KAIBA sa mga naging kasamahan at kabarkadang bata sa Safe Haven Orphanage na malungkot dahil sa nalalapit na paglisan sa lugar, si Nikolas Lance—o Nikos para sa mga nakararami—ay walang pagsidlan ang tuwa. Maganda naman ang turing sa kanya sa bahay-ampunan kung saan siya namalagi mula noong sanggol pa lang. Pero siyempre, iba pa rin ang pagkakaroon ng sariling pamilya. At ilang araw na lang mula noon ay kukunin na siya ng mag-asawang Greek national at dadalhin sa Santorini, Greece kung saan nakatira ang mga ito.
Ilang beses na rin nakita ni Nikos ang mag-asawang Loukas at Iris Sallis. At sa ilang beses na pagdalaw ng mag-asawa ay napalagay na ang kanyang loob sa mga ito. Masuwerte siya dahil mabait ang mag-aampon sa kanya. Kapag naiisipan ng mag-asawang bisitahin siya ay hindi maaaring walang dalang pasalubong sa kanya o hindi ipahihiwatig ang kagustuhan na ampunin siya.
Love at first sight daw ang nangyari kina Loukas at Iris nang makita siya. Matagal nang ninanais ng mag-asawa na mag-ampon ng isang batang Filipino dahil nabalitaan na mababait daw ang mga Filipino. Dahil ilang taon nang kasal at hindi magkaanak, napagpasyahan ng mag-asawa na mag-ampon na lang. Kasa-kasama ang mga ilang foreigner na kaibigan na kapwa gusto rin mag-ampon ay nagpunta ang mga ito sa Safe Haven. Sa apatnapung bata na nasa Safe Haven ay si Nikos ang nagustuhan nina Loukas at Iris. At isa siya sa anim na batang masuwerteng natipuhan ng anim na foreigner couple na dumalaw kulang-kulang isang taon na ang nakararaan sa Safe Haven.
Ang mangyayaring pag-aampon kay Nikos at sa lima pang bata na halos kaedad at naging kabarkada na sa orphanage ay ang tinatawag na inter-country adoption. Hindi naman ganoon kahirap lalo na at makapangyarihan ang mga tao na mag-aampon sa kanilang anim. Ganoon pa man, mahaba na proseso. Magkakaroon pa kasi ng trial custody sa loob ng anim na buwan.
Sa trial custody ay sinusukat kung makakaya ba ng adoptive parents ang pag-aampon. Doon rin sinusukat kung makakaya ba ng mga aampunin ang pag-adjust sa magiging bago na pamilya. May mga pagkakataon na kailangan na manirahan pa ng aampunin sa bahay ng mag-aampon. Pero sa kaso nilang anim ay hindi ganoon. Ginamit na lamang ng mga mag-aampon sa kanila ang kapangyarihan para makalusot roon dahil sa pagiging abala ng mga ito. Mayayaman at makakapangyarihan na tao kasi kaya naggawan rin ng paraan. Ganoon pa man, ipinakita rin naman ng mga mag-aampon na talagang may kakayahan ang mga ito sa pamamagitan ng ilang beses na pagdalaw sa kanilang anim. Isa pa, nakita rin ng social workers ang willingness nila na anim na magpa-ampon sa mga ito. Ang tanging ginawa lang sa six months trial custody ay tignan ang kakayahan ng mga mag-aampon na naging matagumpay rin naman. Sa ngayon, nasa final process na ang pag-aampon sa kanila. Malapit nang matapos ang paghihintay ni Nikos, pati na rin ang paghihintay ng mga kaibigan niya.
"Mami-miss ko kayo. Sana kahit magkakalayo na tayo, hindi pa rin tayo magkalimutang anim," madramang wika ni Augustus. Kapareho ni Nikos ay sa Europe din pupunta ang kaibigan dahil isang French national ang aampon dito. "Sana ay magkaroon pa rin tayo ng oras para sa isa't isa. Sulatan n'yo ako, ha?"
"Ha? Paano ka namin masusulatan? Hindi pa naman natin alam ang address ng isa't isa," tanong ni Jet. Isang old maid na Spanish doctor naman ang mag-aampon dito.
"Tatanungin ko ang aking mga future père et mere," napangiti pa si Augustus habang sinusubukang magsalita ng lengguwahe sa bansang titirhan nito.
"Hindi naman siguro mahirap para sa atin ang magkausap-usap pa rin. Magkakaibigan ang mga mag-aampon sa atin. Sa iba't ibang bansa nga lang nakatira at may iba't iba ring nationality. Kung gano'n ay mako-contact pa rin natin ang isa't isa dahil siguro naman ay mayroon din silang contact ng bawat isa," teorya naman ni Ed o maaaring tawagin na nilang "Prince Ed" dahil sa isang Portugese royal family ito mapupunta.
Tumango-tango sina Vincent at Cedric na kasabayan din na lilisan nina Nikos sa Safe Haven Orphanage. Si Vincent ay aampunin ng isang mayamang Koreanong mag-asawa at si Cedric naman ay ng isang pamosong painter sa Italy.
Tama naman si Ed sa teorya nitong iyon, kaya hindi na rin nalulungkot si Nikos na magkakahiwa-hiwalay silang anim na halos magkakapatid na ang turingan sa orphanage.
Lahat ng mga madre sa orphanage ay sinabihan silang napakasuwerte nilang anim dahil lahat ng mag-aampon sa kanila ay hindi lang basta mayayaman. Kilala ang mga ito internationally dahil sa career at business. Sigurado raw na napakaganda ng hinaharap nila sa estado ng mga mag-aampon sa kanila. At ang maganda pa nga doon ay magkakaibigan ang mga ito. Kasali kasi sa isang elite organization na tumutulong sa mga batang ulila ang mga foreign couple kaya nagkakila-kilala at naisipang mag-ampon ng mga bata. Suwerte rin at ang napiling mga bata ng mga ito ay sa Pilipinas aampunin.
Pero para kay Nikos, hindi lang dahil sa mayaman ang mag-aampon sa kanya kaya siya masuwerte. Pagmamay-ari ng mag-asawang Sallis ang pinakamalaking shipping company sa buong Greece kaya sigurado ngang may kinabukasan siya roon. Pero ang pinakanagustuhan niya ay ang magkakaroon na ng sariling pamilya na kanya. May matatawag na siyang sariling mga magulang. Magkakaroon na siya ng identity na matagal na niyang inaasam.
Hindi kailanman nakilala ni Nikos ang mga magulang. Napulot lang daw siya ng mga madre noong sanggol pa lamang sa labas ng bahay-ampunan. Pinangalanan siyang Nikolas Lance at ang apelyidong ginagamit na Afinidad ay apelyido ng dating madre na namumuno sa orphanage.
Sa ngayon ay patay na ang madre, pero iyon pa rin ang ginagamit ni Nikos. Wala pa kasing nakakaisip na mag-ampon sa kanya hanggang noong isang taon. Kaya para sa kanya ay wala pa rin siyang tunay na identity. Pero ngayon ay magkakaroon na dahil sa mag-aampon sa kanya. Kaunti na lang at mapo-proseso na ang mga papeles niya. Makakaalis na siya ng bansa. Legal na maampon na siya nina Loukas at Iris Sallis. Magiging Greek na rin ang nationality niya.
Masaya siya dahil sa wakas ay may masasabi na rin siyang totoong pamilya. Mararamdaman na rin niya ang pakiramdam na may mga magulang na nagmamahal sa kanya. At higit sa lahat, mararamdaman na rin niya na buo ang pagkatao dahil magkakaroon na rin ng sariling apelyido.
Aside from having a real "safe haven," Nikos would also have his own identity. Hindi na siya si Nikolas Lance Afinidad na ipinahiram lang ang pagkatao. Malapit na siyang maging si Nikolas Lance Sallis. Isang legal na anak. Isang legal na tao.
BINABASA MO ANG
International Billionaires Book 1: Nikolas Lance Afinidad (COMPLETED)
RomansaName: Nikolas Lance Afinidad Professsion: Businessman, President of Haven Developments Whereabouts: Santorini, New York City and Manila Romantic Note: Agape Mou Citizenship: Greek