Chapter 2 (Ang pag-aalinlangan)

655 16 1
                                    

( RAI'S P.O.V. )

       MARIIN kong tinitigan ang aking relo na parang binibilang ang bawat segundong pumapatak sa araw na iyon.

       40 seconds to go...

       Inunat ko ang aking nangangalay na likod. Dito na magsisimula ang kalbaryo— parang wala ng katapusan.

       30 seconds...

       Nagdesisyon akong sumipat na sa scope ng riple ko. Ini-adjust ang lente dahil pakiramdam ko'y medyo malabo pa ang rehistro.

       20 seconds...

       Sinipat kong maigi yung mga taong nag-aabang sa may entrada, mga reporters ang karamihan sa kanila. Hindi nila batid ang balitang bubulaga sa kanila, ilang segundo mula sa mga oras na ito.

      10 seconds...

       "Lon, handa ka na?" Kinamusta ko siya upang siguruhing ayos pa siya sa itaas.

       "Kanina pa ko naka ready. Lintek talaga! Madaming tao sa gilid baka may humarang." Bakas sa mga salita ni Lon ang pagkabahala, hangga't maaari iniiwasan namin ang mga di-inaasahang pagkakataon. Lalo't ma-tao ang lugar. Hindi maiiwasan ang kaguluhan.

        Tumunog ang alarma ng aking relo.

        "Oras na standby na kayo!"

        Pinindot ko ang stop button sa aking wrist watch. Naghuhudyat ito ng simula ng kalbaryong papasanin namin. Sinipat ko ang entranda wala paring pagbabago, minsan kasi hindi naman nasusunod ang schedule.

         "Kuwago! Kamusta ang live feed?" Tanong ko sa kabilang linya.

        "Nagkakagulo na sa loob, sabi ng isang reporter pababa na raw ng elevator," update naman ni Francis.

        "Pedo, standby ka na. Pababa na yung target!" Paalala ko kay Lon.

       "Kopya!"

       "Ini-interview pa sa hallway medyo nagkakagulo pa sila sa loob." Update muli ni Francis.

       "Sige standby lang kami, " sagot ko sa kanya.

        Hindi ko na muling kinamusta si Lon, kailangang buo ang konsentrasyon niya dahil alam kong ma-aabala lang siya kung magtatanong pa ako. Hindi madaling umasinta kung may distractions sa paligid. Professional siya at alam na niya ang gagawin.

       "Mahangin! Lintek! "

       Nagulat ako sa pangbungad ni Lon sa kabilang linya. Sinilip ko ang watawat sa tabi ng fountain, magalaw ito, mula sa kanluran ang bugso ng hangin. Hindi maganda ang ipinapakita ng pagkakataon.

        "Palabas na ang target! I repeat palabas na ang target!" Bungad naman ni Francis. Nakita kong nagkakagulo na yung mga tao sa entrada. Sampung metro na lang at lalabas na ang Presidente, nasa likod nito ang mga congressman na kasama rin sa mga delegado.

       "Rai, mula dito, stand by na ko!" Dagdag pa niya.

       "Kopya!"

       Marahang bumukas ang revolving door ng entrada. Transparent ito kaya kita mo kaagad ang taong lalabas. Bahagyang nagkagulo nang lumabas ang presidente mula roon, kasama ang mga P.S.G. nito. Sinugod siya agad ng mga reporters, karaniwan na ito lalo't importanteng tao ang mga dumalo. Isa-isang naglabasan naman ang mga congressman. Nagkanya-kanya naman sa pag-iinterview ang mga reporters at gaya nga ng nasa plano ay nagpakita nga ang mga delegado sa labas. Agad namang hinawi ng mga P.S.G. ang mga reporters na nagnanais makalikom ng balita ngunit may mangilan-ngilan pa ring nakakalusot.

TriggerHAPPY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon