Chapter 18 (Lukso ng dugo)

356 20 1
                                    

( RAI'S P.O.V. )

           AGAD din kaming umuwi sa tinutuluyan nilang bahay matapos linisin ang bangkay ni Tango.

          "Oo Francis buhay ako."

          Hindi pa rin ito makapaniwala. Mahigpit ang pagkakayakap niya sa akin.

          "Teka pare! Hindi ako makahinga!" Nangingiting usal ko.

           Hindi na masidlan ang kasiyahan noong gabing iyon. Isang hawak sa balikat ang ibinigay sa'kin ni Lon. Nararamdaman kong nabunutan siya ng tinik sa dibdib.

           "Paano ka..." Hindi nito matuloy-tuloy ang sasabihin sa'kin.

           "Mahabang kuwento pero— mukhang meron tayong mas malaking problema ngayon."

          "Teka muna pare! We need to celebrate first. Bababa muna ako para makakuha ng maiinom." Singit sa usapan ni Francis.

          Hindi yata niya naintindihan ang huling sinabi ko sa kanila. Agad siyang humakbang pababa ng hagdan. Maya-maya'y tumigil na lang ito sa gitna at binigyan ako ng isang kakaibang sumulyap.

           "You're alive!" Humagikgik ito sabay karipas sa pagbaba.

           Suminghap nalang ako sa ikinilos niya. Kadalasan nama'y seryoso siya pagdating sa mga importanteng usapin na katulad nito pero sa nakikita ko ngayon, mukhang natutuwa talaga siya sa kanyang nalaman.

           Ilang sandali pa'y bumaling yung tingin ko kay Lon. Kanina pa pala siya naka-upo sa sofa. Batid kong muling sumagi sa isipan niya ang mga nangyayari kanina.

            Problema ito...

            Naguguluhan pa rin ako kung ano talaga ang puno't dulo nito pero natatakot ako sa mga posibleng mangyari sa hinaharap. Lumapit ako sa kanya upang kausapin siya ng masinsinan. Yun naman talaga ang balak ko noong nagdesisyon akong magpakita na sa kanya. Balak ko sanang sabihin na maayos na ang aking kalagayan at may isang panibagong buhay na kong sinisimulan sa ngayon. Hindi ko talaga inaasahan yung mga nadatnan ko kanina. Ayoko man na makialam sa sitwasyon ngunit hindi ko matitiis na pabayaan si Lon.

          "Bakit ka ipinatutumba ng Konseho Lon? 'Di ba tapos na ang kontrata mo sa kanila?"

          "Hindi ko na alam. Natupad ko naman ang kasunduan sa kontrata." Saad niya.

           Hindi na namin dapat sinisisi ang isa't isa. Totoo... Naging bulag kami. Pareho kaming naging sunod-sunuran sa Konseho at umasa sa mga huwad na pangakong binitiwan nila sa'min. Magsisi man kami ngayon, alam kong wala kaming takas sa kanila.

           Ano nga ba ang laban namin sa hukbong mamatay tao ng Konseho?

           Lumingon ako sa kanya at nagtanong. "Ibinigay ba nila ang lahat ng kailangan mo upang matuton ang mga pumatay kay uncle?"

           "May ibinigay sila... Mga documents. May mga ilang pangalan na nakalagay doon. Masama ang kutob ko Rai. Gusto kong maniwala sa report pero pakiramdam ko parang may mali. Maraming naiwan na tanong. Aaah... ARAAYYY!" Sambit niya habang dinadampian ng ice pack ang kanyang mukha.

           "Hindi ko maintindihan. Kung may mga pangalan ng naibigay sa'yo. Bakit hindi mo pa imbestigahan?"

          "Yun na ang ginagawa ko kaya sinimulan ko na ang paghahanap."

          "Gaano ka kasiguro na may kuneksiyon nga sila sa kaso ng ama mo?" Usisa ko.

          "Yun din ang naging tanong ko. May mga ilang pangalan na nasa listahan pero gusto kong siguruhin sa pagkakataong ito kung may kinalaman nga sila bago ako gumawa ng aksiyon."

TriggerHAPPY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon