Once Again
-Ian Joseph Barcelon.
FINALE
6 months later…
Hindi ko pa rin nalilimutan ang lahat. Ang summer kahit na ilang buwan na ang lumipas. Dumadating pa rin sa puntong naitatanong ko sa sarili ko na kung hindi nangyari ang aksidenteng ‘yon… ano kaya ‘yung ngayon? Pero nangyari na ang lahat. Walang ‘kung’ sa buhay ng tao. Nangyayari ang mga bagay na dapat na mangyari.
Sinubukan kong kalimutan si Peter, pati ang nararamdaman ko sa kanya. Pero hindi ko magawa. Dahil mahal ko pa rin siya. Dahil nandito pa rin ‘yung sugat sa dibdib ko.
Nang umuwi ako dito pabalik sa Cavite, pakiramdam ko hindi na ako ang Bella—ang Bella na kilala ng mga taong nakilala ko, naging kaybigan at naging malapit sa ‘kin noong panahong hindi ko kasama si Peter.
Naging malungkutin ako at hindi na masyadong sumasama sa dalawang matalik kong kaybigan na sina Tracy at Joy. Alam kong sinusubukan nilang intindihin ang nangyari at ipinangako nila sa ‘king kung kailangan ko ng masasandalan, nasa likod ko lang sila. Napakasuwerte ko nga’t may best friends akong katulad nila. Nagawa ko rin namang ikuwento sa kanila ang nangyari at mas naintindihan nila ang sitwasyon ko. At hindi nila ‘ko iniwan.
Sinabi ko kina Mama at Papa na putulin na ang koneksyon sa pamilya ni Peter at naintindihan naman nila ‘yon para matulungan akong mag-move on sa nangyari. Alam kong mali ‘yon pero ‘yun lang ang naiisip kong paraan para makalimutan ang summer. Para makalimutan ang lahat ng nangyari sa summer.
Palagi akong nakakulong sa kuwarto, uubusin ang oras na nakatingin sa kisame. Naging mailap din ako sa school activities at nag-quit sa lahat ng clubs na kasali ako. Tinatanong ko nga minsan kung bakit ako naging ganito? Desisyon ko naman ang iwan si Peter kasama ng ala-ala namin. Pero bakit nakakaramdam ako ng pagsisisi sa ginawa ko?
Na deserve ko lang na maging malungkot dahil ito ang pinili ko. Oo, dapat lang akong malungkot dahil sa desisyong ginawa ko.
Inilagay ko ang dala kong mga libro sa loob ng locker. Bago ko isara ‘yon, tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Naglakad na ‘ko sa hallway nang maisara ko ‘yon. Wala nang masyadong tao sa school dahil maagang natapos ang mga klase. Naisipan ko lang na magbasa muna sa library bago umuwi.
Paglabas ko ng university gate, napatigil ako. Naidiin ko ang isang librong hawak ko sa tiyan ko. Napalunok ako. Lumakas ang tibok ng dibdib ko. Palakas nang palakas. Parang tumigil din ang oras nang makita ko… siya.
Hindi na siya ang lalaking nasa loob ng kuwarto, walang malay at nakatusok ang ilang medication tubes sa katawan. Isa siyang normal na binatang nakasuot ng puting damit, itim na jacket at pantalon. Malusog at malakas.
“Kamusta?” Ngumiti siya. Ngiting hindi pa rin nagbabago.
Hindi ko na namalayang bumabagsak na ang luha ko. Nasa harapan ko na ulit siya… si Peter.
“Parang wala pa ring nagbago sa ‘yo,” sabi niya sa malambing niyang boses. Nanatili lang akong nakatayo at hindi makapagsalita, nakatingin lang sa kanya. Unti-unting bumalik ang lahat sa ‘kin… ang lahat ng nangyari no’ng summer.
Naglakad siya papunta sa ‘kin at niyakap ako. Muli kong naramdaman ang braso niya, ang katawan niyang nakadikit sa katawan ko. Napakasarap sa pakiramdam. Nangilid na naman ang mga luha sa mata ko at muling bumagsak ang luha.
Napayakap din ako nang mahigpit sa kanya. Gusto kong manatili sa yakap niya...
“Alam mo ba ang pinakamaganda at pinakaayokong nangyari sa buhay ko?” Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko para tingnan siya. “Ang mawala ka sa ‘kin, Tinker.” Dahan-dahang lumapit ang mukha niya, ang labi niya sa ‘kin hanggang sa muli kong maramdaman ang paglalapat ng labi namin.
Sobrang saya ng pakiramdam ko na makita ulit, mayakap at mahalikan si Peter pagkatapos ng anim na buwang hindi pagkikita. Hindi na kailangan ng tanong, eksplanasyon o kahit na ano. Parang nabura ang lahat sa isang halik.
Ang halik na nagpaalala sa ‘kin ng pag-ibig namin ni Peter… ng pag-ibig naming sinubok ng maraming problema. Ang halik na nagpaalala ng pag-ibig na pinagsaluhan namin ni Peter. Oo, hindi ko na kailangan ng salita dahil sa sandaling ‘to, ito na mismo ang sagot para maging masaya ulit ako.
Sa piling ni Peter. Sa piling ng lalaking mamahalin ko habang buhay.
***
Author's Note:
Super Hi! *matching kaway*. Thank you so much for supporting this story. Gusto ko ng simpleng ending so I made it this way. Supposedly talaga, ito na DAPAT ANG ENDING. Itong chapter na 'to--- But! I know, some of you, sasabihing bitin. Hehe!
Kaya naman... ginawan ko ng epilogue. So, 'yun na talaga ang pinaka-ending. Abangan po!
Ngayon pa lang, super thank you na sa lahat ng natanggap kong votes, comments and feedbacks. You're all the best guys!
-Ian Joseph Barcelon.
![](https://img.wattpad.com/cover/16373881-288-k80683.jpg)
BINABASA MO ANG
(Available Under Tuebl) Once Again Book I: Sixteenth's Summer Days [Finished]
Fiksi RemajaOnce Again -Ian Joseph Barcelon. [Intro] Bella and Peter were once best of friends—childhood friends—not until they both turned up six. Lumipat si Peter sa Batanes at naiwan naman si Bella sa Cavite, ang lugar na kinalakihan nilang magkasama. Summer...