Chapter 14

52.6K 1.2K 37
                                    

PALABAS sina Kimberly, Laila, at Lilibeth sa campus ng araw na iyon nang masalubong nila si Gigi sa gate, kasama si Dianne.

Nagkatinginan ang magkaibigan. "Bakit nandito iyan? Hindi ba at nasa Maynila iyan?" nagtatakang tanong ni Laila.

Hindi na nakuhang sumagot ni Kimberly na nagtaka rin dahil nasa harap na nila ang dalawa.

"Hello, girls..." nakangiting bati nito.

"Imbitado raw tayong tatlo ni Dianne sa kanila ngayon, mga chikas," si Gigi sa kanila.

"Kagabi lang ako dumating. May inayos kasi akong papeles tungkol sa pag-alis ko patungong Amerika. Punta kayo sa bahay mamayang hapon. Mag-barbecue tayo. Despedida ko na rin," paliwanag ni Dianne. .

"O, ano girls? Tayo-tayo lang daw at ang dalawang kaibigan niyang sina Lyn at Rizza," si Gigi sa dalawa.

Nagkatinginan uli ang magkakaibigan. "Oh... well... kasi..." si Kimberly na alanganin.

"Please. Nagpaluto pa naman ako ng spaghetti..." pakiusap ng dalaga.

"O, sige na nga," sang-ayon ni Kimberly. "Dadaanan kita, Lai." Tumango si Laila. Si Lilibeth ay tumango rin.

"Doon ko na lang kayo hihintaying tatlo dahil mas malapit kina Dianne ang sa amin," si Gigi.

Sumabay na rin uli si Gigi kay Dianne pauwi. Sinundan nila ng tanaw ang dalawa.

'"Kakainis talaga iyang si Gigi," si Laila. "Puwede naman niyang itanggi tayong apat, 'di ba?"

"Hayaan mo na. Alam mo naman iyang kaibigan nating iyan, mahilig talaga sa gatherings," sagot ni Kimberly.

"Ano pa. Maliban sa dahilan lang niya iyon sa mommy niya para tuloy na silang mag-date ng boyfriend niya, ano," natatawang dagdag ni Lilibeth.

"Ang ipinagtataka ko ay kung bakit tayo ang iniimbita niya gayong hindi naman natin siya kabarkada kahit noon," si Kimberly uli.

"Hindi bale na nga at nakatango na tayo," si Laila na pinara ang tricycle na natanaw. "Halina kayo."


HUSTONG alas-kuwatro ng hapon ay dumating ang tatlo na dinatnan na si Gigi doon kausap ng dalawang dating classmates ni Dianne. Kinawayan sila nito.

"Nasaan si Dianne?" si Kimberly na luminga sa paligid.

"Nasa loob at tinitingnan ang niluluto," si Gigi. "O, girls, magkakilala naman siguro kayo nina Lyn at Rizza, 'di ba?"

Tumango ang tatlo. Minsan na nilang nakasama si Rizza noong magpa-party ito sa bahay nito kung saan ay pinauwi sila ni Patrick at Renz.

Ilang sandali pa'y nakapalibot na sa barbecue grill ang lahat na nagkakatuwaan. Kahit paano ay nag-enjoy ang magkakaibigan. Mahusay na host si Dianne at maraming nakakatawang kuwento.

"Ang ganda naman niyang bracelet mo, Kim," walang ano-ano'y sinabi ni Dianne na sa braso niya nakatingin. "Patingin nga..."

At bago pa siya nakakilos ay nahawakan na ni Dianne. ang braso niya at naalis na nito ang lock. Inilagay sa sariling braso at sinipat-sipat.

"Bagay, 'di ba?" wika ni Dianne sa kanila. "Gusto ko kasing ganito ang style na ibigay sa akin ng fiance ko. Simple lang."

Hindi malaman ni Kimberly kung paano babawiin ang bracelet dahil hindi naman niya gustong mapahiya ito. Mabuti na lamang at hindi nito tinitingnan ang nameplate.

Sweetheart Series 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon