Part 3

13.4K 250 6
                                    


"PIER, pier, pier!" Ang malakas na tinig ng kundoktor ng sinasakyang bus ni Guinevere ang nagpagising sa kanya.Inayos niya ang sarili. Nasa Batangas Pier na pala siya. Nagpulasan na ang mga kasabay niyang pasahero. Isinukbit na niya ang backpack na dala at tumayo na rin. Isinuot niya ang dark shades nang makababa ng bus at nagmadali nang pumunta sa bilihan ng ticket.

"Argh!" Guinevere rolled her eyes. Hindi na siya umabot sa alas-dose y medya na biyahe ng Supercat papunta sa Mindoro. Ang Supercat ang pinakamabilis na sasakyang-pandagat sa pier. Aabutin lamang kasi ng isang oras ang biyahe mula pier ng Batangas papunta sa pier ng Mindoro kung iyon ang sasakyan niya. She had other option, though. Puwede siyang sumakay ng Ro-Ro, isa pang klase ng sasakyang-pandagat. Iyon nga lang, mabagal ang Ro-Ro at aabutin nang mahigit dalawa at kalahating oras ang biyahe. Halos tatlong ulit na haba ng biyahe ang gugugulin niya sa Ro-Ro kompara sa Supercat. Ngayon ay wala siyang pagpipilian kundi ang sumakay sa Ro-Ro dahil hindi na niya naabutan ang biyahe ng Supercat.

She was Guinevere Mercado, a twenty-five-year-old licensed dentist. Hindi siya taga-Mindoro. Sa katunayan ay iisang beses pa lang siyang nakarating doon. Gayunman ay matalas naman ang memorya niya sa mga ganoong bagay kaya alam niyang hindi siya maliligaw sa kanyang paroroonan.

Kunsabagay, hindi naman nagmamadali si Guinevere kaya walang kaso sa kanya kung mabagal na barko ang sasakyan niya. Kaya nga pinili niya ang land at water transportation kaysa sa air transportation. Kailangan lang niyang paalalahanan ang taong susundo sa kanya sa pier ng Calapan na mahuhuli siya ng tatlo hanggang apat na oras. Pumila na siya sa bilihan ng ticket. Nang makakuha ng ticket at makapagbayad ng terminal fee ay tinalunton na niya ang pathway na magdadala sa kanya sa pantalan. Habang naglalakad ay tinawagan niya ang kanyang pinsan na si Febe. Dalawang ring lang at may sumagot na sa kabilang linya.

"Gwen, sakay ka na ba ng Supercat?"agad na bungad nito. Her cousin—Febe Juderial—was now married to Brandon Valencia. Si Febe ang pupuntahan niya sa Mindoro dahil nag-volunteer siyang sasama sa medical mission ng Valencia Foundation. Isa iyong nongovernment organization na itinatag at pinamamahalaan ng pamilya ni Brandon Valencia.

"No, Ate. Hindi ko inabutan ang Supercat. Pasakay ako ngayon sa Ro-Ro."

"What? Baka mainip ka sa biyahe."

"Nah," agad na sansala niya. "No worries. Kayang-kaya ko 'to. Isa pa, dala ko ang Kindle ko. Puwede kong ubusin ang oras ko sa pagbabasa."

"Sigurado ka? Kung bakit kasi hindi ka pa sumabay sa amin ni Brandon noong isang araw."

"Hey, may trabaho rin ako, 'no?"

"Yeah, right! Pero tumanggi ka rin na ipasundo ka na lang ng chopper diyan."

Natawa si Guinevere. "Hay, Ate, minsan ay kailangan pa rin natin ng mabagal na takbo ng oras to appreciate things around us. Minsan-minsan lang ito kaya okay lang. Isa pa, hindi mo ba alam na mahal ko si Mother Nature? I love the scenery. Sige na, Ate, tumawag lang ako para ipaalam na male-late ako ng dating. Ikaw na ang bahalang mag-inform sa taong susundo sa akin sa pier, 'kay? Bye for now."

"Okay, wala na akong sinabi. Wait, sweetie, anong barko iyan?"

Sinabi niya ang pangalan ng barko.

"Okay. Take care. Bye."

Narating ni Guinevere ang bukana ng barko. Iniabot niya sa inspector ang ticket niya at dere-deretso na siya sa pagpasok sa barko. Bahagya siyang napasipol nang makitang puno na ng mga sasakyan ang lower deck ng barko. Bukod kasi sa mga tao ay nagta-transport din ang Ro-Ro ng mga sasakyan.

"Welcome aboard, Ma'am. This way, please," anang isang crew na hindi maitago ang paghanga sa mga mata. Iminuwestra nito ang hagdan na papunta sa upper deck ng barko kung saan tumitigil ang mga pasahero.

Nginitian ni Guinevere ang crew. "Thank you."

Pagkalipas ng labinlimang minuto ay nagsimula nang maglayag ang barko. Hindi muna siya dumeretso sa mga upuan, sa halip ay tumayo siya sa railing at pinanood ang unti-unting pagliit ng pantalan ng Batangas sa kanyang paningin.

Valencia Series Book 5: Charlie (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon