Chapter 10

52.6K 1.2K 7
                                    

"RENZ..." ibinulong ni Kimberly ang pangalan.

Isang luha ang kumawala at pumatak sa hawak niyang papel. Maingat niya itong pinahid. Muling itiniklop, ibinalik sa kahon at inilagay sa drawer ng night table.

Hindi niya kayang pakitunguhan ang damdaming nag-uumapaw sa puso niya. Gusto niyang maghisterya. Ano ang ibig sabihin ni Renz? May pagtingin din ba ito sa kanya?

Eh, ano kung sixteen lang siya. Hindi naman ibig sabihin noon ay mag-aasawa na sila. Bakit ang Kuya Patrick niya at si Laila?

Ang sabi nito sa sulat ay hindi nito alam kung maiintindihan niya. Talagang hindi! At bakit kailangan niyang maghintay?

Isang marahang katok ang nagpagulantang kay Kimberly. Si Cristina. Mabilis niyang inayos ang sarili.

"Lalabas na ako, Mom. Sandali na lang."

Sina Gigi at Lilibeth ay kasama at kausap ng dalawang classmates ni Patrick at nagkakainan. Si Patrick ay nasa balkonahe at kausap si Laila na kinawayan siya nang makita.

"Hi, Kim. Kanina ka pa namin hinahanap. Isinasama kasi ako ni Patrick kina Renz, eh."

Nagtatanong ang mga mata ng dalagitang tumingin sa kapatid.

"Double celebration kina Renz ngayon, Kim. Dahil sa graduation nga at aalis na ito bukas ng umaga patungong Maynila. Inirekomenda siya ng tiyo niya bilang apprentice sa isang malaking drug company. Tuloy magre-review na rin para sa board," paliwanag ni Patrick.

Napatda sa kinatatayuan si Kimberly. Aalis si Renz bukas. Hindi sila magkikita. Buong akala niya ay lalagi lamang sa San Ignacio ang binata at dito na rin magtatrabaho. Kung sabagay ay ano ba ang gagawin ng isang chemical engineer dito sa bayan nila?

"Sis, namumutla ka. Bakit?" Nag-aalalang hinawakan siya ni Patrick sa braso at iniupo sa upuang bakal.

"Ikukuha kita ng tubig, Kim," si Laila na akmang papasok sa loob.

"'H-huwag na, Lai," awat niya "Walang anuman ito. Parang bigla lang akong nahilo," aniya sa mabuway na tinig.

Ang buong akala niya ay makikita pa rin niya ito habang nagmamadali siya sa paglaki. Kaya ba ito sumulat?

Huminga nang malalim si Patrick na tiningnan siya na unti-unting pinanumbalikan ng kulay.

"Init, pagod at gutom iyan, Kim. Pumasok ka sa loob at kumain," utos nito.

Marahang tango ang isinagot ng dalagita at mabigat ang mga hakbang na lumakad papasok nang may maalala.

"Kuya, anong oras bukas ang alis ni Renz?"

Nagkibit ng balikat si Patrick. "Siguro alas-otso ng umaga. Gagamitin yata niya ang kotse ng kanyang papa. O, paano, tuloy na kami. Nagpaalam na ako kina Daddy."

"Bye, Kim."

Sinundan niya ng tanaw ang dalawa hanggang sa mawala sa paningin ang kotse ng daddy niya.

Sweetheart Series 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon