Friendship Over

13K 369 12
                                        

CHAPTER NINE

“ETHAN, may ginagawa ka ba?”  alanganing tanong ni Jessica sa kausap sa kabilang linya.  “Exam kasi namin bukas.  Kailangan kong makakuha ng mataas para hindi ako ibagsak ng prof namin.  Alam mo na, mula nang binasted ko ang anak niya ay napansin kong pinag-iinitan na niya ako,” mahabang paliwanag niya sa binata nang wala siyang makuhang sagot mula dito.  “Puwede ba akong magpunta diyan para magpaturo?”

“Imposible namang ibagsak ka ng teacher mo dahil lang sa ganoong kababaw na dahilan.”

“Naku, hindi mo kilala si Mrs. Catacutan, terror iyon.”

“Puwes, mag-aral ka ng lessons mo.”

“Eh, hindi ko nga maintindihan.  Puro computations kasi.”

“Bakit kasi business course ang kinuha mo?  Kung theatre arts ‘yan, siguradong nag-excel ka pa.”

“Ang yabang naman nito.  ‘Di naman ako ganoon kahina sa Math.”

“I know.  Alam ko kung gaano katalino ang kuya mo.  Kahit latak ka na lang ay hindi ako naniniwalang bobita ka.  I have to go.  May lakad ako ngayon.  Magpaturo ka na lang sa Mommy mo.” 

Napahinga siya nang malalim.  Latak daw siya?  Ganoon ba siya ka-pangit sa paningin ng binata?

Kailangan niyang mag-isip ng paraan para makita niya ulit ito.  Kinabukasan ay maaga pa lang nang tumawag siya sa landline ng bahay nito.

“Good morning, Ethan.  Ayaw kasi mag-start ng makina nitong Innova.  Magko-commute na lang sana ako kaya lang umuulan.”

“Dalhin mo sa shop.”

“Hello!  Ayaw nga pong umandar.  Ano, itutulak ko?  Paki-tignan mo naman saglit, please.  Male-late na ako, exams ko pa naman ngayon.”

After ten minutes ay nandoon na ang binata.  Binuksan nito ang hood ng sasakyan at niyuko ang makina nito.

Inamoy-amoy niya ito mula sa likuran.  Hmnn, smells like morning sweat! 

Nagulat pa siya nang isara nito ang hood at harapin siya.

“Sa susunod, kapag nagkalag ka ng piyesa ay siguraduhin mong malaki-laki ang damage.”

“Oy, wala akong pinakialaman diyan.”

Hindi ito sumagot.  Pinulot nito ang kapiraso ng tissue paper na may grasa na nakakalat sa garahe.  Ipinunas nito ang nadumihang kamay doon.

Namula ang mukha niya.  Ginamit niyang pangsapin ang tissue na iyon kanina nang pakialaman niya ang battery terminal ng sasakyan. 

Iniabot nito ang tissue sa kanya.  “Huwag kang magkakalat.”  Humakbang na ito palabas ng bakuran.

“Teka lang!  Hindi mo ba ita-try kung aandar na?”

“It will definitely start, Jessica.”

“Paano kung hindi?  Ihatid mo na lang kaya ako?”

Nilingon siya nito at binigyan siya ng nababanas na tingin.  “Maglakad ka.  Do you know what time is it?  Dapat ay tulog pa ako.  Sa susunod ay huwag mong sasayangin ang oras ko.”
Lumusong ito sa mahinang ulan.

Supladong impakto!

Saktong paglabas nito ng gate ay may dumaang humaharurot na kotse.  Natalamsikan nito ng maruming tubig-ulan ang binata.

“Fuck you!” galit na sigaw nito sa malayo ng sasakyan.

Napangiwi siya doon, at napangiti pagkatapos.  Umm, loko!  Mabuti nga sa’yo.   Ang bilis ng karma... digital!

My Sweet MiseryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon