MINSAN ay natyempuhan ni Jessica na palabas ng subdivision si Ethan. Araw ng Linggo noon. Nagbukas ng bintana ang binata.
"Saan ka pupunta?"
"Dadalawin ko ang Papa"
"Really? Can I... Okay lang ba na sumama ako? Wala rin naman akong gagawin."
Halatang nag-alangan ang binata.
"Gusto ko lang naman makita ang Papa mo. Pero kung makakaabala ako sa'yo, huwag na lang."
"Okay, hop in." Pagpasok niya sa sasakyan ay tinanong siya agad nito. "Bakit gusto mong makita ang Papa?"
"That's Tito Elmer, wala naman sigurong masama kung dalawin ko siya."
Nang makarating sila sa pribadong ospital ay binati agad sila ng babae sa reception area. "Good morning po, Sir Ethan, Ma'am," lingon nito sa kanya.
Nagtuloy sila sa visiting area. Maya-maya pa ay lumabas na ang isang nurse tulak ang wheelchair ng matanda. Agad siyang tumayo para salubungin ito. Pero hanggang sa makalapit siya sa harap nito ay nanatiling diretso lang ang tingin ng lalaki.
Sumunod si Ethan sa kanya at kinuha ang wheelchair ng ama nito.
"Doon tayo sa garden para makalanghap ng sariwang hangin ang Papa." Kahit nasa open space na sila ay nanatiling nakabantay ang nurse dito sa 'di kalayuan.
"Close supervision ang Papa, lalo pa't may record siya ng violence before. Pero so far ay bumuti na ang kalagayan niya. Nagre-respond na siya sa mga bagay na nakikita niya, lalo na kung familiar ito sa kanya. Subukan mo siyang kausapin."
"Tito Elmer, si Jessica po ito. Natatandaan po ba ninyo ako? Madalas po akong maglaro sa hardin ninyo noong araw. Siguro nga po hindi na ninyo ako makikilala ngayon, dalaga na kasi ako. 'Di ba po lalo akong gumanda?" biro niya dito.
Gumalaw ang mga mata ng lalaki, sinulyapan siya.
Umupo ang binata sa harap ng ama. "Papa, gusto kong makilala mo ang babaeng nag-iilusyon na girlfriend ko, si Jessie."
Pinalo niya ito. "Ano ka ba?"
"Hindi naman niya maiintindihan iyon," bulong nito.
"Jessie..." tawag ng matandang lalaki sa kanya na ikinalingon nilang pareho dito.
"Natatandaan ka ng Papa. Si Jessie nga iyan, Papa, iyong makulit na nakabasag ng vase ni..." huminto ito bago pa mabanggit ang ina na maaaring makapag-trigger ng breakdown nito. "Papasa ba siya sa panlasa mo? Puwede ko na bang pagtiyagaan?"
"Alis ka nga diyan." Itinulak niya ang binata palayo sa matanda. "Ako ang kakausap sa kanya." She went on babbling about so many things, kung ano na lang ang pumasok sa isip niya. Natutuwa siya dahil nagre-respond ang matanda, umiiba-iba ang ekspresyon ng mukha nito.
"Jessie, ganda!" paulit-ulit na sinabi ng matanda na ikinatawa niya.
"Tuwang-tuwa ka dahil gandang-ganda sa'yo ang baliw," natatawang sabi nito. "Dito ka na lang kaya tumira? Magtayo ka ng fans club mo dito. Sa labas ay wala man lang yatang nagkakagusto sa'yo."
Hinampas niya ito nang ubos lakas.
"Kung makahampas ka! Totoo naman, 'di ba? Baka nga iyong sinasabi mong stalker ay product of imagination mo lang. Kayong mga babae talaga, grabe kung magpantasya. Nasulyapan lang kayo nang minsan, ang haba na agad ng hair ninyo." Sige ito sa pambubuska habang nagpapahabol ng hampas.
Sumampa ito sa gilid ng maliit na pond na may malaking fountain sa gitna.
Sunod naman siya. Sa kahahabol niya dito ay dumulas ang isang paa niya. Bagsak siya sa mababaw na tubig. Para siyang sirena na nakatihaya, taas ang buntot.

BINABASA MO ANG
My Sweet Misery
Romancepublished under PHR 2013 (Modified version) "I need you. You're the only thing that keeps me sane, the only thing that keeps me going, and the only person who can make me whole again." 💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞💞 Aso't pusa, iyon sina Ethan at Je...