Lumaki ako sa isang puting silid. Sa muling pagmulat ng aking mata'y naroon muli ako. Ang aking higaan ay puti rin maliban sa unan. May isang bintanang salaming hindi nabubuksan sa kanang parte ng aking silid. Hindi ako lumalabas. Tuwing umaga'y nagigising ako lagi sa ingay sa loob ng banyo. May naliligo. Papabayan ko lang ito at muling pipikit. Maya'y maaamoy ko na ang isang pamilyar na amoy. Hahalikan niya ako sa sentido at yayayaing mag almusal. Papasok ang isang doktor upang tignan ako at muling aalis. Ganyan lagi ang aking araw maliban kung martes.
Bukas ay martes na kaya't kailangan na naming maghanda. Ngunit heto kami ngayon, nakahawak sa aking kamay si Markus, ang aking kasintahan, habang nakikipagbiruan. Binibiro niya ako tungkol sa mga lamok. Tumatawa ako ngunit hindi ko maiwasang ikumpara ang aking sarili sa sa mga lamok na kanyang sinasabi. Kasi... tulad ng lamok, kailangan kong kumuha sa kanya ng dugo upang mabuhay.