Masakit sa akin ang bumitaw, Mahal ko,
Kaya nga hangga’t kaya’y kumakapit ako,
Sana nama’y huwag mo akong bigyan ng dahilang sumuko,
Huwag mong kalimutang ako’y tao rin at napapagod rin ako.
Pilit akong nagpapakamartyr para sa iyo,
Lahat ng sakit ay titiisin ko,
Hiwalayan ka'y ‘di ko iisipin,
Kahit batid kong ako’y iyo lamang babalewalain.
Ilang beses mang madurog ang aking puso,
Ito’y matiyaga pa ring pupuluti’t muling gagawing buo,
Pikit-matang ika’y mamahalin,
Sinasabi ng iba’y hindi iintindihin.
Ayokong pagsisihan ang araw na ika’y sagutin ko,
Nang buong puso kong ibigay ang matamis kong ‘Oo’,
Araw-araw pa ring umaasang magiging maayos tayo,
Ngunit mukhang ngayon ito’y sadyang malabo.
Ngayo’y natanto kong ako’y nagkamali,
Nang ikaw ang siyang aking pinili,
Akala ko’y saya ang aking makakamit,
Ngunit ito’y puro lamang pasakit.
Ngayo’y nakita ko na ang aking halaga,
Dapat na akong tumigil na ika’y mahalin pa,
Sakit na nararamdaman ko’y umabot na sa sukdulan,
At ang pakikipaghiwalay sa iyo ang paraan para ito’y maibsan.
Hindi man ako lubos na handa upang ika’y iwan,
Ngunit alam kong ito’y akin ring malalampasan,
Pagpapakatanga nga sayo’y nakaya ko,
Siguradong sisiw lamang rin ang paglimot sa iyo.
BINABASA MO ANG
Mga Natatanging Tula
PoesíaSa paggawa ng tula ako'y masaya, Tunay na ako ay naipapakita, Aking talento'y aking naibabahagi, Habang mga gawa ko'y kanilang pinupuri. © PLEASE DO NOT COPY WITHOUT THE AUTHOR'S CONSENT!