First Date

13.3K 372 22
                                        

CHAPTER SEVEN

PAGBABA ni Jessica sa jeep ay kailangan pa niyang sumakay ng tricycle papasok sa kanilang lugar.  Yakap niya ang libro at binder, sa balikat ay isang shoulder bag na naglalaman ng mga abubot niya.

Pagtawid niya ng daan ay napansin agad niya ang grupo ng mga lalaki na nag-iinuman sa harap ng sakayan.  Nakatingin ang mga ito sa kanya.  Base sa ngising nakikita niya ay hindi maganda ang itinatakbo ng usapan ng mga ito.  Nakaramdam siya ng takot sa maaaring gawin ng mga ito sa kanya.

“Hi, Miss Beautiful!” nakabungisngis na bati ng isang lalaki na malaki ang tiyan.  Labas lahat ang madidilaw nitong ngipin.

“Maaari ko bang malaman ang pangalan mo, sexy?” 

Hindi niya ito pinansin.  Nagtuloy siya sa nakaparadang tricycle.

“Inisnab ka, Chip!”

Pasakay na sana siya nang may humintong Dmax sa harap niya.
“Jessie!” 

Nakahinga siya ng maluwag nang makita ang maaliwalas na mukha ni Ethan. 

“Sakay na.”

“Uy, kaya pala suplada, may ipinagmamalaki!  Pasasaan ba’t makokorner din natin iyan.”

Nangingilabot na napalingon siya sa mga ito bago mabilis na sumakay sa pick-up ng binata. 

“What’s wrong?”  takang tanong nito nang makita ang itsura niya.  Saka nito tinapunan ng tingin ang mga lalaki sa tindahan.  “Binastos ka ba ng mga lalaking iyon?”

“Let’s go.  Lasing sila.” 

Pinatay nito ang makina ng sasakyan at akmang bababa nang hilahin niya ang braso nito. 

“Hayaan mo na sila, masasaktan ka lang.  Tara na.”

“Hindi ka dapat nagko-commute, Jessie, madaming masasamang tao ngayon.  Bakit ba hindi mo dalhin ang sasakyan ni Seth?  O kaya palit kayo ng Mommy mo, kotse niya ang gamitin mo.”

“Hindi ako marunong magmaneho.”

“I will teach you.”

“Natatakot ako.”

“Sa umpisa lang iyon.”

“Kukuha na lang ako ng driving lessons.”

“I said, I will teach you.  Pansamantala ay susunduin kita sa school tuwing hapon.”

“You don’t have to do that.  Puwede naman akong magpasundo na lang kay Mommy.”  Malabong mangyari iyon dahil minsan ay ginagabi na ng uwi ang Mommy niya mula sa pagtuturo sa public high school.

“Susunduin kita.”

Kinabukasan ay nakaparada na nga ang sasakyan nito sa harap mismo ng university bago pa man siya makalabas ng gate.  Bukas ang bintana ng pick-up nito.

“Ohmigosh!  So, it’s true, Papa mo ang playboy na ‘yan.”  Namimilog ang mga mata ng classmate niya.  “Syet!”

“Since when?” tanong ng isa pa.

“Teklet!”  sabay dila dito.

“Kainis naman ito!”

“I have to go, guys.  My prince charming is waiting, babush!”

Pagsakay niya ng sasakyan ay napansin niyang panay ang silip ni Ethan sa labas ng bintana.  “Ano'ng sinisilip mo?”

“Ang ganda ng babaeng iyon,” turo nito sa mestizang nasa isang canteen. 

“Maganda talaga, pinagkakaguluhan lang naman iyan sa buong campus.”

“Really?  Diyan ba siya laging nakatambay?”

“Ano'ng malay ko?  Hindi ko binabantayan ang kapwa ko babae.”

Tinignan siya nito saka tumawa.  “Sounds like a jealous girlfriend.  Kilala mo ba ‘yan?”

“Nuelle ang pangalan niya.  American citizen at saksakan ng suplada.  Classmate ko lang naman.  Bakit?”

“Talaga?”

“Don’t even try it.  Hindi ka papansinin niyan.”

“Si Ethan, iisnabin?”  may kayabangang sabi nito.

“Okay, kapag hindi ka pinansin ay ililibre mo ako ng merienda, ha?”

Bumaba ang binata at pasimpleng nilapitan ang dalaga sa canteen.  Wala itong malay na si Jessica lang naman ang kauna-unahang naging kaibigang babae ni Nuelle dito sa Pilipinas.  Mabilis niyang tinext ang dalaga.

Pagbalik ni Ethan sa sasakyan ay tawa siya nang tawa.  Nakaplaster sa mukha nito ang pagkairita.  Sa kauna-unahang pagkakataon yata ay taob ang kaguwapuhan nito.

“Akala yata ng babaeng iyon ay bukod-tangi siyang pinagpala.  Kung ayaw, ‘di ‘wag!”

“I told you!  Tamang-tama! ‘Di pa naman ako nagmerienda, tara na!”

Ang laking inis niya nang tumigil ang binata sa harap ng isang tindahan ng mga kwek-kwek!  Nakapila ang mga taong naghihintay na maluto ang kung ano mang organismo na nakasalang sa malaking kawa.

“Aano tayo dito?”  Lingon niya sa binata na nag-alis ng seatbelt.

“Ililibre kita, ‘di ba?”

“Dito?  Diyan?  Iyan?  Are you kidding me?”  Nanlalaki ang mga mata niya.

“Huwag kang maarte, baka pag-untugin ko kayo ng Nuelle na ‘yon.”  Bumaba na ito ng sasakyan.

Napilitan siyang sumunod sa binata.  “You know, I don’t eat...”

“There’s always a first time,”  madiing sabi nito.

Pagkatapos nitong tumusok ng maliliit na hotdogs, fish balls, kikiam, kwek-kwek at squid balls ay hinila siya nito sa isang mesa at pinaupo siya sa isang monoblock na nangingitim na ang paa sa alikabok.

Oh, my God!  Sigaw ng utak niya. 

Muling tumayo ang binata.  Pagbalik nito ay fried chicken skin naman na nakababad sa plastic cup na puno ng suka ang bitbit nito.  Sarap na sarap ito habang nginunguya ang isang piraso na dinukot nito sa baso. Kaderder.

“Kain na.  Lalamig na ‘yan.  Tignan mo, kulubot na ang mga hotdogs.”  Iniabot nito ang pantusok sa kanya.

“Nawala na ang gutom ko.”

Tinignan siya nito nang matiim.  “Paano kung ang boyfriend mo ay ito lang ang kayang ipakain sa date ninyo?  Would you act like that in front of him?”

“Hindi naman kita totoong boyfriend, at hindi ako mai-inlab sa taong sinasabi mo.”

“Huwag kang magsalita ng ganyan.  You can choose the perfect boyfriend, pero hindi ka makakapili kung sino ang taong mamahalin mo.” 

“Brrravo!  Saan mo naman nalaman iyan?”

“Sabi lang nila.”  Muli itong tumayo, pagbalik ay may dalang dalawang baso ng buko juice.

Nahipan niya ng hangin ang bangs.  Wala siyang nagawa kundi tumusok ng fish ball na lumalangoy sa sauce.  Pikit mata niya itong isinubo.  Nakailang nguya na siya nang maisip na masarap naman ito, lalo na sa mga taong gutom.  Hindi na niya napansin na nakailang subo na siya.

“Good girl.  Try this one.”  Isinubo nito sa kanya ang buong itlog ng pugo na nababalutan ng orange na pabalat.  Tapos ay ipinatong nito sa harap niya ang baso ng buko.

“Kapag sinakitan ako ng tiyan...”  Nalaglag ang kapiraso ng itlog mula sa bibig niya.

“Dadalhin kita sa ospital.”  May pilyong ngiti sa mga labi nito.  “Kaya sa uulitin, huwag mo na akong dadayain.”

“Ano'ng sinasabi mo?”

“Akala mo ba ay hindi ko alam na winarningan mo si Nuelle?”

“Huwag kang judgmental.  Wala kang ebidensya.”

“Nasa harap na niya ako at nakangiti na siya sa akin nang tumunog ang cellphone niya.  Nang muli siyang humarap sa akin ay maasim pa sa balat ng manok na ito ang mukha niya.”  Ibinagsak nito sa harap niya ang baso na puno ng suka at sibuyas.  “Tikman mo, dali!”

Nahirinan siya bigla.  Kinuha niya ang baso ng buko juice at sinaid ang laman nito.  “Baka nakakalimutan mo, Ethan, ipinakilala kitang boyfriend ko.  Kaya sa harap ng mga kaibigan at classmates ko ay umayos-ayos ka.  One month!”

“I never agreed to that.”

“Pero hindi ka rin pumayag na i-korek ko ang sinabi ko, kaya sa ayaw mo at sa gusto ay magpapanggap kang boyfriend ko sa loob ng isang buwan,” matigas na sabi niya, sabay bagsak ng plastic cup sa harap nito.

“Tapatin mo nga ako, may gusto ka ba sa akin?”

Napamulagat siya sa tanong na iyon.  Tinantya niya ang binata kung nagbibiro lamang ito pero sa paraan ng pagkakataas ng isang kilay nito ay sigurado siyang seryoso ito sa ginagawang interrogation sa kanya.

“Huwag kang ilusyonado.  Bakit ako magkakagusto sa’yo?  Ano'ng meron sa’yo na kagusto-gusto?”

Ikiniling nito ang ulo para iharap pang lalo ang katakam-takam na kaguwapuhan nito sa kanya.

“Iyan lang?  Eh, nagkalat ang mga ganyan sa mundo.  Ang gusto ko ay lalaking araw-araw ay pagsisilbihan ako, sosorpresahin, bibigyan ng sari-saring bulaklak at padadalhan ng kakakilig na messages.”

“Pambihira ka, sa pelikula mo lang makikita ang gano'n.”

“Oy, hindi, ‘no!  Ikaw lang naman ang malabong maging gano'n. Kasi  ang dry mo.  Kaya ‘wag kang magpantasya na magkakagusto ako sa’yo.  I want someone na mamahalin ako nang bonggang-bongga.  Iyong sa tuwing tititigan ako ay parang ako lang ang nag-iisang babae sa mundo.”

“Puwede iyon, kung kasingganda at sexy ka sana ni Marian Rivera, kaya lang height lang ang nakuha mo sa kanya.  Kaya pakiusap, ‘wag ka ring ambisyosa.”

“Impaktong ‘to!”

My Sweet MiseryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon