Crush

13K 354 30
                                    

CHAPTER FIVE

GRADUATION DAY.  Nagkaroon ng maliit na salo-salo sa bakuran nila Jessica.  Naroon ang mga kaibigan niya sa lugar na iyon, pati ang bagong kapitbahay nilang si Daphne na madali niyang nakahulihan ng loob.  Ang ilang pinsan niya galing Pasig ay nagdatingan.  Kumpleto din ang tropa ng Kuya niya maliban lang kay Ethan.

Nagtatampo siya dito dahil hindi nito naalala ang mahalagang okasyon sa buhay niya.  Magmula kasi noong graduation ball ay naging close na sila ng binata.  Hindi na rin siya nito inaasar.

Ganoon na lamang ang galit ni Seth nang malaman nitong naisahan nila ito, pero tinawanan lamang iyon ni Ethan. 

Nagpunta siya sa kusina para sumandok ng sorbetes con lychee mula sa malaking stainless na lalagyan. Sa pagyuko niya ay may kamay na tumakip sa mga mata niya.  “Kuya?”

“Ah-uh.”

“Jonathan?”  Pilit niyang inaalis ang malaking kamay na halos sumakop na sa buong mukha niya.  “Okay, enough!  Kung sino ka man, sirit na!  Matutunaw na ang sorbetes, ano ba?” 

Doon pa lamang siya nito binitiwan.  Nakatawang mukha ni Ethan ang nakita niyang nakatingin sa kanya.
“Congrats!” 

“Akala ko kinalimutan mo na ang graduation ko.”

“Puwede ba naman iyon?  Hindi nga lang ako nakahabol sa ceremony dahil binilhan pa kita ng gift.”

“Nasaan na?”

“Mamaya na, gutom na ako, eh.  Akina nga iyan, hindi ka naman marunong magsandok ng sorbetes.”

Ibinigay niya dito ang pang-scoop ng ice cream saka siya kumuha ng isa pa.  Tinulungan niya itong punuin ang mga basong nasa tray.  Nagkauntugan pa sila ng noo nang minsang magkasabay sila sa pagyuko.  Ang hawak nitong baso na puno ng sorbetes ay bigla na lamang nitong idinutdot sa pisngi niya.  Napasigaw siya sa lamig.  Hinabol niya ito para gumanti pero no match siya sa haba ng mga binti nito.

Tumatawang isinubo nito ang hawak na sorbetes.  “Hmmnnn... sarap pala ng Jessica flavor.”

Matapos niya mai-serve ang dalang pang-himagas ay hinila siya ng binata papunta sa pick-up nito.  “Mag-hello ka muna sa sakay ko.”  Binuksan nito ang pinto ng passenger’s seat.

Bumulaga sa kanya ang isang higanteng stuffed toy na nakasandal sa upuan.
“Paano ba ‘yan, humahaba na ang listahan ng utang mo sa akin?” pilyong sabi nito.

She was speechless, nakatitig lang sa mabalahibong bagay na iyon.
“Hindi mo ba nagustuhan?”

“I love it!  Ngayon lang ako nagkaroon ng ganito, and ohmigosh, it’s huge!”  Niyakap niya ang teddy bear na halos hindi na magkasya sa mga bisig niya.
“Oh, dear!”  Nang buhatin niya ito papasok sa bakuran ay kinuha ito ng lalaki sa kanya para hindi siya mahirapan sa paghakbang.

“Whoa!  Hindi ka kaya magka-asthma diyan?”  buska ni Seth nang makita sila.

“Tse!  Hindi ako si Daphne.”  Tuloy-tuloy sila paakyat sa kuwarto niya. 

Inilapag ng binata ang dala nito sa gitna ng kama niya.  “Mabuti na lang malapad ang kama mo.”  Inikot nito ang paningin sa kabuuan ng silid niya.  “Cool.  All pink and purple.”  Niyuko nito ang teddy bear na may pink ribbon sa leeg at tatak na Blue Magic sa tagiliran. 

Nang muli itong mag-angat ng mukha ay napakunot-noo ito  “Is that me?”   Lumapit ito sa dresser niya, saka nito kinuha ang larawan nito na nakaipit sa salamin.

Kandautal siya sa pagbibigay ng paliwanag kung bakit naka-display ang mukha nito sa loob ng kuwarto niya.  “Ano kasi...  picture ninyong dalawa ni Kuya 'yan.  Hindi mo ba natatandaan 'yan?   May project kasi kami sa school dati na family tree.  Ginupit ko ang mukha ni Kuya.  Wala lang ako time na ibalik iyan sa album kaya inipit ko na lang muna diyan.”

“I see,”  tumango-tango ito at ibinalik ang picture.  “Akala ko...”

“Ano?”

Nagkibit ito ng balikat.  “Baka isa ka rin sa mga may crush sa akin.”

“Hindi, ha!”

“Or baka isa ako sa sangkaterbang mga crushes mo.”

“Lalong hin... pareho lang iyon, ano?”

“Whatever.”  Humakbang na ito palabas ng silid.

Napatingin siyang muli sa picture.  Ganda ng paliwanag mo, babae!  Kapani-paniwala!  Nakagupit lang naman ng pahugis-puso ang picture ni Ethan, at obviously ay picture ni Seth ang itinapon mo sa basurahan!

Since when nga ba siya nagka-crush sa guwapong binata?  Noon bang yakapin siya nito, or noong yumakap siya dito?  Whatever!

My Sweet MiseryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon