Girlfriend

23.9K 430 2
                                    

Seven years ago, Santorini Greece

"NAGNININGNING na naman ang mga mata mo, bru," komento kay Irene ng kaibigang si Bryan, o Brianna para sa mga may alam sa totoong estado nito. Kaklase niya ito noong high school at itinuturing niyang best friend. Dahil halos isang taon din na hindi nagkita ay niyaya siya nitong lumabas nang makabalik siya sa Greece.

Nag-aaral si Irene ng Interior Design sa isa sa mga ivy schools sa Paris, France, samantalang si Brianna ay nanatili sa Greece para mag-aral dahilan upang matagal silang hindi nagkita. Bakasyon niya ngayon sa college kaya umuwi siya. Isama pa na ilang araw mula ngayon ay gaganapin ang eighteenth birthday niya. Days from now, she would be called a lady. Excited na siya.

"Alam mo kung bakit," nakangising sagot niya sa kaibigan sa wikang Filipino.

Dahil best friend niya si Brianna ay natuto siya ng lengguwahe nito. Isang exchange student kasi si Brianna galing sa Pilipinas. Isama pa na matagal na siyang nag-aaral ng wikang Filipino. Iyon kasi ang pangunahing lengguwahe ni Nikos. Dahil gusto niyang mapalapit sa itinuturing na kapatid ay pinag-aaralan niya lahat ng bagay na may kinalaman dito. Ngayon ay masasabing bihasa na siya sa lengguwahe na iyon.

Maaga siyang pumasok sa paaralan kaya naman mas bata siyang maituturing sa mga kaklase. Masyado kasing excited ang mga magulang niya noon lalo na at mahal na mahal siya ng mga ito kaya pati ang pagpasok niya sa eskuwelahan ay nagpa-excited sa mga ito. Dahil matalino siya, naggawa niyang makisabay sa mga kaklase niya at payagan ng paaralan na pumasok ng mas maaga. Wala rin naman ang mga itong magagawa dahil ginusto rin iyon ng mga magulang niya. Isa ang Mama niya sa Board Of Directors ng paaralan. Eighteen years old ang kadalasang edad ng mga kaklase niya kapag nakatapos na sa highschool o General Lyceum kung tawagin sa kanila. Magse-seventeen year old naman siya nang mangyari iyon.

"Dahil sa Kuya Nikos mo? Grabe ka talaga! Ang lakas ng tama mo diyan sa kapatid mo!" komento nito.

Pinaikot ni Irene ang mga mata. "Hindi ko siya kapatid, okay?" pagtatama niya.

"Almost. Hindi lang siya inampon ng magulang mo legally. Hindi naayos. Ang incest ng puso mo, Irene. Nakakaloka ka!"

Hinawakan niya ang puso. "Brianna, 'di ba palagi mong sinasabi sa akin na kapag tumibok ang puso, wala ka nang magagawa kundi sundin ito?"

"Hey, that applies to my papa's!" malanding wika nito. "Kasi naman, Irene, sa lahat naman ng iibigin mo, bakit si Nikos pa? Alam mo naman na para na kayong magkapatid. 'Yon nga lang, ayaw niya sa 'yo. Galit siya sa 'yo."

Napasimangot si Irene sa narinig. Tama si Brianna. Hindi siya gusto ng ampon ng mga magulang niya. Hindi man aminin ni Nikos kung bakit, pero may hula siya na dahil iyon sa pagdating niya sa buhay ng mag-asawang Sallis. Siguro ay pakiramdam ng lalaki, inagaw niya ang atensyon na dapat ay solo nito.

Kahit anong gawin niyang pakikipaglapit ay hindi nito magawang pansinin. Halos lahat na nga ay ginawa niya para sa lalaki. Pero hindi dahilan ang mga pagsusuplado nito para tuluyan niya itong layuan. Parang nakita niya kasing isang challenge ang pakikipag-ayos sa kapatid. Hanggang sa naramdaman niya na ang "challenge" na iyon ay hindi lang "challenge" para sa relasyon nila. Iyon ay naging "challenge" din sa puso niya...

Eventually ay naramdaman ni Irene na kaya hindi niya magawang sumuko sa pakikipaglapit kay Nikos ay dahil hindi naman talaga niya gusto itong maging kapatid. It was something to do with her heart. She fell in love for his almost brother.

Kung hindi natutuwa si Nikos na hindi ito inampon ng magulang niya legally, kabaliktaran naman iyon ng nararamdaman ni Irene. Para sa kanya ay ayos iyon. Ibig sabihin lang kasi ay may pag-asa siya rito.

"I don't care! Basta gusto ko si Kuya Nikos. I love him. I adore him. Kahit nakikita niya lang ako bilang kapatid o kaaway man, it doesn't matter," giit niya sa kaibigan.

Mahal niya si Nikos. At kahit tutulan man iyon ng mga kaibigan, magulang o kahit ni Nikos ay ipaglalaban niya iyon. Gusto niya ang pakiramdam kapag nasa tabi niya o kapag nasa malapit ito. Iba iyon sa pakiramdam niya kapag nasa tabi siya ng mga kaklase. O kaya kapag may isang lalaki na nagtatangkang manligaw sa kanya. Puwede naman niyang huwag bigyan ng effort ang pakikipaglapit kay Nikos dahil hindi naman iyon kailangan. Kahit ang mga magulang niya ay hindi pinipilit iyon. Palaging sinasabi ng mga ito na ganoon talaga ang ugali ng kapatid. Na sadyang masungit ito at suplado. At hinahayaan na lang si Nikos ng mga magulang niya. Alam din niya na hindi paghingi ng tawad ang dahilan kung bakit siya lumalapit. Iyon ay dahil gusto lang niya. Gusto niyang nasa tabi niya ito.

At ngayon ay masaya siya dahil magkikita na silang muli. Mahigit isang taon din silang hindi nagkita. Nagma-masteral kasi si Nikos sa Harvard at minsan lang umuwi. Pero ngayon ay uuwi ito dahil sa kaarawan niya. Nag-confirm si Nikos kahapon nang tawagan ito ng mga magulang niya. Iyon ang dahilan kung bakit masayang-masaya siya.

"Bahala ka nga! Basta pinagsabihan na kita, ha. Wala na akong pagkukulang sa 'yo," paalala ni Brianna.

Matapos nilang kumain at manood ng sine sa mall ay nagyaya na siyang umuwi.

Nagniningning pa rin ang mata ni Irene nang makauwi sa bahay nila. Sabik na sabik siya sa pagdating ni Nikos. Alam din niya na ngayong araw ito darating pero mamaya pang gabi. Kaya nagulat siya nang ang lalaki ang sumalubong sa kanya pagpasok na pagpasok niya ng bahay nila. Naging abnormal ang tibok ng puso niya nang matitigan ang napakaguwapong mukha ni Nikos.

Ano naman kung marami ang nagsasabi na mali na mahalin niya ang ampon ng mga magulang? Hindi naman niya ito talaga tunay na kapatid. Hindi incest na mahalin ang lalaki. Saka mapipigilan ba niya ang puso?

Tuwing nakikita ni Irene ang maiitim na mga mata ni Nikos ay para siyang hinihigop. Gusto rin niya ang pagka-hooded niyon. Kaiba sa mga Filipino na nakilala niya—dahil sa tulong ni Brianna—ay matangos ang ilong ng lalaki. Maganda rin ang pagkakayumanggi ng balat. Kaibang-kaiba ang hitsura nito sa mga Greek na lalaking kilala niya. Marami ang nagsasabi na maganda raw ang lahi nila, pati ang mga lalaki. Greek gods kung ituring. Pero para kay Irene ay walang panama ang mga iyon kay Nikos. Si Nikos ang Diyos ng puso niya. Dito lang siya nakaramdam ng ganoong atraksyon. Tuwing nakikita ito, lumalakas ang tibok ng kanyang puso at tila nangangatog ang tuhod niya...

"Nikos!" Naglambitin pa si Irene sa leeg nito na para bang close sila. Hindi niya mapigilan. Gusto niyang gumawa ng paraan para makalapit dito. Dahil tuloy sa ginawa ay naamoy niya ang mabangong amoy ng katawan ni Nikos.

Lalong lumakas ang pintig ng puso niya. Nang tumingala ay napatitig pa siya lalo sa mukha ni Nikos. Nagkaroon ito ng mumunting stubbles sa paligid ng panga pero guwapo pa rin. Mas gumuwapo pa nga. Bagay kay Nikos ang stubbles. Pero ang pinakanapansin ni Irene ay ang sexy na mga labi nito. Sa pagkatingin niya roon ay ang daming bagay na gumulo sa isip niya. Kailan kaya niya mahahalikan ang mga iyon? Kailan ba siya makikita ni Nikos bilang isang babae? Kailan kaya siya nito mamahalin?

"Irene... stop!" pagpapatigil sa kanya ni Nikos, saka inalis ang kamay niya at inalis mula sa pagkakalambitin sa leeg nito. "May kasama ako..."

Napakunot-noo si Irene. Tumingin siya sa paligid at noon lang niya nakita na may nakaupong babae sa malaking sofa set ng bahay nila. Nang mapatingin sa babae ay binigyan siya nito ng isang napakatamis na ngiti. Base rin sa hitsura ay mukha itong mabait at malambing.

Ganoon pa man ay walang pakialam doon si Irene. Kahit na ba mukhang anghel si Cora ay may masama siyang kutob dito. Hindi niya ito gusto. At lalong hindi nagustuhan nang magsalita si Nikos.

"Irene, I would like you to meet Cora. Nagkakilala kami sa Harvard. Pareho kaming Filipino kaya nagkasundo kami. And by the way, she is my girlfriend."

International Billionaires Book 1: Nikolas Lance Afinidad (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon