KILALA ang pamilya Ecalnir sa maliit na bayan na iyon ng Pampanga, kaya hindi maiwasan na kumalat ang balita. Dahil sa eskandalong iyon ay tumigil si Ethan sa pag-aaral. Si Erriz naman ay naging abala sa pagharap sa negosyo na naiwan ng ama.
Pinalipat nila ang ama sa isang private hospital for mental patients sa Angeles City. Madalas ay dinadalaw niya ang matanda doon.
“Than, midterm exams na natin sa makalawa. Hinahanap ka na ng mga profs natin.”
“Hindi na ako papasok.”
“Sayang naman, ‘tol. Anyway, kapag gusto mong gumimik tawagan mo lang ako. May bagong wheels si Egay, nagyayaya ng road test.”
“Kailan? Sama ako.”
Tumigil siya sa pag-aaral, pero hindi sa paglabas gabi-gabi. Doon niya ibinuhos ang sakit na nararamdaman. Kung noon ay palikero siya pero choosy, ngayon ay wala siyang pinalalampas na babae. Basta nagpakita ng motibo ay pasok agad siya. Isa man sa mga ito ay wala siyang sineryoso.
Sa pag-iisa niya ay naging karamay niya ang pamilya ni Seth. Naging pangalawang ina niya ang Mommy nito at kinupkop siya ng mga ito sa mga sandaling kailangan niya ng makakapitan.
Hindi nagtagal ay ipinasa ni Erriz ang gasolinahan sa kanya. Nagkaroon ulit siya ng focus at nabawasan ang gabi-gabing paglalamyerda niya.
Minsang nasa disco house sila ay napagtripanan nilang makipag-jamming sa tumutugtog na banda. Seth was on drums, and he played the electric guitar.
Unang tipa pa lang sa malakas na gitara ay naghiyawan na ang mga kababaihang naroroon. Medyo nakainom na siya kaya bigay na bigay ang pagkanta niya, may papikit-pikit pa siyang nalalaman. Sa last chorus ay sinabayan siya ng audience sa pagkanta.
When you are with me, I’m free
I’m careless, I believe
Above all the others, we’ll fly
This brings tears to my eyes...“Thank you so much, fans! This is Ethan...” Nagtaas siya ng peace sign sa ere. “So wasted!”
Matapos ang malakas na palakpakan ay bumalik na sila sa kanilang upuan. Nagkakantyawan pa sila ng tropa nang lapitan sila ng grupo ni Russ. Anak ito ng isang pulitiko sa lugar nila at ngayon ay syota ng isang dalaga na nailabas niya kailan lang.
“Sabi ko na nga ba’t matatauhan din si Sophia. Sino nga ba namang babae ang tatagal sa ’yo na puro porma lang?”
Pinilit niyang magpakahinahon nang harapin niya ito. “Hindi ako nakikipag-paligsahan sa ’yo, Russ. Iyong-iyo na si Sophia, wala akong balak na ariin siya.”
“Aba’t... Matapos mong pagsawaan ang syota ko ay ganyan ang sasabihin mo?”
Huminga siya nang malalim. “Wala akong sinabi na pambabastos sa syota mo. I don’t kiss and tell na katulad ng ginagawa mo. Hindi iyan ang style ko para patunayan ang pagkalalaki ko.”
“Gago ka pala, eh!” Itinulak siya nito. “Ano ba ang ipinagmamalaki mo? Ang baliw na tatay mo na mamamatay-tao?” Saka nagtawanan nang malakas ang grupo nito. “Wala ng babaeng papatol sa ’yo dahil sa takot na mapatay mo!”
Doon naubos ang pasensya niya. Tumayo siya at bigla na lang itong binigyan ng malakas na upper cut na ikinatumba nito. “Huwag mong idadamay ang Papa ko sa usapang ito!” Galit na galit na sabi niya.
Nang sumugod ang isang kasama nito ay nagtayuan na rin ang mga katropa niya. Ang sumunod na eksena ay rambol to the max. Si Seth ay pinalo ng bote ng beer sa ulo.
Nang dumating ang bouncer ay nabatuta silang lahat. Si Seth ay itinakbo sa ospital dahil sa dumudugo nitong sugat.
Nakalaboso sila nang wala sa oras dahil sa mga pinagbabasag nila sa disco house. Naunang nakalabas ang tropa ni Russ dahil sa koneksyon ng ama nito. Sila naman ay tinulungan ng ninong niya na isang SPO1.

BINABASA MO ANG
My Sweet Misery
Romancepublished under PHR 2013 (Modified version) "I need you. You're the only thing that keeps me sane, the only thing that keeps me going, and the only person who can make me whole again." 💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞 Aso't pusa, iyon sina Ethan at Je...