Sapagkat dakilang sabik sa paglalakbay at kalayaan ay pumayag ang prinsesang sumama kanila Haring Zenthiel at Jal pabalik ng Zentoria. Bago umalis ng Selena ay bumili sila ng isa pang kabayo dahil tumakbo ang kabayo ng hari nang mahulugan ito ni Prinsesa Rielianah at hindi na ito nahanap.
Sumakay sila barko at kagaya noong pumunta sila ng bayan ay hindi na naman napigilan ng prinsesa ang kaniyang sariling mamangha nang lubos. Unang beses niyang sumakay sa barko at sa katunayan ay hindi siya mapalagay noong una sapagkat bahagya siyang nahilo ngunit kalaunan ay nasanay rin siya. Tuwang-tuwa niyang pinanood ang mga isdang tumatalon sa karagatan, ang mga ibon sa himpapawid, at ang magandang kalangitan na tila walang katapusan. Pagkatapos hangaan ang kaniyang kapaligiran ay natuon ang kaniyang atensyon sa hari. Sa wakas ay pumirmi sa isang lugar ang prinsesa nang magsimulang magkuwento ang hari tungkol sa bundok na kanilang dinadaanan.
"Iyon ang Bundok ng Pag-Ibig." Turo ni Haring Zenthiel sa isang bundok na kinatitigan naman ng prinsesa. Labis ang pagkamangha ng prinsesa nang mapagtanto ang hugis ng bundok. Mukha itong dalawang ulo na magkaharap habang ang isang ulo ay mukhang nakahalik sa noo ng isa pa.
"Alamat 'yan ng isang malungkot na pag-iibigan." wika ni Haring Zenthiel. Biglang lumungkot ang tono ng kaniyang pananalita kaya't napalingon sa kaniya ang prinsesa nang may pag-aalala sa mukha nito.
"Kung malungkot ay h'wag mo na pong i-kuwento, ginoo. Masasayang mga kuwento lamang ang nais kong marinig." Ngiti ng prinsesa sa kaniya. Sa pamamagitan ng ngiting ito'y naisip ng prinsesa na sana kahit papaano ay napagaan niya ang pakiramdam ng hari kagaya na lang ng pagpapagaan nito ng pakiramdam niya tuwing ngumingiti ito sa kaniya. Hindi naman nabigo ang prinsesa dahil kusa ngang kumurba ang mga labi ng hari nang makita ang ngiti niya.
"Salamat, binibini."
Nagtaka ang prinsesa. Salamat? Bakit siya nagpapasalamat?
"Para saan, ginoo?" tanong ng prinsesang nagtataka pa rin.
"Nawala ang lungkot na biglang bumalot sa akin nang maalala ko ang alamat dahil sa mga ngiti mo, binibini." sagot naman ng hari kaya hindi napigilan ng prinsesang mapangiti ulit ngunit agad siyang napahawak sa hawakan nang biglang umalog nang malakas ang barko.
"Ayos ka lang ba, binibini??" Natarantang pag-alalay ni Haring Zenthiel sa prinsesa upang tumayo ulit nang maayos.
Nakita ng prinsesang napasukan ng tubig ang barko dahil sa pag-alog nito. Hindi ito madami ngunit palapit ang tubig sa kanilang kinalulugaran kaya 'di magkandaugaga ang prinsesa sa takot at kung anu-anong senaryong naglaro sa kaniyang isip. Hindi ako maaaring mabasa, lalo na ang mga paa ko!
Bumitaw ang prinsesa sa hari at nagmamadaling naglakad palayo sa tubig. Tiyak na mapapahamak siya kapag nabasa siya ngayon at hindi iyon maaaring mangyari.
Nakita ng prinsesang basa na ang kaniyang dadaanan kaya't napahinto siya. Hindi naman mataas ang tubig ngunit basa pa rin ang lapag, walang kasiguraduhan na ligtas siya kapag umapak siya rito kaya naman nagdalawang isip siya.
Nagulat na lang ang prinsesa nang may humawak sa kaniya at bigla siyang binuhat.
"G-Ginoo?" Nasabi na lang ng prinsesa nang makita ang mukha ni Haring Zenthiel na kasalukuyan siyang buhat.
BINABASA MO ANG
Occultatum Libera
Historical Fiction[ON-HOLD | UNDER SLOW EDITING] Tunghayan ang istorya ng pag-ibig, kataksilan, kasakiman at paghahari. Petsa ng Pagsisimula: Unang araw ng Pebrero, taong dalawang libo't labing-walo. [Paalala: matagal na pagdaragdag sa mga kabanata]