Nangalumbaba ako at tumingala. Ang kalangita'y agad na ngumiti sa akin, maganda ito at payapa. Inilahad ko ang aking kamay. Ang berdeng mga dahon ay sumayaw sa aking palad, nangingiliti. Naaamoy ko ang pagmamahal sa matingkad na inuming tsokolate sa aking tasa at naririnig ko ang bawat ihip ng preskong hangin kasabay ang pagsayaw ng malaya kong mga buhok.
Ngumiti ako ng matamis. "Bakit nga ba hindi natin na mamalayan ang mga simpleng bagay na higit na makakapagpasaya sa atin? Biniyayaan tayo ng mga mata at isipang higit na matalino sa lahat ng nilikha upang makilala ang mga ito. Ngunit bakit marami pa ring malungkot?" tanong ko sa hangin.
"Magiging masaya ba sila kung mabibigyan sila ng mga matang walang abilidad na makakita tulad ng sa akin?"
Naramdaman ko ang paglapit ng aking ina. "Anak, hindi lahat ay nakikita ng mata. Tanging puso lamang ang nakakakilala ng mahahalagang bagay sa mundo."
