Ikalabing-dalawang Kabanata

106 49 0
                                    

"Mahal na reyna, nagkakagulo ang mga tao sa labas. Nais na nilang pamahalaanan ng hari. Kagagawan ito ng konseho nila Prinsipe Zenon, nagbayad sila ng ilang mga mamamayan upang mangumbinsi ng iba pang mga mamamayan na inaangkin mo ang trono ng kamahalan. Ipinalabas nila na.. nililinlang mo ang mga mamamayan ng Zentoria sa pamamagitan ng pagtatago at pagkuha sa kapangyarihan ng totoong hari." Nakayukong ulat ni Javier habang nasa harap ng reyna.


"Tawagin ang mga konseho." Utos ng reyna. "At papuntahin sa akin ang hari."

Napa-angat ng ulo si Javier sa huling sinabi ng reyna. "I--Ihaharap mo siya sa konseho, mahal na reyna?"

"Hindi. Kailangan ko siyang makausap pagkatapos kong kausapin ang mga konseho ng palasyo." Sagot ng reyna at nagpaalam na si Javier. Hindi nagtagal at nagsidatingan ang mga konseho.

"Nandito na po ang mga konseho ng palasyo, mahal na reyna." Sabi ng nasa labas ng pintuan ng silid at bumukas na ito. Pumasok dito ang labing-isang matatagal nang konseho ng palasyo at si Jodocus, ang bagong konseho na pumalit sa puwesto ni Ginoong Micah.

Pumila ang mga konseho sa harap ng reyna atsaka nahati sa dalawang linya at nagharap-harap sa isa't isa. Sa harap ng reyna sa gawing kanan ay naroon ang kaniyang mga tapat na konseho na pinangungunahan ni Ginoong Solomon at sa tabi niya ay si Ginoong Octavio na sinundan ni Ginoong Marcus, Ginoong Lazarus, Ginoong Erasmus at Ginoong Mathan.

Sa gawing kaliwa naman ng reyna nakahilera ang konseho ni Prinsipe Zenon na katapat ng mga konseho ng reyna. Pinangungunahan ito ni Prinsipe Zenon at sa tabi niya ay si Ginoong Zachariah na sinundan ni Ginoong Zhang, Ginoong Eustis, Ginoong Japhet, at ang bagong konseho na si Ginoong Jodocus.

"May nakakaalam ba sa inyo kung sino ang may kagagawan ng kaguluhang nagaganap ngayon sa labas ng palasyo?" Simula ng reyna ng usapan. Sandaling nagkaroon ng katahimikan.

"Hindi mo masisisi ang taong bayan, mahal na reyna kung nais na nilang mamahala ang hari. Nainip na sila sa paghihintay sa pagbabalik ng hari kaya't nag-aalsa sila ngayon laban sa iyo dahil.. hindi ka naman talaga dapat nakaupo riyan, hindi ba?" Sambit ni Prinsipe Zenon na may halong pangungutya.


"Kung gayon.. ilalabas ko na ang hari." Sagot na reyna. Napatingala ang buong konseho sa kaniya at lahat sila'y gulat na gulat sa kaniyang naging pasya.

"Iyon ang gusto ng mamamayan ng Zentoria at ng lahat kaya't bukas din ay bababa na ako sa puwesto upang bigyan daan ang nakatakdang hari." Sambit ng reyna at bumaba sa harap ng mga konseho. Naglakad siya sa harap ng mga ito at dire-diretsong lumabas ng silid.


"Totoo ba ang narinig ko? Makikita na natin ang hari?" Gulat na gulat pa rin na sabi ng pinakabatang konseho na si Jodocus. Walang sumagot sa kaniyang katanungan dahil lahat din ay abala sa pagtatanong kung tama ba ang kanilang narinig at nakita.

"Ano ang binabalak mo, mahal na reyna.." Nasabi ni Prinsipe Zenon sa kaniyang sarili habang nag iisip nang mabuti.

Paglabas ng mga konseho ay kalat na ang balitang uupo na sa trono ang hari kaya't halos lahat ng mga kawal, tagasilbi, tagapangalaga ng mga hayop at halaman ng palasyo, mga bating o eunuch at lahat ng tao ay pinag-uusapan ang tungkol sa naulinigang balita.

Tumatakbo ang tagasilbing si Jakob papunta sa lawa ng kahilingan sa loob ng palasyo kung nasaan naroon ang kaniyang pinagsisilbihan na si Prinsipe Zuriel.

"Ito na po ang ipinag-utos niyong mga perlas, Prinsipe Zuriel." Abot ng tagasilbi ng mga perlas na nakabalot sa tela. Tinignan iyon ng prinsipe at kumuha ng isa. Binutasan niya iyon at ipinasok sa taling hawak niya.

"Para po ba sa reyna ang pulseras na inyong gagawin, mahal na prinsipe?" Tanong ni Jacob. Hindi lumingon sa kaniya ang prinsipe bagkus ay nakatutok lang ang atensiyon nito sa ginagawa ngunit siya'y sumagot.

"Ano naman ang nag-udyok sa iyo upang maisip na para sa reyna itong ginagawa kong pulseras, Jakob?"

"Ipinagbilin niyo po sa akin na dalhan ko kayo ng pinakamagagandang mga perlas na nakukuha lamang sa pinakamalalalim na parte ng karagatan. Isa lang naman po ang babaeng nababagay sa gano'n karangyang handog kundi ang reyna. Wala naman na pong ibang babae rito sa palasyo na may dugong maharlika kundi ang reyna atsaka.. hindi po ba't uupo na raw ang nakatakdang hari sa trono at may sabi-sabi na gusto niyo raw pumalit dito kaya't naisip ko po na baka hahandugan niyo ng regalo ang reyna upang magbago ang isip niya at kayo ang hirangin bilang hari." Tapat na sagot ni Jakob. Wala talagang preno ang bibig ng binatang ito na siya namang gusto sa kaniya ng prinsipe, prangka at totoo.

Hindi pa rin tumitingin sa kausap ay sumagot ang prinsipe. "Jakob, wala akong balak umupo sa trono at mas lalong wala akong balak handugan ng kahit bato o alikabok ang reyna. Ang pulseras na ito ay ihahandog ko sa babaeng nagmamay-ari ng aking puso."


Nanlaki ang mga mata ni Jakob sa ipinagtapat ng prinsipe. "May kasintahan ka na, Prinsipe Zuriel?? Alam na ba ito ng iyong ama atsaka.. saang pamilya siya nabibilang?? O baka.. isa ba siya sa mga babaeng tagapagsilbi rito sa palasyo?"


"Hindi sa gayon at.. hindi pa rin alam ni Ama ang tungkol dito. Kapag nakapagtapat na ako sa babaeng naiibigan ko ay nais ko sana siyang ayain magpakasal at aalis na ako rito sa palasyo. Sinabi mo na nga na uupo na ang itinakdang hari kaya't kapag nagkaroon na siya ng mga supling na magiging prinsipe't prinsesa ay wala na rin akong pakinabang dito." Sagot ni Prinsipe Zuriel habang patuloy sa paggawa ng pulseras.

"Ngunit.. mahal na prinsipe, kung sakaling masawi ang hari at wala pa siyang anak na hindi naman malayo sa imposible dahil magkasing-edad lang kayo kaya't posibleng wala pa nga siyang babaeng napupusuan, kayo ni Prinsipe Zenon ang nakasunod sa trono. Matanda na si Prinsipe Zenon kaya't nasisiguro ko na ipauubaya niya sayo ang trono." Sabat ni Jakob.


"Jakob, alam mo ba kung gaano kagulo ang kalakaran sa palasyo? Kung gaano manganganib ang buhay mo kapag umupo ka sa trono? Tingin mo ba itinago ng reyna ang hari dahil lang sa mababaw na kadahilanan? Itinago niya ang hari dahil talamak ang traydor at taksil sa palasyo. Hindi mo alam kung sino ang tunay mong kakampi o kalaban. Ayaw kong mamuhay bilang isang hari habang ang isang paa ko naman ay nasa hukay. Nais ko lamang ng payapa at tahimik na buhay kasama ang aking mapapangasawa at aming mga magiging anak. Wala naman sigurong masama kung maghangad ang isang prinsipe ng simpleng buhay.. 'yong malayo sa gulo, hindi ba?" Sagot ng prinsipe sa tagapagsilbi. Hindi na nakasagot ang tagapagsilbi kaya't pinanood nalang niya ang prinsipe sa ginagawa nito.

"Mahal na prinsipe, maaari mo bang sabihin sa akin kung anong klaseng babae ang iyong napupusuan?" Simula ulit ni Jakob ng usapan. Napangiti si Prinsipe Zuriel nang pumasok na naman sa utak niya ang magandang mukha ng dalagang iniligtas.

"Maamo ang kaniyang napakagandang mukha, maputi ito kaya't halata ang mapula niyang mga labi. Mahinhin siya kumilos kaya't tila isang balahibo siya kung gumalaw. Mayroon siyang puting bulaklaking palamuti sa buhok na nababagay naman sa kaniyang itim na buhok. Maayos ang kaniyang pananamit kaya't nakasisiguro akong galing siya sa isang maharlikang angkan ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa siya muling nasisilayan." Kuwento ng prinsipe.

"Ngunit.. alam mo naman ang kaniyang pangalan, hindi ba mahal na prinsipe? Kaya't madali nalang—"

"Isa pa 'yun, Jakob." Napabuntong hininga ang prinsipe. "Hindi ko nalaman ang kaniyang pangalan."

Napakamot si Jakob sa kaniyang ulo, hindi niya alam kung paano papagaanin ang kalooban ng prinsipeng pinaglilingkuran.


"Andiyan na ang mahal na hari!!"

"Pagpugay sa pagdating ng mahal na hari, mabuhay!"

"Mabuhay ang mahal na hari, mabuhay!"

Napalingon pareho sila Prinsipe Zuriel at Jakob sa direksyon kung saan nagmula ang ingay.

"Ang mahal na hari?" Natarantang sabi ni Jakob at napatayo na si Zuriel atsaka sila naglakad patungo sa mga kawal na sumigaw.

***
Mensahe mula sa may-akda:

Ang pagbigkas sa pangalan ni Jakob ay /hā•kob/ hindi /jā•keb/

  - Ginoong Eros

Occultatum LiberaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon