[2]

355 20 15
                                    

Once Again

-Ian Joseph Barcelon.

Entry 2

Namulat ang mga mata ko na umaandar pa rin ang sasakyan. Naririnig ko na nag-uusap sila mama pero wala pa ‘ko sa mood na pakinggan iyon. Tinanggal ko ang kumot na nakapatong sa ‘kin na siguradong si mama ang naglagay. Bago ko pa man nagawang makatayo, isang malakas na kalabog ang naramdaman ko dahilan para mauntog ako sa likurang upuan ni papa.

“Aouch!” sigaw ko sabay himas sa noo ko. Ang sakit no’n ha!

Napalingon si mama at papa sa ‘kin. “Gising ka na pala,” narinig kong sabi ni mama na hawak din ang noo niya na siguro ay nauntog din. Pilit siyang ngumiti sa nangyari. Teka, ano ba ‘yung nasagasaan namin? Nabutasan ba ang gulong?

Tuluyan na akong tumayo sa pagkakahiga. Narinig kong binuksan ni papa ang pintuan ng sasakyan at lumabas. Malakas na ang sinag ng araw nang buksan ko ang bintana. Napapikit pa nga ako sa liwanag. Nang maglaho ang malabong paningin ko, namangha naman ako sa sunod kong nakita.

“Wow!” Napanganga ako at nangislap ang mga mata ko sa ganda ng lugar. Dali-dali kong binuksan ang pintuan ng sasakyan at lumabas na rin. Dahil medyo nasisilaw pa ‘ko sa liwanag, ginamit ko ang kaliwang kamay ko at inilagay sa ibabaw ng aking kilay para harangan ang liwanag. “Nasa Batanes na po ba tayo?” tanong ko kay papa na kasalukuyang chini-check ang gulong ng van.

“Oo, anak,” nakangiting sagot ni papa.

Mula sa kinatatayuan ko, makikita ang maraming nippa hut at mga bahay na tinitirhan ng mga naninirahan dito. Maganda ang malaking sahig na nalalatagan ng pino at berdeng mga damo. Makikita rin ang malapit na beach at ilang mga turistang nandoon. Parang paraiso! Ganito pala kaganda sa isla ng Batanes.

“What happened, dear?” narinig kong tanong ni mama kay papa. Pansin kong medyo inis ang mukha ni papa kaya lumapit din ako sa kanila. Napansin ko ang matulis na bagay na nahihirapan si papa tanggalin. Mukhang bumaon yata ‘yon at na-flat ang gulong namin.

“Tawagan mo na sila at sabihin mong nandito na tayo,” sabi ni papa. Tumayo siya papunta sa likuran ng van at may kinuhang mga gamit.

Habang si papa ay abala sa pag-aayos ng gulong at si mama naman ay tumatawag, inilaan ko sa sarili ang oras para pagmasdan ang ganda ng lugar. Nakaka-relax. Ilang minuto pa ang lumipas, nakita namin ang paparating na sasakyan. Lumabas doon ang babaeng nakasuot ng pulang bistida at maong na shorts, isang lalaking mukhang ka-edad ko na naka-asul na t-shirt at denim shorts, at isang lalaking may ilang puti na ng hibla sa buhok pero maganda pa ang tindig ng pangangatawan.

“Carol!” patakbong yumakap si mama sa babaeng ‘yon saka ko lang nalaman na iyon na pala si Tito Jerry , Tita Carol at Peter. Matagal na nagyakap si mama at Tita Carol, habang si papa naman ay kinamayan at niyakap din si Tito Jerry. Makikita mo kung gaano sila kasabik sa isa’t isa.

Nanatili lang akong nakatayo habang hinihintay ang turn ko ay Tita Carol.

“Long time, Claret,” nakangiting sabi ni Tita Carol habang hinihimas sa braso si mama. Nang madako ang paningin niya sa ‘kin, nakita kong mas nadagdagan pa ang ngiti niya. “Tinker!” Lumapit siya sa ‘kin kasunod ng mahigpit niyang yakap. “—You’ve grown up so well.” Matapos niyang kumalas sa pagkakayakap ay humawak siya sa magkabilang braso ko. “Look at you now. Noong huli kitang nakita, you were like this small… and now you’re a full-grown lady!”

“Thank you, tita,” medyo nahihiyang sabi ko sa kanya.

Si Tito Jerry naman ang sunod na yumakap sa ‘kin habang si Papa naman ay kakamayan si Peter. “Ang ganda mong bata na, Tinker. Bagay na bagay talaga kayo ng anak ko,” pabirong sabi ni Tito Jerry. Naramdaman ko na naman ang biglang pagtibok ng puso ko sa sinabi niya. Dati naman, hindi ako naapektuhan sa tuwing tutuksuhin niya ako kay Peter, pero iba ang nararamdaman ko ngayon sa sinabi niya. Iba.

Matapos naming magyakap ni Tito Jerry, nakita ko kaagad si Peter sa harapan ko. Nagtama ang mga paningin namin at para bang huminto ang pagtakbo ng segundo. Mas lumakas ang kabog ng dibdib ko at nararamdaman kong kahit anong oras mamumula ang mukha ko.

Umabante pa siya palapit sa ‘kin kasunod ng pagyakap niyang hindi ko inaasahan. Para akong pinagpawisan habang magkayakap kami kaya naman ako na ang tumapos noon. Pakiramdam ko kahit na saglit lang ang naging yakap namin, parang sobrang tagal nun.

“K-Kamusta ka na?” ang tangi kong nasabi sa kanya matapos ang yakap. Pilit akong ngumiti at inayos ang ilang hibla ng buhok kong nakakakalat na sa mukha ko dahil sa hangin. Ganito pala ang pakiramdam sa oras na makasalubong mo ang isang taong sobrang tagal mo nang hindi nakikita. Wala kang masabi o walang salitang gustong lumabas sa bibig mo.

“Ayos lang,” nakangiti niyang sagot kasunod ng pamumulsa ng kamay niya. Noong makita ko siyang lumabas ng sasakyan nila kanina, ibang Peter ang nakita ko. Pero nang mayakap ko ulit siya at marinig ang boses niya sa tinagal ng panahon, naramdaman kong siya pa rin ang Peter na kababata ko.

“So…” Sabay kaming napalingon kina mama, papa, tito at tita na nakatingin pala sa ‘min. “Peter ikaw na ang bahala kay Bella, ha?” sabi ni papa na may kasama pang saludo.

“Opo, ‘to Roger,” sagot din ni Peter na sinamahan din ng saludo. Natawa ako sa ginawa nilang dalawa, tulad ng dati na palagi nilang ginagawa.

Kinuha ni Peter ang bike niya sa likurang bahagi ng van nila at nilabas iyon. Sila mama at papa naman, pumasok na sa sasakyan kasabay nila Tita Carol. Huminto siya sa harapan ko. Parehas kaming kumaway sa sasakyan nila habang papalayo.

Nang kami nalang dalawa ang natira, naramdaman ko ang awkwardness sa pagitan namin. Pero kahit na tahimik, kahit na walang salita sa pagitan namin, para paring nag-uusap kami. Hindi ko alam kung paano pero iyon na ang personal na koneksyon namin simula palang pagkabata.

Tumingin siya sa ‘kin at nag-angat naman ako ng tingin sa kanya. “Saan mo gustong pumasyal?” nakangiting tanong niya.

Ngumiti din ako sa kanya. “Kahit saan,” sagot ko naman.

“Sige, pasyalan muna natin ang nakaraan.”

Sabay kaming tumawa sa sinabi niya.

***

Please leave your vote and comments after reading guys! Thank you sooooo much. XOXO

(Available Under Tuebl) Once Again Book I: Sixteenth's Summer Days [Finished]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon