Ikalawang Kabanata

233 59 0
                                    

     "Prinsesa? Mahal na Prinsesa! Nasaan po kayo?" Rinig ang tawag ng isa sa mga tagapagsilbi ng palasyo na si Gia hanggang sa mga kalapit na kuwarto mula sa kung saan nito hinahanap ang prinsesa. Malapit lang ang kaniyang edad sa edad ng prinsesa kung kaya't kaibigan na kung ituring siya nito, siya ang palaging nakakaranas ng pagiging sutil at pilya ng pinakainiingatang prinsesa ng Kahariang Selena.

     Para naman sa prinsesa, hindi siya maaaring makita ni Gia dahil desidido na siyang tumakas mula sa palasyo. Kahapon idinaos ang kaniyang ika-dalawampung kaarawan, dalawang taon na mula nang maaari siyang magkapaa sa lupa nang matagalan. Nais niyang subukang mamuhay gamit ang mga paang ito ngunit alam niyang hindi niya iyon magagawa kung mananatili siya sa palasyo. Dalawang taon na rin niyang sinusubukan ngunit laging basa sa loob ng kanilang kaharian. Pinaliligiran ng tubig ang buong palasyo at madalas basa ang lapag dahil sa mga sireno at sirenang kakaahon lang at naglalakad-lakad. Dahil hindi pa nga niya gaanong gamay ang pagkakaroon ng mga paa ay madaling bumalik sa pagiging buntot ang kaniyang mga binti kahit na madikit lang ito nang kaunti sa tubig.

     Hindi maaaring mabasa ang kaniyang mga paa dahil babalik na naman ito sa pagiging buntot kaya't ingat na ingat siyang sa paghakbang habang tinatakasan at tinataguan si Gia. Mabilisan niyang sinungkit ang kaniyang kasuotang nakasampay at isinuot ito sa kaniyang sarili na bilang sa kaniyang mga daliri pa lamang niyang nagagawa.

     Bilang isang sirena, hindi niya kailangan ng kahit anong saplot dahil kapag nasa tubig siya ay nababalutan ang kaniyang buong katawan ng kaliskis maliban na lamang sa kaniyang ulo pababa sa kaniyang balikat, mga braso't kamay. Mula sa kaniyang dibdib pababa sa kaniyang tiyan ay nagiging kaliskis at ang kaniyang hita, binti, at mga paa naman ay nagiging buntot. Kapag siya naman ay umaahon ay trabaho ng kaniyang mga tagapagsilbi na bihisan siya kung kaya't ngayon pa lang niya naranasang bihisan ang kaniyang sarili.

     Siya si Prinsesa Rielianah ng Kahariang Selena. Ipinanganak siyang sirena dahil sirena at sireno ang kaniyang mga magulang na sila ring namumuno sa mga sirena at sirenong nasa lupa. Lingid sa kaalaman ng ibang mga kaharian ang sikreto ng Selena. Maraming nagtataka dahil hindi madaling makarating sa Kahariang Selena sapagkat dadaan sa tubig at tatawid sa matataas na alon upang makarating dito ngunit proteksyon ito ng mga sirena't sireno na naninirahan sa kahariang ito na ipinagkaloob sa kanila ng anak ng buwan na siya ring diyosa ng karagatan.

     Madaling makaapak sa lupain ng Kahariang Selena ngunit ibang usapan ang makapasok sa palasyo. Bukod sa napapaligiran ng tubig ang palasyo at maraming bantay, napapalibutan ito ng matataas na pader na hindi maaakyat ng sinuman. Kaya nga't namo-mroblema ngayon ang munting prinsesa kung paano siya makakatakas.

     Tago ang palasyo sa loob ng kaharian dahil lahat ng nandito ay mga sirena at sireno. May mga normal na tao sa labas ng palasyo ngunit sa loob ay kahit ang mga tagapagsilbi ay mga sirena kaya ang daming tubig. Kung pagmamasdan, tila nakapatong ang Kahariang Selena sa tubig, gayon din ang palasyo. Kaya hindi talaga lubusang magamitin nang matagalan ng prinsesa ang kaniyang mga paa hangga't narito siya sa palasyo.

     "Prinsesa Rielianah? Nasaan po kayo?" rinig niya tawag muli ni Gia.

     "Tinaguan ka na naman ba ng prinsesa?" tanong ng isa pang tagapagsilbi kay Gia.

     "Oho, eh."

     "Hay nako, napakapilya talaga ng prinsesa. O siya, mauna na ako at hahatiran ko pa ng bagong pampabango ang mahal na reyna at siya raw ang mag-aasikaso sa ipampapaligo ng hari."

     Nang maramdaman na ni Rielianag na umalis na ang isa pang tagapagsilbi ay nagpakita na rin siya kay Gia na ikinatuwa naman ito. Mukhang napagod sa pagtatago ang kaniyang prinsesa.

Occultatum LiberaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon