"Mahal mo ba talaga ako?" Mahinang usal niya.Naglalakad kami ngayon sa gilid ng kalsada kung saan maraming dumadaang sasakyan. Bago ako sumagot ay nakipagpalit muna ako ng pwesto upang hindi siya mahagip.
"Oo. Alam mo 'yon mula noon."
Bumuntong hininga siya at humawak sa braso ko. 'Di ko naman mapigilan ang malakas at masakit na pagdagundong ng aking puso. Ganito ba talaga pagnagmamahal?
"Alam ko... Ihahatid mo ba ako pauwi?" Ngumiti siya. Iyong ngiting nakakadamay.
"Kailangan. Ayokong mapahamak ka."
Humigpit ang hawak niya sa aking braso. Tanging iyon lang ang namagitan sa aming dalawa. Tahimik naming nilalakad ang kanilang bahay.
"Loyal ka ba?" Maya'y tanong niya na naman.
Tumango ako. "Ikaw lang ang babaeng inasam ko. Wala nang makahihigit sayo."
Nakarating kami sa harap ng bahay niya at hindi pa rin siya bumibitaw. Tumulo ang kanyang luha ngunit may ngiti sa labi.
"Lukas... Oo."
Nanlaki ang mata ko. Hindi ko ito inasahan.
"Oo," usal niya. "Oo... pinapakawalan na kita." Bumuhos ang kanyang luha.
Hindi ko na rin mapigil ang luha. "Patawad. Patawad..." hinalikan ko siya sa noo. "Alam mong mahal na mahal kita."
Tumango siya at hinaplos ang pisngi ko. "Ngunit masakit na. May pait na. Iyong wala noon..."
