CHAPTER THREE
MABILIS ang mga hakbang ni Jessica pababa ng hagdan. Tinanghali siya ng gising. Kapag araw ng Linggo ay siya ang nakatokang magluto ng almusal dahil ang Mommy niya ay maagang umaalis para mamalengke.
Nagbati siya ng itlog at isinalang ang kawali sa kalan. Pumasok siya sandali sa banyo para wisikan ng tubig ang mukha. Nang mapatingin siya sa salamin ay nagulat siya sa nakita. Ang pimple niya sa kaliwang pisngi ay namamaga. Kasabay ng mga pimples ay ang biglang pagtaas at ang iba pang mga pagbabago sa katawan niya. Nakailang buntonghininga siya bago lumabas ng banyo.
Binuksan niya ang radyo at inilagay sa paborito niyang istasyon. Sa umaga ay puro upbeat ang mga tugtugin dito. Habang nagpi-pirito ng itlog ay sinasabayan niya ng kanta at sayaw ang maharot na awitin.
Nang maluto ang sinangag, binuksan niya ang ref para kumuha ng malamig na maiinom. Pinagpawisan siya sa init at pag-exercise ng katawan sa harap ng kalan. Kinuha niya ang isang litro ng fresh milk at nagsalin sa baso. Nakailang lagok na muna siya bago tumuwad para ibalik ang plastic na bote. Kumuha siya ng grape at isinubo iyon.
Nagsimula siyang umindak-indak ulit sa saliw ng tugtugin. Sinipa niya ng isang paa ang pinto ng ref. Pagtalikod niya ay napasigaw siya sa nakita. Mabuti na lang at nahabol ng palad niya ang grape na naibuga niya dahil sa gulat. Kamuntik na rin niyang mabitawan ang hawak na baso.
“Shhh!” sita ng malaking bulto na nakasandal sa entrance ng kusina. Prenteng-prente itong nanonood sa paggiling niya mula pa kanina. Napasigaw ulit siya nang malakas. Mabilis niya itong tinalikuran.
“Huwag kang maingay! Baka magising ang Mommy mo!”
Tumapon ang gatas sa tiyan niya. Minabuti niyang bitawan ang baso sa itaas ng counter bago pa niya ito tuluyang mabasag. Mabilis niyang niyuko ang sarili at wala sa loob na itinakip ang mga braso sa dibdib. Manipis na sando lang ang suot niya at string lang ang straps nito. Ang ultra-short shorts naman niya ay mukhang underwear na rin kung titignan.
“Ano'ng ginagawa mo dito?”
“‘Di mo ba ako napansing nakahiga sa sofa kanina?”
“Sa sofa ka natulog?”
“Hindi na ako nakabangon kagabi sa sobrang kalasingan.”
“What’s new? Kung makalaklak ka kasi ng alak para kang mauubusan.”
“Teka, ako ba ang kausap mo? Bakit diyan ka sa ref nakaharap?”
“Tumalikod ka.”
“Bakit?”
“Dadaan ako.” Sa gulat niya ay tumawa nang malakas ang ungas. Nagpanting ang tainga niya kaya hinarap niya ito at nameywang. “Ano'ng nakakatawa?”
“Ikaw!” Hindi pa rin matapos-tapos ang tawa nito. “Sa tingin mo ba ay dalaga ka na? May gatas ka pa nga sa labi.” Literal na puna nito sa kanya.
Wala sa loob na dinilaan niya ang paligid ng mga labi para tanggalin ang bakas ng ininom na gatas.
Umiwas ng tingin ang binata. Lumipat naman ang mga mata nito sa dibdib niya.
“Wala naman akong makikita diyan kundi bubot na bayabas. Kawawa naman ang magiging syota mo.” Saka ito muling tumawa.
Pakiramdam niya ay umuusok ang ilong niya sa galit. “Huwag na huwag kang makikikain sa niluto ko! At sa uulitin, huwag na huwag ka na ring makikitulog dito sa sofa namin. Amoy tambutso ka pa naman!” Tuluyan nang nawala ang praktisadong poise sa harap ng nagtatawang binata.
![](https://img.wattpad.com/cover/130339973-288-k998921.jpg)
BINABASA MO ANG
My Sweet Misery
Lãng mạnpublished under PHR 2013 (Modified version) "I need you. You're the only thing that keeps me sane, the only thing that keeps me going, and the only person who can make me whole again." 💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞 Aso't pusa, iyon sina Ethan at Je...