HAPON na nang makauwi si Kimberly. Nagpalipas siya ng galit sa pamamagitan ng walang humpay na paglalakad sa Ayala Avenue. Nang mapagod ay pumasok sa isang coffee shop.
Nagpapasalamat siya at naging maunawain si Laura kahapon na hindi niya kailangang ipagpatuloy ang trabaho sa Bio-Natura. Kung ninais man niya kahapong gawin ang trabahong iyon ay dahil sa pagtanaw ng utang-na-loob dito. Pero ngayo'y magaan na ang dibdib niyang huwag ituloy ang trabahong iyon.
Pagkatapos ng lahat, ano ang karapatan ni Renz na guluhin ang buhay niya? Sana'y noong unang araw pa nang nagkita sila sa kasal ni Patrick ay ipinakita na niya ang pagkamuhi rito. Hindi na sana umabot sa ganitong sa bandang huli'y siya na naman ang nasaktan.
"Ate, may bisitang lalaking dumating dito kanina pero nainip marahil at umalis din. Isang oras din silang naglaro ni Ralph at sabi'y babalik daw mamayang gabi," salubong ni Grace pagkapasok niya.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Bakit ka nagpapasok ng tao rito, Grace? Hindi ba at bilin ko'y—"
"Kaibigan daw siya ng pamilya ninyo at taga San Ignacio din. Mabait naman, Ate."
Sunod-sunod na ang kabog ng dibdib niya. "Ano ang pangalan niya, Grace?"
Nagkamot ng ulo ang katulong. "Eh, nalimutan kong itanong. Pero magkahawig sila ni Ralph, Ate, tinawag pa nga niyang 'son', eh. Pagkatapos ay tinanong niya sa akin ang tungkol sa asawa mo raw. Bakit, Ate, nagkaasawa ka ba?"
Hindi pinakinggan ni Kimberly ang mga sinabi pa ni Grace. Dinampot ang telepono at tinawagan si Laura.
"Tita Laura..." aniya sa nanginginig na boses.
"Yes, Kimberly?" ang kabilang linya. "Nasaan ka? Galing daw dito si Renz and my stupid secretary gave your home address."
Napapikit siya. "Iyan ang dahilan kaya tumawag ako, Tita Laura. I'll be away for a few days. Kami ni Ralph... please."
Isang buntong-hininga ang narinig niya sa dulong-linya. "Uuwi ka?"
"Hindi ko gustong abutan niya kaming mag-ina rito. And please, kung magtatanong siya sa inyo, wala kayong alam kung nasaan kami ni Ralph."
"Sana'y maayos ang lahat ng iyan, Kimberly. All right, go at mag-ingat kayo."
Pagkatapos maibaba ang telepono ay nanlalambot na pumikit at sumandal sa sofa si Kimberly. Ang lahat ng nangyaring ito mula pa kanina ay isang bangungot lang. Magigising din siya at babalik sa normal ang lahat. Hindi maaaring nagkita sina Renz at Ralph. Hindi maaari!
Pagkalipas ng mahabang sandali'y binalingan si Grace. "Aalis kami ni Ralph, Grace. Maiwan ka rito at inaasahan kong hindi mo na uuliting magpapasok ng kahit na sinong tao rito," pagkasabi noo'y mabilis na pumanhik.
Sa silid niya'y naglagay ng mga damit na kakailanganin nilang mag-ina. Hindi niya kayang haraping mag-isa ito. Paano kung kuhanin ni Renz ang anak niya?
Hating-gabi na halos nang sapitin nila ang San Ignacio. Mula sa highway hanggang sa kanila ay napakahabang lakad din sa madilim at madamong daan. Kung sa bayan siya bumaba ay natitiyak niyang wala na ring tricycle doon sa ganitong oras. Pagod ang isip, puso, at katawang hindi na niya naisip na mapanganib para sa kanilang mag-ina ang lumakad sa kadilimang iyon ng gabi.
"Kimberly!" magkapanabay na sinabi ng mag-asawa nang mapagbuksan siya ng pinto.
"Ano ang nangyari at napasugod kayo sa...?"
Hindi naituloy ni Cristina ang sasabihin dahil iniabot niya rito ang natutulog na anak.
"Mom, Dad... pagod na pagod ako. Bukas na tayo mag-usap, please? Bahala na kayo kay Ralph muna," pagkasabi noo'y humakbang patungo sa hagdan. Muling nilingon ang mga magulang. "Iniwan ko ang maleta ko sa may di-kalayuan dito. Hindi ko na kaya..." patuloy nang pumanhik.
Nagkatinginan ang mag-asawa. "Kumuha ka ng flashlight, 'Ma, at babalikan ko ang sinasabi niyang maleta," iiling-iling na utos ni Joseph. Sinulyapan ang apong tahimik na natutulog sa mga bisig ng asawa. "Welcome home, Ralph." Masuyong dinampian ito ng halik sa noo.
BINABASA MO ANG
Sweetheart Series 1
Romance"Ikaw ang aking panaginip... ang aking magandang pag-ibig." Isang matinding crush ang umusbong sa batang puso ni Kimberly para kay Renz noong sixteen siya. Love letters and gift, waltz and song, promises and the very first kiss. All grow into a beau...