Patuloy ang pagtugtog ng isang malamyos na kanta habang pinapanood ko ang pag-aayos mo. Ngayon ang iyong kasal at dapat ay masaya ka ngunit tila namumutla at nahihirapan kang huminga. Paulit-ulit ka ring nagpupunas ng iyong pawis. Ito na ba ang tinatawag na wedding jitters? Nakakatuwa.
Dinampot mo ang telepono at tumingin sa direksiyon ko. Ngumiti ako ngunit di mo napansin. Hindi ko na kinaya kaya tumayo ako at lumakad papunta sayo.
Napadaan ako sa harap ng salamin at napatingin. Isang babae ang naroon. Normal lang siya kung titignan maliban sa galos at pasa niya sa katawan at kanang parte ng mukha. May umaagos ring malapot na dugo mula sa bukang sugat niya sa ulo patungo sa kanyang damit. Maamoy sa buong paligid ang tila kalawang na masangsang. Blanko lang ang kanyang mukha.
Nawala bigla ang babae ng pumasok ang iyong mga kaibigan. Magsisimula na ang kasal. Linagpasan mo lang ako ngunit tumigil ka sa may pinto. Lumapit ako sayo at sumampa sa iyong likod. Narinig ko ang mahina mong daing. Napangiti ako. Isiniksik ko ang aking mukha sa iyong leeg at pumatak ang malapot na dugo sa iyong kasuotan.
Isang bulong, "Halina't pumunta sa iyong kasal."