligid. Napangiti ako nang makita siyang umiinom ng tubig. Ang cute niya talaga.
Nagsimula na ang laro. Larong maiihalintulad ko sa aking buhay. Pasa. Mga babaeng pinaglaruan ko upang matago ang katotohanan. Depensa. Sa relasyon naming walang may gusto. Pag-agaw. Sa kanya at pagtakas upang makasama siya. Paghabol. Sa mga tampuhan at away na mas minahal ko siya. Pagdribble. Ng mga salitang kasinungalingan sa aking pamilya. Puntos. Ng pagiging malaya naming dalawa. Bola. Siya'y hindi ko kayang bitawan.
Sa pagpatak ng sampung segundo sa timer, hawak ang bola, tumingin ako sa kanya. Tumango siya tila nagsasabing bitawan ko na. Lahat ng tao'y nagsisigawan. Galit na galit na ang aking coach. Sumulyap ako sa bola, sa kanya, sa score.
Humanda akong ihagis ang bola ngunit bago gawin, muli akong sumulyap sa kanya. Ngumiti siya ng malungkot at tumango. Tumulo ang aking luha kasabay ng paghagis ng bola.
Nanalo kami, kapalit sa nawasak kong puso. Malungkot kong tinitigan ang numero at apelyido sa jersey shirt niya. Suarez 13, captain ng kalaban.