Rielianah
"Mahal na prinsesa," Biglang pasok ni Gia sa kuwarto at dire-diretsong lumapit sa akin.
"Nariyan po sa labas ang ikalabing-pitong prinsipe raw po ng Zeria." Sabi niya at napaisip ako kung sino ang ikalabing-pito at napakamot sa ulo ko nang hindi ko maalala.
Napagpasyahan ko na lumabas nalang ng silid at nang makita ko naman siya ay naalala ko na ang kaniyang pangalan, si Prinsipe Zoren.
"Magandang umaga, binibini!" Masaya't masiglang bati niya at inabot ang napakaraming bulaklak na nakatali sa isang kumpol.
"M-Maraming salamat, mahal na prinsipe." Kuha ko roon sa mga bulaklak at nakita ko ang pagsingkit ng kaniyang mga mata dahil sa lawak ng ngiti niya nang magtama ang kamay namin pagkaabot ko sa mga bulaklak. Niyaya ako ni Prinsipe Zoren maglakad-lakad at napadpad kami sa isang kuweba.
"Takot ka ba sa madilim na lugar, binibini?" Tanong ni Prinsipe Zoren at inalalayan akong umapak sa bato dahil papasok kami sa kuweba.
"Hindi naman." Tipid na sagot ko at naalala ko kung gaano kadilim sa ilalim ng tubig kapag gabi. Kung ikukumpara ko ay walang panlaban itong kadiliman sa kuwebang ito sa kadiliman ng karagatan.
"Kung gayon ay matapang pala ang binibining kasama ko ngayon." Ngiti niya at tumingin sa akin.
Katulad ni Prinsipe Zeo, si Prinsipe Zoren ay mahilig makipaglaban at kilala sa husay niya sa espada.
"Ikaw rin naman, kamahalan. Wala namang taong mahusay makipaglaban na duwag." Sabi ko pero biglang nawala ang mga ngiti sa niya.
"T--Tama ka." Bawi niya at ngumiti muli pero sa pagkakataong ito ay para na itong pilit.
~¤~
"Paano ka natuto makipaglaban?" Tanong ko nang napagdesisyunan naming maupo muna rito sa loob ng kuweba dahil napagod na kami sa paglalakad. Kanina pa kasi niya kinukuwento ang mga laban na pinanalo niya at kung paano siya nanalo.
"Ang totoo niyan ay.. wala akong interes sa paggamit ng mga sandata noon." Sagot niya na ipinagtaka ko. Kung gayon ay.. paano nangyaring naging hilig niya ang paghawak ng mga sandata ngayon?
"Lahat ng prinsipe ay kailangang mahusay sa pakikipaglaban kaya bata palang kami ay sinasanay na kami. Pero hindi lahat ng prinsipe ay nakaranas no'n dahil ang iba ay wala sa palasyo, iilang asawa lang ng hari ang namamalagi sa palasyo at ang ibang mga asawa ay nagsisiraan pa upang mapalayas ang ibang asawa ng hari kung kaya't ang mga natitirang prinsipe sa loob ay mahigpit na sinasanay pero hindi kagaya ng iba, hindi ko hilig ang paghawak ng mga armas at magsanay sa paggamit nito o anumang karahasan dahil ang hilig ko ay pagpinta." Kuwento niya kaya nanlaki ang mga mata ko.
"Nagpipinta ka??" Tanong ko at natawa siya't tumango-tango.
"ang totoo niyan ay ito dapat ang ibibigay ko sa iyo at hindi ang mga bulaklak na iyon.." Napatitig nalang ako sa kaniya habang kinukuha niya ang skrolyo mula sa manggas ng kaniyang kasuotan atsaka ito ibinuklat at ipinakita sa akin.
Napakaganda.
Mukha ko iyon at hindi ko mapagkakaila na may talento nga siya sa pagpinta. Kuhang-kuha niya ang bawat sulok at kurba ng mukha ko at maganda ang pagkakakulay niya rito.
"Pasensiya na kung hindi masyadong maganda.. hindi na kasi ako gaanong sanay magpinta." Sabi niya at napakamot sa ulo niya. Napakunot naman ang noo ko sa sinabi niya. Hindi na siya gaanong sanay magpinta?
"Bakit?" Tanong ko at napatingin siya nang diretso sa akin.
"T-Tumigil ako dahil nais ng hari na pagtuonan ko ng pansin ang pagsasanay bilang prinsipe. Nalaman niya kasing madalas akong lumiban sa mga pagsasanay dahil abala ako sa pagpipinta." Sagot niya at bakas sa mukha niya ang kalungkutan nang maalala niya 'yon.
Napasimangot naman ako sa narinig ko. Hindi naman tamang tanggalin ang kalayaan ni Prinsipe Zoren sa pagpinta. Kitang-kita sa gawa niyang ito na may talento talaga siya at hindi naman dapat ipilit sa kaniya ang isang bagay na hindi naman niya talaga gustong gawin pero.. ayun ang gusto ng hari at wala naman ako sa posisyon upang sabihin ang dapat at hindi dapat gawin ng mga prinsipe.
Kung sabagay, naging maayos naman ang resulta nito at naging mahusay sa pakikipaglaban ang ikalabing-pitong prinsipe.
Kinabukasan
~¤~"Mahal na prinsesa!" Tapik sa akin ni Gia na dahilan para magising ako.
"Ano 'yon?" Tanong ko atsaka kinusot ang aking mata.
"Ang ikalabing-anim pong prinsipe, nariyan sa baba." Sagot niya.
"Ano??" Nasabi ko at napabangon. Ni hindi pa nga sumisikat ang araw at nandito na siya?
Nag-ayos ako atsaka tuluyang bumaba upang salubungin ang ikalabing-anim na prinsipe. Nang makita na niya ako ay lumawak ang kaniyang mga ngiti at dahil doon ay mas lalo kong napansin ang kaniyang taglay na kakisigan. Lahat ng prinsipe ng Zeria ay makikisig kaya't hindi ko mapagkakaila na makisig nga itong si Prinsipe Zeandre lalo pa't siya ang malimit ngumiti sa kanilang lahat.
"Magandang umaga, binibini." Bati niya at napansin kong may hawak siyang malaki-laking baul.
"Pasensiya na kung naabala ko ang iyong pagtulog ngunit nais ko sanang masubaybayan ang pagsikat ng araw kasama ka." Wika niya na may matatamis na mga ngiti sa kaniyang labi.
Ano pa bang magagawa ko at nandito na rin naman ako? Paglabas namin ay naramdaman ko pa ang malamig na hamog na dala ng gabi.
Kamusta na kaya ang hari? Gising na kaya siya? Sana nama'y pagkagising niya ay kumain siya nang maayos na almusal, 'yong mabubusog siya. Almusal pa naman ang pinakamahalagang kain sa lahat.
"Ah—ito.." Biglang ipinatong ni Prinsipe Zeandre ang pamatong niyang pang-itaas sa akin at malugod ko naman iyong tinanggap.
"Alam mo ba na gustung-gusto ko ang bukang-liwayway?" Bigla niyang nasabi kaya't napatingin ako sa kaniya. Nakatingin siya sa kawalan habang nakangiti. Sa palagay ko ay nakatingin siya sa direksiyon kung saan sisikat ang araw.
"Ganoon ba?" Nasabi ko nalang at tumingin din sa direksyong tinitignan niya.
"Oo, dahil kapag nakikita ko ang papasikat na araw, ipinapaalala sa akin nito ang panibagong araw.. panibagong pag-asa." Aniya at lumingon sa akin kaya't napatingin ako sa kaniya.
"Ikaw, binibini? Hindi ka ba natutuwa sa pagsikat ng araw?" Ngumiti nalang ako bilang tugon. Alam naman na siguro niya ang ibig sabihin no'n. Ang aga-aga at naiistorbo ang mga halamang natutulog sa pag-uusap namin kaya't mas mainam kung hindi na ako magsasalita pa dahil sa daldal palang niya ay sigurado akong naririndi na ang mga halamang narito.
Pinagmasdan lang namin ang pagsikat ng araw at nang mapagpasiyahan na namin mag almusal ay pinaghanda kami ni Gia. Buong oras na kumakain kami ay hindi siya naubusan ng kuwento. Nakuwento na niya sa akin ang buhay ng kutserong nakasalubong niya kamakailan lamang pati na ang buhay ng pinagbilhan niya ng kamatis sa bayan.
"Atsaka alam mo ba binibini, kaya pala hindi pumayag ang dalaga na magpakasal ay dahil ang tunay niyang iniibig ay ang kaniyang kapatid!" Kuwento niya pa at napatangu-tango nalang ako. Nakita ko si Gia na tinatawanan ako sa likod bagama't alam niya na hindi ko na alam kung ano pa itong kinukuwento ni Prinsipe Zeandre sa dami ng kuwento niya. Masasabi ko nalang talaga na si Prinsipe Zeandre ang pinakamasalita sa lahat ng prinsipe.
BINABASA MO ANG
Occultatum Libera
Historical Fiction[ON-HOLD | UNDER SLOW EDITING] Tunghayan ang istorya ng pag-ibig, kataksilan, kasakiman at paghahari. Petsa ng Pagsisimula: Unang araw ng Pebrero, taong dalawang libo't labing-walo. [Paalala: matagal na pagdaragdag sa mga kabanata]