Alas-otso na ng gabi sila nakarating. And at that precise moment ay noon din lang dumating si Renz. Halos nakasunod lang sa pagparada ng kotseng sinasakyan nila.
Isinasara niya ang pintuan ng likurang upuan nang makita niyang kasama ni Renz na bumaba sa kotse si Dianne. Naka-mini skirt ito at kahit na sinong lalaki ay hindi maaaring hindi maakit dito. Para itong fashion model na lumabas mula sa pahina ng magazine.
Parang binuhusan ng malamig na tubig ang excitement niya nang makita si Renz. Tila siya basahan kung ikokompara kay Dianne. At isiping ilang oras siyang nasa harap ng salamin.
Hindi pa siya halos nakababawi sa pagkabigla ay nakita niya nang ipulupot ni Dianne ang mga kamay nito sa leeg ni Renz. At sa harap ng ilang mga bisita ay naghalikan ang dalawa.
"I'll borrow your car, darling. Uuwi muna ako sa amin, then I'll be back," malambing nitong sinabi kay Renz matapos ang scandalous kiss na iyon.
Bubuksan na lamang nito ang pinto ng kotse nang mag-angat ng ulo at kumaway sa kanila.
"O, hi, there! Patrick, Laila, Kim! Good to see you again," masigla nitong bati na sinabayan ng ngiti bago pumasok ng kotse. "Magkumustahan tayo mamaya," dagdag nito bago tuluyang pinatakbo ang sasakyan.
Nakangiting nilapitan sila ni Renz. Halos hindi humihinga si Kimberly.
Kinamayan at niyakap ni Patrick ang kababata at kaibigan. "Congratulations, pare ko. Full fledged chemical engineer ka na ngayon. Maliban kay Dianne, ilan ang tsiks natin ngayon?"
Malakas na tumawa ang binata. "Hi, Laila? Kayo pa rin ba?"
Ngiti lamang ang isinagot ni Laila. Si Patrick ang nagsalita. "I was caught, pare. Hook, line and sinker. Walang kawala."
Muling tumawa si Renz. Sinulyapan siya nito at biglang pumormal. Noon lumabas ang mag-asawang Marzan at niyakag sila sa loob. Inakbayan ni Patrick si Laila at nagpatiunang lumakad.
Hinawakan siya ni Renz sa braso.
"Hi! Kumusta ka na?" bulong nito.
Hindi niya magawang sumagot. Mabilis siyang lumakad at sumabay kina Patrick at Laila sa pagsasalubong ng mga kilay ni Renz.
She missed him so much, all right. Pero hindi niya inaasahan ang tagpong dinatnan pagkatapos ng dalawang taon. Sa harap nila, ng ibang tao!
At ang buong akala ba niya ay sinabi nitong break na ito at ang babae noon pa man?
Binati si Renz ng mga bisita. Mga kamag-anak, kaibigan at mga dating kamag-aral. Hindi na ito halos nakawala sa mga nakapaligid. Walang katapusang kuwentuhan at balitaan. Maraming pagkain at inumin. Punch at Cali sa mga babae at beer sa mga lalaki.
Si Patrick ay hindi humihiwalay kay Laila. Masaya ang lahat, siya lamang ang hindi. Pakiramdam niya ay out-of-place siya roon. Mabigat ang katawang lumakad siya patungo sa tagilirang bahay. Dinala siya ng mga paa palayo sa bahay ng mga Marzan.
Ilang beses na rin siyang nakapunta sa bahay ng mga Marzan noong araw na isinasama siya ng mga magulang kung may okasyon dito. Pero hanggang sa bahay lamang. Hindi niya alam ang tinatahak niyang landas kung saan patungo. Alam niyang dinadaanan ng tao iyon dahil sa liwanag ng buwan na sumisingit sa nagtatayugang mga puno ay nababanaag niyang bukod tanging iyon ang walang mga makakapal na damo.
Napalingon siya nang may marinig na tunog ng sanga ng kahoy na tila naapakan. Madilim. Bigla siyang kinabahan. Bakit nga ba naglakad siya nang naglakad na tila wala sa sarili?
Sandali siyang huminto at pinakikiramdaman ang kapaligiran. Mga huni ng panggabing kuliglig ang naririnig niya at ang musika mula sa bahay na pinanggalingan. Bahagya pa niyang natatanaw ang liwanag mula doon.
Nang mula sa likuran niya ay biglang may yumakap sa kanya at iniangat siya mula sa lupa.
"Huli ka!"
Napigil ang balak niyang pagpalag at pagsigaw.
"Renz!"
BINABASA MO ANG
Sweetheart Series 1
Romance"Ikaw ang aking panaginip... ang aking magandang pag-ibig." Isang matinding crush ang umusbong sa batang puso ni Kimberly para kay Renz noong sixteen siya. Love letters and gift, waltz and song, promises and the very first kiss. All grow into a beau...