Gabi-gabi, bago tumilaok ang mga manok, bago magising ang mga panadero, ako'y tahimik na nagmamasid sa maitim na kalangitan. Sinusubukang intindihin ang mga bituin, sinusubukang abutin ang pinagmulan. Nananatiling nakadilat, nananatiling namamangha.Sa bawat kislap ng mga bituin ay siyang pagkislap rin ng aking nais. Ang liwanag nito'y tila isang sagot na aking hinahanap. Sagot na kahit saan man ako bumaling, saan man makarating ay kailan ma'y di maiintindihan at maiuusal.
Ang tahimik na gabi'y isang paraiso sa akin. Ang kadilima'y isang kanlungan. Ang lamig ay isang yakap ng katotohanan. At ang mga bituin ang aking patutunguhan.
Hinaplos ko ang sisidlan ng ligaw na bituing nais kumawala. Gamit ang talim ng realidad ay unti-unti ko itong binutas. Pahaba, palalim. Bumulwak ang aking ama't ina, ang aking mga kapatid. Bumulwak ang patunay ng aking apelyido. Isang hingang-malalim bago gumapang ang lamat ng butas. Impit na sigaw habang nabibiyak ang sisidlan. Huling hinga bago ang huling tibok sa mundong ibabaw.
Sa aking pandinig ang hinabing kanta ng mga kuliglig. May masaya't malungkot, takot at tapang, paninindigan at pagsuko. Lahat aking nadama habang unti-unting kumakawala ang ligaw na bituin. Sa susunod na gabi'y kasama na ako sa titingalain.