Alas-kuwatro ng umaga, sa nag-aagaw ang liwanag at dilim, pilit kong binibilang ang mga barya sa aking palad habang naglalakad papunta sa malaking tindahan ni Aling Sena. Bibili muli ako ng pagkaing tatagal hanggang mamayang gabi.
Nang makarating ay agad akong nginitian ni Aling Sena. "Iyon pa rin ba?"
Tumango ako, at inilabas niya ang dalawang plastik ng mumurahing tinapay. Napansin kong tila lumiit ang mga tinapay ngunit nagkibit-balikat lang ako. Ibinigay ko ang bente pesos kong barya at kinuha ang mga tinapay.
"'Toy, kulang ka ng sampu. Pasensya ka na, mahal na talaga ngayon ang bilihin, kailangan ko na ring magtaas ng presyo..."
Napatingin ako sa barya sa aking palad. Labing lima na lang ang pera ko. Bumuntong hininga ako at ibinigay ang sampung piso.
Nagsimula na ulit akong bumalik sa aking pinanggalingan. Sinalubong ng manipis kong damit ang makapal na hamog. Siguro'y hindi muna ako ngayon magkakape, ang kapatid ko muna. Ililipat din ako sa lugar na mas maraming tao, doon ako mamamalimos .