"Binibining Kristalyana ng Bahay Liparaya?" tanong ng may edad nang tagapagpayo sa isang maginoong binata. Nakaupo ang may edad nang lalaki sa isang silya habang nasa tapat nitong lamesa ay nakapatong ang isang makapal na aklat. Ang binata namang kaniyang kausap ay nakatayo sa tapat ng bintana't nakadungaw rito, suut-suot ang maganda nitong ginintuang kasuotan.
"Hindi ko ibig biguin ka, aking tagapayo't tagapagbantay ngunit nakita ko na ang lahat ng iyan at walang nakapukaw sa aking atensyon ko ni isa sa kanila." sagot ng lalaki pagkaharap sa kausap. Sa pananalita't maliliit na kilos pa lamang nito ay kapansin-pansi nang mayroon itong matipunong pangangatawan, angking kisig, at maginoong pag-uugali.
Sinara ng may edad nang lalaki na nagngangalang Jal ang hawak na aklat na naglalaman ng mga katangian ng lahat ng binibining nakita niyang maaaring mapangasawa ng binata.
"Mahal na hari, kung wala kang mapipili sa kanila ay tatanda kang binata at hindi iyon magugustuhan ng inang reyna." sabi ng matanda at tumayo na.
"Mabuti na ngang tumanda akong binata kaysa magpakasal sa isang dalagang mula sa magandang pamilya na hindi ko naman talaga ibig pakasalan." sabat ng binata.
"Ngunit baka nakakalimutan mo, aking mahal na hari, na hindi ka ipapakilala ng reyna sa sanlibutan hangga't hindi ka nakakapag-asawa." paalala ng lalaki sa binatang kausap na nagkibit-balikat lang sa kaniya, halatang wala itong pakialam sa narinig mula sa kaniya.
"Wala na akong pakialam. Sakaniya na ang trono kung gusto niya."
Sandaling natigilan ang tagapayo sa inasta ng binata ngunit agad din itong umayos ng pagkakatayo.
"Kung wala ka talagang mapili sa mga dalagang nasa kahariang ito, bakit hindi tayo maghanap sa mga nasa ibang kaharian?" Pagbibigay suhestiyon ng tagapayo. Napatingala ang binatang hari sa kausap habang nagniningning ang kaniyang mga mata. Alam ng tagapayo na ito lang ang paraan upang magkaroon ng interes ang binata, ang paglalakbay.
Simula nang ipanganak ang munting hari sa palasyo, agad itong ipinadala sa malayong lugar ng kaniyang inang reyna pagkatapos ng koronasyon dahil mayroon agad nagtangka sa buhay nito. Bilin ng mahal na reyna sa tagapagbantay nito na walang sinuman ang maaaring makaalam sa hitsura ng hari. Ito ay para mapanatili ang kaligtasan nito mula sa mga may masasamang loob na nais pumaslang dito.
Haring Zenthiel ng Kahariang Zentoria. Isa sa mga pinakabatang haring naitala sa kasaysayan ng daigdig. Naging hari nang mamatay ang kaniyang ama noong nasa sinapupunan pa lamang siya ng kaniyang ina ngunit kahit pa siya'y ipinanganak na hari, kailanman ay hindi pa siya nakakaupo sa kaniyang sariling trono. Ang kasalukuyang namamahala sa kaharian ay ang kaniyang ina na napakaraming gusto bago siya hayaang maging ganap na hari sa kahariang ipinanganak siya upang pagharian.
"May isang dalagang ubod ng ganda,
sa kaniyang mukha'y wala pang nakakakita.
Sa isang kaharian siya ay prinsesa,
at ang kaniyang pangalan ay Rielianah."Napakunot ang noo ng hari, napaisip sa sinabi ng tagapayo at saka sumagot,
"Ngunit paanong nasabing tunay,
gayong wala pang nakakita sa kulay?
Karapat-dapat ba sa aking paglalakbay?
O mauuwi ang pagod sa hukay?"Napatango-tango ang tagapagbantay sa sinabi ng binata.
"Kaya nga't iyong alamin,
nang ika'y may anihin.
Walang mapapala,
kung ang tao'y walang gawa."Napagtanto ng hari na tama ang tagapagpayo kaya't siya na nga'y tumayo.
"Kung gayon ay samahan mo ako't halina,
ituro sa akin kung saan at tayo'y maglakbay.
Nang pagbalik ay may asawang iharap sa ina,
baka sakali'y mawala kaniyang lumbay."
BINABASA MO ANG
Occultatum Libera
أدب تاريخي[ON-HOLD | UNDER SLOW EDITING] Tunghayan ang istorya ng pag-ibig, kataksilan, kasakiman at paghahari. Petsa ng Pagsisimula: Unang araw ng Pebrero, taong dalawang libo't labing-walo. [Paalala: matagal na pagdaragdag sa mga kabanata]