ISANG mahinang katok ang nagpabalikwas kay Kimberly. Si Cristina na nakasungaw sa pinto.
"Mom?" mabilis siyang tumayo at muling ipinasok sa jewelry box ang mga sulat at ibinalik sa drawer.
Naupo si Cristina sa gilid ng kama. "Itinatago mo pa rin ang mga sulat na iyan. Pati na ang lahat ng mga cards na ipinadala sa iyo ni Renz?"
"Para kay Ralph, Mommy, pagdating ng araw. Gusto kong malaman niyang pag-ibig ang dahilan kaya lumitaw siya sa mundong ito. Hindi kailangang malaman niyang kasinungalingan ang nakapaloob sa mga mensaheng iyan."
"Eh, bakit pati iyong huling sulat ni Renz ay itinatago mo pa rin?"
Nagkibit siya ng balikat. "Itatapon ko rin iyan, Mom. I just don't know when."
"Nakita ko nang sundan ka ni Renz kanina sa loob ng bahay."
"Nag-usap lang kami." Hindi niya gustong malaman ng ina ang tensiyong namagitan sa kanila ni Renz sa ibaba.
"Hindi siya nag-asawa, Kimberly. Hindi na nasundan ang balitang sinabi sa iyo ni Dianne noon. Sa palagay mo ba ay huli na para..."
"Mommy, he probably got tired of her also. Alalahanin ninyong pinangakuan din niya ako ng kasal. Hindi na siya bumalik dito makalipas ang anim na buwan kaya talagang niloko lang niya ako," tumigas ang mukha niya.
"You're still in love with him after all these years," malungkot na sinabi ni Cristina.
Hindi makuhang tumanggi ni Kimberly. "Bigyan mo ako ng panahon, Mommy. Lilipas din ito. Makakatagpo rin ako ng lalakmg muli kong mamahalin. At mamahalin din kami ni Ralph."
Hindi kumibo si Cristina. Umaasa itong gaanon nga ang mangyayari pero sa nakikita sa anak ay tila mahirap mangyari iyon lalo na't ang apo ay nagsisilbing paalala ng ama.
"Mommy, hahabulin ko ang pang alas-tres na biyahe ng bus patungong Maynila. Naroon na marahil ako bago mag alas-diyes ng gabi. Hindi ako maaaring matulog dito. Si Grace lang ang kasama ng apo ninyo."
"Kung bakit ba naman hindi mo pa isinama ang apo ko. Aba'y lagi nga naming pinag-uusapan ni Joseph na pagbakasyunin dito ang batang iyon," kumislap ang mga mata ni Cristina.
"You must be kidding! Alam mo kung ano ang mangyayari oras na may makakita kay Ralph na mga tagarito," bulalas niya na parang isang malaking gulo ang mangyayari kapag inuwi niya ang anak sa San Ignacio.
Napatango si Cristina. "Ralph is the spitting image of his father." Tumingin sa relo. "Ala-una pa lang. Bumaba ka muna at ipahahatid kita sa daddy mo sa terminal mamaya." Tumayo na ito palabas.
Gusto niyang sabihing huwag na pero araw ng kasal ng kapatid niya. At kung nagagawa ng mga itong maging kalmante at civil kay Renz, bakit ang hindi siya.
"Susunod na ako, Mommy."
Mapait siyang ngumiti. Sa pamamagitan ng kasinungalingang nag-asawa siya ay napagtakpan ang lahat. Nailigtas sa kahihiyan ang pamilya at nanatiling magkaibigan ang mga Antonio at Marzan.
Walang nasira kundi siya. Isang maliit na apartment sa Quezon City ang kinuha ng mga magulang niya para sa kanya. Isang katulong na halos kasing-edad niya ang kasama. Anak rin ng katulong ng mama ni Marlon. Patuloy siyang pinapag-aral ni Joseph kahit na lumalaki ang tiyan.
Hindi siya nakaligtas sa mga mapang-uyam na mga bibig at mata ng mga kapitbahay pero tiniis niyang lahat ang mga iyon.
Sa huling trimester niya'y malimit nang bumibisita si Cristina. At kung minsan ay tumatagal ng dalawang linggo. Alam niyang kailangan din ng daddy niya ang asawa at lagi na ay taglay niya sa dibdib ang guilt.
Nanatili sa tabi niya si Cristina hanggang sa dumating ang kabuwanan niya at makapanganak siya. Dumating din doon ang daddy niya at si Patrick.
Nabuhusan ng malamig na tubig ang galit ni Patrick nang masilayan ang pamangkin. Nagkaroon ng panibagong sigla sa buhay ng mga Antonio dahil sa paglitaw ni Ralph. Na-compensate ng anak ang lahat ng hirap at pagtuyang tinanggap niya sa mga kapitbahay sa Quezon City.
Dalawang semester, bago siya gumradweyt ay tinanggap niya ang alok ng mama ni Marlon na sa kompanya nito magtrabaho. Tinanggihan na niya ang unang alok nitong sa bahay nito tumira dahil nag-iisa naman ito. Pero sa pagkakataong ito ay kailangan niya ng trabaho. Hindi kailangang sa habang-panahon ay sustentuhan siya ng mga magulang.
Hindi niya kailangang pairalin ang pride na dapat siyang tanggapin sa trabaho sa sariling merits. Anyway, alam niyang matalino siya at mahusay.
Dahil sa likas na talino, dalawang beses siyang na-promote ni Laura Aldana, ang mama ni Marlon at may-ari ng Aldana Advertising. Mula sa maliit na apartment ay kumuha siya ng isang unit sa isang townhouse sa San Juan. Bagaman ang daddy niya ang nag-down ay pinagpilitan niyang siya na ang babalikat sa monthly payments.
At wala siyang balak bumalik dito sa San Ignacio kung hindi dahil sa kasal nina Patrick at Laila.
Inayos niya ang sarili at muling nakihalubilo sa mga bisita. Hindi niya binigyan ng pagkakataon si Renz na muli siyang lapitan. Hindi siya humalo sa mga dating barkada. Sa halip ay hindi siya humihiwalay sa grupo ng mga magulang. Alam din niyang sinusundan ni Renz ang lahat ng kilos niya. Ilang beses silang nagkatitigan. Bagaman ngumingiti ay naroon pa rin ang galit sa mga mata nito.
Bandang alas-dos y media nang bulungan niya ang ama na ihatid na siya sa terminal. Lakas-loob niyang nilapitan ang grupo nina Lilibeth dahil kailangan niyang magpaalam sa mga ito. Doon nakaupo si Renz.
"Girls... sorry pero kailangang maiwan ko na kayo," nakangiti niyang sinabi. Pinisil niya ang balikat ni Lilibeth.
"Ang daya mo, Kim, ha. Hindi pa man lang tayo nagkakakuwentuhan," may himig ng tampo ang tinig ng kaibigan at kababata.
"Ang buong akala namin kaya pinagbigyan ka naming huwag dito maupo ay dahil dito ka matutulog. At balak naming dito na rin matulog para magkakuwentuhan naman tayo," ganoon din ang tinig ni Gigi.
Nakadama ng guilt si Kimberly. Sinikap niyang muling ngumiti.
"I really have to go, guys. Hahabulin ko ang alas-tres na biyahe."
"Baka hindi siya pinayagan ng boyfriend niyang mag-overnight dito sa bahay ng mga magulang niya," naroon ang panunuya sa tinig ni Renz.
Sinikap niyang bale-walain iyon. "That's right. Hindi papayag si Ralph na dito ako matulog. He'll miss me. 'Di ba, guys? Hindi bale, utang ko sa inyo ito. One of these days, ay magpaplano ako ng reunion."
"Marami ka nang utang, sweetheart," si Renz na ang talim ng tinig ay hindi nakaila sa kanya.
"Ilista ninyong lahat. Bye, guys!" At walang lingong tumalikod.
"Hanggang ngayon ba naman, Renz, sweetheart pa rin ang tawag mo kay Kimberly, eh, nagkaasawa na't lahat iyong tao," si Gigi. Narinig niya iyon dahil huminto pa sa isang mesa si Joseph at may kinausap.
"Some old habits do not die so easily," ang narinig niyang sagot ni Renz bago siya tuluyang lumakad palayo. Did she detect pain in his voice? Umiling si Kimberly. Inalis sa isip iyon at nakaringgan lamang niya marahil. Sumakay na sa kotse ng ama.
"Sino si Ralph?" tanong ni Renz sa dalawang babae.
"Ang dalawang taong gulang niyang anak. Katulong lang yata ang kasamang naiwan," si Lilibeth ang sumagot.
Huminga nang malalim si Renz at tumango-tango.
BINABASA MO ANG
Sweetheart Series 1
Romance"Ikaw ang aking panaginip... ang aking magandang pag-ibig." Isang matinding crush ang umusbong sa batang puso ni Kimberly para kay Renz noong sixteen siya. Love letters and gift, waltz and song, promises and the very first kiss. All grow into a beau...
