Chapter 4

63.1K 1.4K 39
                                    

MATULING lumipas ang mga araw at abala sina Kimberly at ang mga kaibigan niya sa pag-aayos ng hall na pagdadausan ng Senior prom.

"Ma'am Portia, pantay na po ba?" Si Kimberly na nakatuntong sa isang hagdanang kahoy habang ikinakabit sa dingding ang mga lettering.

"Kaunti pa sa kanan, Kimberly... yes, that's right. O, sige, bumaba ka na diyan." Sinulyapan ng maestra ang tatlo pang estudyante na naggugupit ng mga cartolina. "O, girls, break muna. Mamaya na uling three-thirty Pupunta muna ako sa office."

"Bye, ma'am." Nag-chorus pa ang apat na babae.

"O, Kim, break daw muna. Pupunta ba tayo sa canteen?" Si Lilibeth.

"Naka, anong canteen ang sinasabi mo, eh, holiday ngayon," Si Gigi na tumayo mula sa pagkakasalampak sa baldosa at nag-unat. "Sa labas ng school na lang tayo mag-snack."

"Hoy, hoy, kakakain lang natin ng tanghalian, ah. Ala-una y media pa lang. Sa bahay na lang kayo mag-snack dahil 'sabi ng Mommy, magluluto siya ng arrozcaldo," sagot ni Kimberly na ipinatong sa mesa ang hawak na paste. Pagkatapos ay naupo sa dulong mesa.

"Kung gusto ninyo, maglaro na lang tayo ng truth or consequence habang hinihintay natin si Ma'am Portia?" suhestiyon ni Laila na lumakad patungo sa isang sulok at kinuha ang isang basyong bote ng soft drink.

"Okay lang sa akin kahit na anong laro," Si Kimberly.

"Boring naman," Si Gigi. "Eh, kung panoorin na lang natin ang boys na nagpa-practice ng basketball sa court? 'Di ba, Kim, naroon ang Kuya Patrick mo at si Renz?"

Tumango ang tinanong.

"I like that idea," segunda naman ni Lilibeth na may crush din kay Renz.

"Mahiya kayo, ha. Obvious masyado ang pagpapakita ninyo ng crush kay Renz. Alam naman ninyong may girlfriend na iyon. At balita ko'y ubod ng selosa si Dianne." Si Kimberly uli.

"Hay naku, ewan ko ba diyan sa dalawang iyan, Kim. Parang mga sira. Bukod sa may girlfriend ay tiyak na hindi kayo papansinin noon dahil ang babata natin." Si Laila na naupo sa baldosa at inikot-ikot ang bote ng soft drink.

Umirap si Lilibeth. "Hmp! Ang killjoy ninyong talaga. Hindi naman kailangang pansinin kami ni Renz. Okay na iyong makita namin siya at mangitian kami."

"Talaga." Si Gigi. "Kung di ko pa alam na iyang isa diyan ay may crush kay Patrick."

Namula si Laila. Ngumiti si Kimberly. Tulad niya ay sinisikap ni Laila na huwag ipahalata ang crush nito sa kuya niya. Pero hindi nakuhang itago ng dalagita ang malimit na pagsulyap kay Patrick. At malimit itong napapatanga kapag nasa paligid ang binata.

"Eh, ano? Hindi naman ganoon ka-obvious," sagot ni Laila na sinisikap maging kaswal ang boses at tumingin kay Kimberly na nakangiti pa rin. "Kayo, kulang na lang ay yakapin ninyo si Renz."

Nagtawanan ang dalawa nang makita ang pagba-blush ni Laila. "Sige na nga, maglaro na lang tayo at baka mapikon ka pa." Si Gigi na naupo sa tabi ng kaeskuwela. Sumunod na rin si Lilibeth at Kimberly.

"Basta kung sino ang taya talagang susunod, ha?" Si Lilibeth.

Hindi nagtagal ay nagkakatuwaan na ang apat na mga dalagita sa paglalaro. Isang ikot ng bote at natapat kay Laila ang bote.

"Truth or consequence?" si Gigi.

"Consequence—ay teka, truth na lang..." alanganing sagot ni Laila.

Nagsulyapan sina Gigi at Lilibeth. Pagkatapos ay nagbulungan. Nagtatakang nagkatinginan sina Laila at Kimberly.

"O, sige. Sagutin mo nang totoo, ha? Kami sport lang." Si Lilibeth na muling sumulyap kay Gigi. "Ano ang sinabi sa iyo ni Patrick nang minsang hilahin ka niya sa likod ng mga halaman noong isang araw na nag-uwian?"

Biglang napahugot ng hininga si Kimberly. Hindi niya alam iyon. Si Laila ay hindi malaman ang gagawin. Pinamumulahan ito ng mukha.

"F-foul iyan, ha? Ano ba ang sasabihin noon sa akin?"

"Eh, ano nga ba? Kaya nga itinatanong namin, eh. Sumagot ka nang totoo." Si Gigi na sinegundahan agad ni Lilibeth.

Ilang segundong hindi nakakibo si Laila. Muling nagsalita si Gigi.

"Magkakaibigan naman tayo, 'di ba? Ang sekreto ng isa, sekreto ng lahat."

Huminga nang malalim ang dalagita. "G-gusto niyang siya ang partner ko sa Senior Prom. Kaya raw nila, ni Renz, na pumasok sa party."

Nagtilian ang dalawa. Nakangiti lamang si Kimberly na nakatingin sa nakayukong si Laila. Matanda ito nang isang taon sa kanilang apat, seventeen. Matagal na niyang alam na may crush ito sa kanyang Kuya Patrick pero hindi niya alam na may katugon mula sa kapatid. Somehow ay gusto niyang managhili sa kaibigan. At least, iyong crush nito ay crush din ito. And who knows, baka mag-boyfriend na ang dalawa kung ang pagbabatayan ay ang nalaman niya ngayon.

Patuloy ang pag-ikot ng bote. Si Lilibeth ay nautusang magtapon ng lahat ng basura. Si Gigi naman ay ipinatastas ang mga naikabit na letterings at muli ring ipinadikit. Bumalik uli kay Laila ang bote na consequence na ang pinili. Pinabili ito ng soft drinks sa labas ng school.

Hanggang sa matapat ang bote kay Kimberly. Nagkatuwaan ang tatlo. lyon ang unang pagkakatapat ng bote sa dalagita.

"Sa wakas." Si Laila. "Akala ko ay hindi ka na matataya. Gusto kong isiping ginagamitan mo ng psycho-kinesis ang bote para huwag matapat sa iyo."

"Ako ang iisip ng tanong at utos, ha? Iyong mahirap." Si Lilibeth na nakangiti. "Truth or consequence?"

"Consequence," nakangiting sagot ni Kimberly. Ano pa ba ang maaaring iutos gayong halos nagawa na ng mga kaibigan.

Saglit na nag-isip si Lilibeth. Pagkatapos ay ipinitik ang dalawang daliri. "Alam ko na!" Napatingin ang tatlo rito.

"Lumabas ka ng building na ito at ang unang lalaking makasalubong mo within the premises ay halikan mo."

"Ano?!" Si Kimberly na namilog ang mga mata. "Paano kung si Mang Tasyo ang makita ko?" Na ang tinutukoy ay ang janitor. "Kanina lang ay nakita ko siya diyan sa labas."

"O, eh, ano? Di halikan mo sa pisngi nang walang sabi-sabi."

"Oo nga, Kim. Kami, sport lahat, ha. Huwag kang madaya."

"Oo na!" Padabog na tumayo ang dalagita. "Komo ngayon lang ako nataya, pinahirapan n'yo naman ang utos." At mabigat ang mga hakbang na lumabas ng hall ang dalagita.

"Walang dayaan, ha. Maninilip kami!" hiyaw ng tatlo. Tumayo na rin ang mga ito at sinundan ng tanaw si Kimberly.

May anim na dipa na halos ang nalalakad ni Kimberly at wala pa rin siyang makitang tao. Sana nga ay wala. Ang utos ay within the premises. At sana ay umuwi na rin si Mang Tasyo. Kahit ba sa pisngi, eh, mukha namang hindi naliligo ang janitor nilang iyon.

Ang tatlong nakamasid kay Kimberly ay pare-parehong napatutop ng bibig nang mapuna ang isang taong patungo sa dinadaanan ni Kimberly.

"Ay, ang daya! Sana, ako na lang!" si Gigi.

"Sshh!" saway ni Lilibeth. "Huwag kang maingay. Magtago tayo."

Nagulat pa si Kimberly nang sa pagtaas niya ng mukha ay makitang makakasalubong niya si Renz. Napahinto siya sa paglakad.

Sweetheart Series 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon