[7]

257 18 3
                                    

Once Again

-Ian Joseph Barcelon.

Entry 7

Kumain ng chicherya, chips, ice cream, sweets; matulog, kumain, maglaro ng pillow fight, manuod ng movies at pagkuwentuhan ang pagkabata namin hanggang sa matapos ang araw. Pang-anim na araw na ngayong wala sila mama kasama sila Tita Carol, siguradong nag-e-enjoy ang mga ‘yun sa pinuntahan nila. Hindi naman nila nalilimutang tumawag para kamustahin ang kalagayan namin ni peter.

Naging maayos na ang lahat sa ‘min ni Peter at pinili ko nalang na kalimutan ang ginawa niya. Tinanggap ko na rin ang sorry niya dahil nakikita ko namang nagsisisi talaga siya ginawa niya at hindi niya rin pinili o sinadyang gawin ‘yon. Sa tuwing nag-uusap kami, hindi namin isinasali ang tungkol doon dahil siguradong mababalik na naman ‘yung pakiramdam ko kahit pa tapos na ‘yon. Gusto ko lang sigurong makalimutan ang tungkol doon.

“Oh, wait… wait. Ano nga palang balak mong kuning course?” sabi ni Peter sa gitna ng katahimikan. Nagulat naman ako kung bakit bigla niyang tinanong ‘yon. Nakahiga kami sa kama niya, magkatabi habang nakahiga ako sa braso niya. Wala kasi kaming ginagawa dahil katatapos lang naming panuorin ang ilang action movies na nakalagay sa cabinet niya.

“Business Administration,” sagot ko naman na nakapikit.

“Seriously?” tanong niya, bakas sa boses niya na hindi siya makapaniwala. Sinundan pa ‘yon ng hagikhik.

Binuksan ko ang mata ko at tiningnan siya. “At bakit kung ‘yon ang gusto kong kurso? May nakapagtataka ba?” tanong ko na nanunudyo ng tingin sa kanya.

“Woah, ha-ha. Hindi ko lang kasi ma-imagine na nakasuot ka ng office uniform habang nakaupo sa harapan ng computer with a bunch of paper works at ima-manage ang mga tao.” Hindi ko alam kung compliment ba ‘yun o pang-aasar.

“Ano namang kukuning kurso mo?” ako naman ang nagtanong sa kanya.

“Uh…” Matagal siya bago nakasagot. Ilang sandali pa ay humilik na siya. Malakas na paghilik.

Tumayo ako sa pagkakahiga sa braso niya at tiningnan kung natutulog na ba talaga siya. Sinubukan ko pa siyang kilitiin para kumpirmahin kung natutulog na nga ba talaga siya pero hindi siya uminda o tumawa.

“Ang daya mo!” Sinuntok-suntok ko siya sa tiyan.

Mayamaya pa, biglang gumalaw ang kamay niya at itinaas ako para pumaibabaw sa kanya. Napasinghap ako sa gulat, parang unan lang kasi akong ipinatong niya sa katawan niya.

“Peter ano b—“ Hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko dahil niyakap niya ‘ko ng mahigpit. Gumulong-gulong kami sa kama pero nanatili pa rin siyang nakapikit. Nang makarating kami sa dulo, sa foot board, dumilat siya, unti-unting natanggal ang pagkakahigpit ng hawak niya. Pareho kaming tahimik, walang salita at magkatitigan lang ang mga mata namin.

Lumakas ang pintig ng dibdib ko habang unti-unting lumalapit ang mukha niya sa mukha ko. Dapat ko bang ituloy ‘to? Naghahati ang ‘hindi’ sa ‘oo’ ang sarili ko. Dahan-dahan ay naglapat ang mga labi namin ni Peter… sa ikalawang pagkakataon. At hinayaan ko na naman ang emosyon kong dalhin ako sa ganoong sitwasyon.

At sa pagkakataong ito, sigurado akong totoo na. Walang bahid ng kasinungalingan. Tiwala akong hindi na ito isang laro. Totoo na ang lahat.

Binuksan ko ang paningin ko, nararamdaman ko ang mainit na paghinga ni Peter pagkatapos ng halik namin. Hinaplos niya ang buhok ko at iniayos iyon sa gilid ng tenga ko. Nanatiling nakatingin lang siya sa mga mata ko at kasunod noon ang paghalik niya sa noo ko. Hindi pa rin siya nagsasalita.

Ilang sandali pa, tumayo si Peter sa kama, may kinuha sa bulsa niya at inilagay sa kama. Lumabas siya ng kwarto na hindi nagsasalita. Napakaraming tanong ang pumasok sa isip ko pero pinili kong ‘wag na munang isipin ‘yon. Kailangan kong isipin kung ano’ng nangyari.

Hinawakan ko ang labi ko habang iniisip ang nangyari sa pagitan namin ni Peter. Ang halik.

Ano ba’ng nangyayari? Dapat bang mangyari ang bagay na ‘yon? Tama bang hinayaan kong mangyari ulit ‘yon?

Napalunok ako at in-absorb ang lahat ng tanong—ang nangyari—para maliwanagan ako. Tumayo ako sa kama at hinawakan ang puso ko. Malakas pa rin ang pagpintig, hindi iyon normal. Ang pakiramdam na ganito, sa tuwing kasama ko lang si Peter nararamdaman; sa tuwing magkatapat ang mga tingin namin; at sa tuwing magkalapit lang kami.

Naguguluhan ako.

Tiningnan ko ang bukas na pintuan bago mapabaling sa papel na iniwan ni Peter bago siya lumabas. Mas naguluhan ako habang nakatingin sa papel. Humugot muna ako ng malalim na paghinga bago ko binuksan ang sulat.

‘May damit akong inilagay sa loob ng kwarto mo. Suotin mo iyon at susunduin kita mamayang alas sais. –Peter.’

Bumaba ako pero wala si Peter; hinanap ko siya sa buong bahay pero bigo akong matagpuan siya. Ngayon palang, kinakabahan na ako sa mangyayari mamaya. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko, magkahalong excite at… kaba at saya.

Naisip kong hanapin si Clifford, medyo maraming tao sa beach kaya nahirapan akong hanapin siya. Nang makita ko siya, mabilis ko siyang nilapitan. Nakasuot siya ng green shorts at puting sando na naglabas ng magandang pangangatawan niya. May kasama siyang ilang babae sa paligid niya.

“Cliff!” sabi ko sabay hawak sa kamay niya.

Napalingon naman siya sa ‘kin. “Hey, ngayon lang kita nakitang lumabas ha. Kamusta?”

Hindi ko muna sinagot ang tanong niya at hinila ko siya habang tumatakbo. Dinala ko siya sa lugar na walang masyadong tao para ikuwento sa kanya ang tungkol sa ‘min ni Peter, ang nangyari ang tungkol sa sulat at nararamdaman ko. Alam kong siya lang ang puwede kong pagsabihan ng mga ito. Hindi ko pa man siya masyadong kaybigan, pinayuhan at tinulungan niya na rin naman ako ng ilang beses—at alam kong matutulungan niya rin ako ngayon.

“So… what now?” sabi niya nang makaupo kami sa sahig.

Huminga muna ako ng malalim bago nagsalita. Ikinuwento ko sa kanya ang lahat, simula sa pagsunod ko sa ipinayo niya sa ‘kin kung bakit kami nagkabati ni Peter, hanggang sa halik, hanggang sa nararamdaman ko.

Hinihingal akong natapos sa pagkukuwento sa kanya. Nakita ko namang medyo natatawa siya kaya tinapik ko siya sa braso. “Seryoso ako,” sabi ko na pinandidilatan siya.

“Okay, sorry,” natatawang sabi niya. “Well, ang masasabi ko lang, you’re in love with your childhood friend. That’s the exact thing you’re feeling. You have feelings for him.”

Napalunok ako at napatingin sa ibaba. “Ibig mong sabihin… na gusto ko siya?” Ayaw kong aminin ‘yon sa sarili ko pero may point si Clifford. Pero ayaw ko pa ring isipin ‘yon, ayokong mag-assume kung totoo na ba itong nararamdaman ko.

“Bella, aminin mo na kasi,” biglang singit ni Clifford sa pananahimik ko. Inakbayan niya ‘ko at lumapit sa tabi ko. “You’re in love with him, don’t deny it. And there’s nothing wrong with being in love.”

You’re in love with him, don’t deny it. And there’s nothing wrong with being in love.

Lumakas na naman ang pintig ng puso ko. 

Please don't forget to leave a comment and vote after reading! Thank you readers :) 

(Available Under Tuebl) Once Again Book I: Sixteenth's Summer Days [Finished]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon