Scandal

16.2K 374 5
                                        

PAG-UWI ni Ethan ay galit na Erriz ang sumalubong sa kanya. 

“Ano na namang gulo ang pinasok mo?  Hindi mo ba talaga titigilan ang pakikipagbugbugan?  Gusto mo bang ako na lang ang bumasag sa mukha mo?”

“Tama na 'yan, Erriz.  Dalawa lang kayong magkapatid ay hindi pa kayo magkasundo,” saway ng Papa nila na pababa ng hagdan.  “Gamutin mo ang putok mo sa labi, Ethan.”   

Si Erriz ay matanda sa kanya ng limang taon.  Graduating na ito sa kursong Business Management at kasalukuyang sinasanay ng Papa nila sa pagpapatakbo ng shopping mall at appliance center nila sa bayan, ganoon din ang gasolinahan nila along Mac Arthur highway. 

Magkataliwas sila nito ng ugali.  Pormal ito at kagalang-galang katulad ng Papa nila.  Siya naman ay nagmana yata sa Mama nila na laman ng kalye. 

Masuwerte na ang magkasalubong sila ng ina sa loob ng bahay minsan sa loob ng isang linggo.  Abala ito sa mga social functions.  Nalulong din ito sa casino at hindi birong halaga ang winawaldas nito gabi-gabi. Ang Papa niya na ubod ng bait at hinahon ay puro tango na lamang dito.

Nagtuloy siya sa sariling kuwarto at dumiretso sa banyo.  Nalalanghap pa niya ang mumurahing cologne ng babaeng nakatalik kanina. 

Sa loob ng high school campus ng St. Lawrence University ay sanay na siyang pinagpapantasyahan ng mga kababaihan.  Ang best friend niyang si Seth na kahati niya sa atensyon ng female population ay milder version niya.  Nakailang syota na ito, samantalang siya ay patikim-tikim lang ng iba’t-ibang putahe. 

DUMATING ang araw ng graduation nila.  Nandoon ang Papa niya, si Erriz at ang nobya nitong si Cindy, pero wala ang ina.  Nalasing daw ito nitong nakaraang gabi at ngayon ay hindi makabangon sa tindi ng hang-over.

Pagtanggap nila ng diploma ay nagyakap pa sila ni Seth na katabi niya sa upuan. Magkasunod kasi ang umpisang letra ng mga apelyido nila.  Magkaakbay silang sumalubong sa kani-kanilang pamilya. 

Niyakap siya ng Papa niya, samantalang si Erriz naman ay tinapik siya sa balikat.  Sumunod na bumati sa kanya ay ang Mommy ni Seth.  Kung ang Mama niya ay wala, ang Daddy naman ni Seth ay wala rin.  Nasa Amerika ito.  Kapapanganak pa lang ng bunsong kapatid ni Seth nang umalis ito at hanggang ngayon ay hindi pa umuuwi para magbakasyon. 

May humila sa toga niya.  Nang yumuko siya ay sinalubong siya ng matamis na ngiti ni Jessica. 
“Congrats!” 

Natutuwang ginulo niya ang buhok ng bata, natanggal ang headband nito.  Dahil doon ay sumimangot ito at hinampas siya sa braso.

“Wala ka man lang gift sa akin?"  biro niya dito.

“Paglaki ko ay reregaluhan kita, promise.”

❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤
CHAPTER TWO

NASA ikatlong taon na ng kursong Mechanical Engineering si Ethan nang maglayas ang Mama niya.  Halos dalawang linggo itong hindi nagpakita matapos ng isang matinding alitan sa pagitan nito at ng Papa niya.

Pag-uwi niya isang gabi galing sa paglalaro ng basketball ay inabutan niyang nagsisigawan ang mga ito sa loob ng kuwarto.  Naiiling na tumuloy siya sa kusina para uminom ng malamig na tubig.  Inabutan niya si Erriz doon na tahimik na nakikinig sa nag-aaway na magulang.

“This place is like hell.  Bakit hindi na lamang sila maghiwalay kung ganyang nagbabangayan lang sila sa tuwing magkikita?”

“Siguro ay naubos na ang pasensiya ng Papa kaya pinapatulan na niya ang Mama ngayon.” 

Sabay silang napalingon sa loob ng malaking sala nang pabalandrang bumukas ang pinto ng silid sa itaas at lumakas ang sigawan.

“Hindi mo na ako mapipigilan sa pamamahay na ito, Elmer.  Ilang taon na akong nagtitiis sa piling mo!”

“Lahat ng gusto mo ay ibinigay ko, Sylvia!  Hindi pa ba sapat 'yon?”

“Sobra-sobra na ang kabayarang ibinigay ko sa ’yo kapalit ng luhong iyon.  Nasa 'yo ang dalawang anak ko at dala ang pangalan mo.  Kaya pakawalan mo na ako.”

Tuluyang nakuha no'n ang atensyon nilang magkapatid.  Magkasunod silang pumasok sa sala.

“Hindi mo ako puwedeng iwan!”

“Kahit kailan ay hindi mo ako napaligaya, Elmer.  Isa kang inutil!  Iiwan na kita at sasama na ako kay Ramon.” 

Muling pumasok ang lalaki sa loob ng kuwarto.  Pagbalik nito ay may hawak na itong baril at itinutok sa asawang tumatakbo pababa ng hagdan.

“Papa!”  Magkasabay na sigaw nila ni Erriz.

“Hindi mo magagawa sa akin ‘yan.  Pinalampas ko ang mga lalaking kinakatagpo mo mula noon, pero mamamatay ka muna bago ka tuluyang maging pag-aari ng iba!” 

Isang malakas na putok ang umalingawngaw sa loob ng malaking bahay.  Gumulong ang babae pababa sa hagdan. 

Shocked silang pareho ni Erriz at hindi agad nakakilos.  Nang malapitan nila ang ina ay kalong-kalong na ito ng ama nila.

“Patawarin mo ako!  Mahal na mahal kita, Sylvia! Patawad!”  humahagulgol ito habang inuuga ang duguang katawan ng asawa.

Hinawakan niya ang pulso ng ina, pumipintig pa ito.  “Papa, kailangan natin siyang dalhin sa ospital!”  Pero lalo pang humigpit ang kapit nito sa asawa.  “Papa!”

Mabilis na tumawag ng ambulansiya si Erriz at saka nito sapilitang inilayo ang pawisang ama mula sa walang malay na ina.

“Napatay ko siya!  Napatay ko ang Mama mo!”  Ang iyak nito ay naging tawa, at naging halakhak.  “Patay na siya!  Hindi na siya mapapakinabangan pa ng iba!”

Nilingon niya ang ama.  “Jesus Christ!”

NAKAALIS na ang mga police na nag-imbestiga sa nangyari.  Ganoon din ang ambulansya na magdadala sa ama sa isang espesyal na pagamutan para sa mga baliw. 

Katatawag lang ni Erriz at sinabing ipinasok na sa operating room ang Mama nila para tanggalin ang balang kamuntik nang tumama sa puso nito. 

Nanlalambot na napaupo si Ethan sa sahig.  Naglagatukan ang mga buto niya sa kamay sa higpit ng pagkakakuyom niya dito.

Humahangos na dumating si Seth, kasunod nito ang Mommy nito at si Jessica.

“Than!”  Umupo ito sa tabi niya at inakbayan siya.  “Ano'ng nangyari?  Kumusta na ang Mama mo?” 

Hindi niya magawang sumagot dahil parang may batong nakabara sa lalamunan niya. 

Ang batang si Jessica ay umupo sa kabilang gilid niya.  Hinawakan nito ang kamao niya na nakapatong sa tuhod niya. 

“It’s okay to cry,” mahinang bulong nito.   Para itong matandang nakakaintindi sa bigat ng mga pangyayari. 

Dahil sa sinabi ni Jessica, biglang umalog ang mga balikat niya sa tindi ng emosyon.  Ito ang unang pagkakataon na umiyak siya magmula ng magkaisip siya. 

Tinapik-tapik ni Seth ang balikat niya.  Samantalang humigpit naman ang maliit na palad ni Jessica sa kamay niya.

“Huwag kang mag-alala, makakaligtas ang Mama mo,” pampalakas-loob ng Mommy ng mga ito.

Isinakay siya ni Seth sa pick-up nito at dinala sa ospital kung nasaan ang Mama niya.  Nang lumabas ang surgeon ay napatayo silang lahat. 

“Ligtas na ang pasyente.”

Nagdatingan ang ilang kamag-anak at ilang malalapit na kaibigan ng mga magulang niya.  Nanliliit siya sa sitwasyon.  Hindi niya alam kung paano haharapin at sasagutin ang tanong ng mga ito.  Lalo siyang nahiya nang magkamalay ang ina at nagsisigaw ito sa harap ng mga bisita.

“Hayop ang lalaking iyon!  Papatayin niya ako!  Ramon!  Nasaan si Ramon?  Ilabas n'yo ako dito.  Hanapin n'yo si Ramon.”

Sinaksakan ito ng pampatulog para kumalma.  Nagkatinginan ang mga nandoon at isa-isang nagpaalam.  Magmula noon ay ipinagbawal na nila ang pagtanggap ng bisita.

My Sweet MiseryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon