MULA sa gilid ng bintana niya ay tinatanaw ni Kimberly ang mga taong naglalagay ng mga mesa sa bakuran nila. Ngayong araw na ito ang kasal ng Kuya Patrick niya kay Laila. Isang kaibigan at dating kamag-aral. At kahit ang reception ay sa kanila gagawin, nagpa-cater ang mga magulang niya.
Bahagya pa siyang nagulat nang sumungaw mula sa pinto si Cristina, ang Mommy niya.
"Are you ready, hija? Halika na," wika nito.
Isang tipid na ngiti ang isinagot niya. Dinampot ang maliit na bag sa kama. "Ayos na ako, Mom."
Magkasabay na bumaba ng hagdanan ang mag-ina. Nasa ibaba si Patrick at palakad-lakad. Makisig sa suot na Barong-tagalog na yari sa jusi.
"Mom, Dad, tara na at baka mauna pa si Laila sa simbahan," apura nito.
Natawa si Joseph, ang Daddy nila. "Relax, son. Maaga pa. Maghihintay ka lang nang matagal sa simbahan at lalo ka nang matetensiyon doon."
Tinapunan ni Patrick ng tingin si Kimberly. Mula ulo hanggang paa.
"Motherhood really suits you, sis. You've grown even prettier." Pagkatapos ay bumahid ang lungkot sa mukha nito. "Alam mo bang ikaw dapat ang maid of honor namin ni Lai?"
Muli ang tipid na ngiti. "It doesn't change a thing, does it? Ang importante ay tuloy ang plano ninyong makasal sa taong ito," bahagya siyang natawa. "Right after her graduation."
"Pero kung hindi sana nangyari ang..." Hindi nito naituloy ang sasabihin dahil maagap na nagsalita si Cristina.
"Araw ng kasal mo, Patrick. You should look forward to it at hindi 'yong kung ano-ano ang ipinapaalala mo sa kapatid mo." May himig ng banayad na pagsaway ang tinig nito.
"I'm... sorry, sis. Kaya lang, I partly blamed myself for what happened."
Tinapik ni Kimberly sa balikat ang kapatid. "Don't feel guilty, Kuya. Maligaya ako ngayon at gusto ko ring samantalahin ang pagkakataong ito para pasalamatan kayong tatlo." Nilinga niya ang mga magulang. "I love you, guys. For standing by me." Namumuo na ang luha sa mga mata.
Nag-alis ng bara sa lalamunan si Joseph. "Ano ito? A wedding or a funeral?"
"Joseph, napaka-morbid mo," saway ni Cristina sa asawa na bahagyang dinampian ng panyo ang sulok ng mga mata. "Kung mayroon man akong ikinalulungkot ay dahil wala dito ang apo ko."
"Pagkatapos ng kasal, Mom, Dad, magpunta kayo sa Maynila. Hinahanap nga kayo ni Ralph lagi."
"Tiyak iyon." Si Joseph na nagpatiuna nang lumakad patungo sa pintuan. "O, tara na kayo at baka mahuli na nga tayo niyan."
Ilang sandali pa at sakay ng kotse ay patungo na sa simbahan ang apat.
"Alam mo ba, hija, na pinadalhan namin ng imbitasyon ang mga Marzan?" si Cristina kay Kimberly.
"I wouldn't mind, Mom. Wala naman silang alam, 'di ba?"
"Totoo iyon. Magkaibigan pa rin ang pamilya natin at malimit ka nilang kumustahin, hija," si Joseph na siyang nagda-drive.
"Hanggang ngayon, sis, kahit anong isip ang gawin ko, hindi ko malaman kung paano kayo nagkaroon ng pagkakataon?" Si Patrick na nilingon siya.
Ngumiti si Kimberly. "Kuya, noong panahong iyon ay wala kang ibang nakikita kundi si Laila." May bahid ng panunukso ang tinig niya. Pagkatapos ay hinawakan sa balikat ang kapatid. "Alam ba ni Laila?"
Umiling si Patrick. "Hindi. Pero sasabihin ko rin. Hindi nga lang ngayon. Tulad din ng paraan ng pagpapaalam ng Mommy sa amin ni Daddy."
Hindi na kumibo ang dalaga. Ilang sandali pa at sinapit na ng apat ang simbahan. Marami nang taong naghihintay roon. Masayang sinalubong nina Gigi at Lilibeth si Kimberly.
"Kim!" bulalas ni Lilibeth. Buong paghangang hinagod ng tingin ang kaibigan. "Sos na sos ang dating mo, tita. Iba na talaga ang taga-Maynila, ano?"
"'Buti na lang at hindi ka abay." Si Gigi. "Kung hindi ay baka hindi lang kami ang talbugan mo kundi pati ang bride."
Natawa si Kimberly. "Hindi pa rin kayo nagbabagong dalawa, I'm really glad to see you both."
"Totoo ba ang tsismis na hiwalay ka na raw sa asawa mo?" Si Gigi na bahagyang hininaan ang tinig.
Hindi ipinahalata ni Kimberly ang pagkailang. "Tsismosa..." nakangiting biro niya.
"Paano ba naman, ni hindi mo nga kami inimbitahan sa kasal mo, 'tapos divorced na kayo agad. Ano ba iyan? Ganyan na ba ngayon sa Maynila?" Si Gigi uli.
Nilapitan ni Cristina ang tatlo. "O, Lilibeth, Gigi, sige na at pumapasok na ang bridal car. Maghanda na kayo."
"Magkuwentuhan tayo mamaya, ha, Kim?" pahabol ni Lilibeth. Tumango lamang si Kimberly. Pagkatapos ay nagpakawala ng mahabang hininga.
Makalipas ang mahabang sandali ay natapos ang seremonyas ng kasal. Piling mga kaibigan, kamag-anak, at mga kakilala lamang ang mga inimbita. Ganoon pa man ay napuno pa rin ng tao ang bakuran ng mga Antonio.
Ang mga bagong kasal ay nakatayo sa may daraanan at sinasalubong ang mga dumarating na bisita. Naroon din sa hindi kalayuan ang mga magulang ng mga ikinasal at kinakausap ang mga kaibigan at kakilala.
Kasalukuyan nang nagkakainan ang ibang mga bisita nang isang Mitsubishi Strada ang pumarada sa dulo ng driveway. Napako roon ang pansin ng mga tao. Magara ang dating ng 4WD pickup na kulay berdeng lumot.
Unang bumaba ang mag-asawang Marzan na agad nagpabangon ng kaba sa dibdib ni Kimberly. Hindi pa gaanong nakahahakbang nang malayo ang mga ito nang lumabas ang driver ng pickup.
Si Renz!
BINABASA MO ANG
Sweetheart Series 1
Roman d'amour"Ikaw ang aking panaginip... ang aking magandang pag-ibig." Isang matinding crush ang umusbong sa batang puso ni Kimberly para kay Renz noong sixteen siya. Love letters and gift, waltz and song, promises and the very first kiss. All grow into a beau...