Rielianah
Napagpasyahan namin na ako na ang magluluto ng pagkain upang may maitulong ako. No'ng una ay ayaw pumayag ni Ginoong Ezequiel ngunit nang lumaon ay nakumbinsi ko na rin siya.
Nandito ako ngayon sa bayan at namimili ng mga lulutuin ko mamaya. Sa totoo lang ay hindi ko pa alam ang lulutuin ko kaya't naghahanap ako ng mga sangkap at kung anong makita ko ay iyon nalang ang lulutuin ko.
"Tabi!!!" Napatingin ako sa sumigaw at nakakita ng isang lalaking nakasakay sa kabayo. Sa likod niya ay may isang kaban ng bigas. Mukha siyang hinahabol dahil nagmamadali siya at binangga na niya halos lahat ng mga paninda.
"Tabi!!!" Ulit niya at doon ko lang napagtanto na matatamaan niya ako.
"Waaah!!" Sigaw ko at naghanap ng makakapitan dahil nawala ang balanse ko nang bahagya akong matamaan ng kabayo. Patay, bangin pala ang babagsakan ko. Waaaah!! Tulooong!!
Nagulat ako nang maramdaman kong may humawak sa bandang baywang ko at pagdilat ko ay nakasakay na ako sa kabayo habang patuloy ito sa pagtakbo. Dahan-dahan akong lumingon sa likod ko at nasilayan ko ang makisig na mukha ng nagligtas sa buhay ko. Nagtama ang mga tingin namin nang humarap siya sa akin.
"Pasensiya na binibini at nadamay ka pa." Magalang na sabi niya at huminto ang kabayo. Nauna siyang bumaba at binuhat niya ako pababa ng kabayo niya.
"Mag-ingat ka rin sa susunod, paalam!" Ngiti niya at sumakay na ulit sa kabayo niya. Mukhang hinahabol niya ang lalaking bumangga sa akin kanina. Napatingin ako sa paligid dahil lahat sila'y nakatingin sa akin, mukhang gulat at nagbubulungan. Nahagip naman ng mata ko ang iginuhit na larawan ng hari kung saan nandoon ang nakatatandang babaeng nakausap ko kahapon. Naglakad ako papunta sa kaniya at bumati.
"Magandang araw po, maaari po ba akong magtanong?"
Mukha namang naaalala niya ako at sumagot siya. "Oo naman, ano iyon?"
"Bakit po parang nakatingin sa akin ang mga tao?" Tanong ko.
"Ah, dahil siguro sa nangyari kanina. Iniligtas ka ng prinsipe." Sagot niya.
"Prinsipe??" Tanong ko at tumango siya. "Iyong kumuha sa iyo kanina nang muntik ka nang mahulog ay si Prinsipe Zuriel, ang anak ng kakambal ng dating haring."
Prinsipe?? Nahawakan ako ng prinsipe ng Zentoria?!
Nagpasalamat ako sa pagsagot niya sa katanungan ko at tuluyang na akong bumili ng mga kasangkapan para sa lulutuin ko.
~¤~
"Ano'ng sinabi mo?" Tanong ng reyna sa pinaka-pinagkakatiwalaan niyang kawal na si Javier na hindi naman nalalayo ang edad sa edad ng hari."Gumawa na naman po ng kabayanihan ang anak ni Prinsipe Zenon. Tiyak po akong kakalat na naman ang mga opinyon na kung hindi ilalabas ang tunay hari ay siya nalang ang hihirangin bilang bagong hari." Sagot ni Javier.
"Hindi porket sukob ang kapanganakan nila ng hari ay maaari na niyang pantayan ang anak ko!" Galit na sabi ng reyna at naihagis niya ang tasa niya sa lapag.
"Ano na namang palabas ang ginawa ng lalaking 'yon?" Tanong niya.
"Nanghuli siya ng isang magnanakaw ng bigas at may iniligtas din siyang isang dalagang muntikan nang mahulog sa bangin." Sagot ni Javier.
"Hanapin ang babaeng 'yon at pahirapan upang mapilit siyang ipagkalat na pinagsamantalahan siya ng lalaking nagligtas sa kaniya. Sa gano'ng paraan ay masisira ang imahe ng lalaking 'yon sa mga tao." Utos ng reyna.
"Mahal na reyna, nandito po ang mga konseho." Anunsyo ng nagbabantay sa labas at nagsipasukan ang mga konseho ng palasyo. Tumabi si Javier at luminya ang mga konseho sa harap ng reyna at nahati sa dalawa atsaka sila nagharap-harap sa isa't isa.
"Mahal na reyna, napag-usapan ng buong konseho na siguro'y panahon na upang iluklok sa kaniyang tamang posisyon ang mahal na hari." Bungad ni Ginoong Solomon, ang isa sa mga konseho na tapat sa reyna.
"Ako lang ang makapagsasabi kung kailan dapat umupo ang hari sa trono." Sagot ng reyna.
"Ngunit nais na namin at ng taong bayan na pamahalaan kami ng isang totoong hari." Sabat ni Ginoong Zhang, isang konseho na tapat kay Prinsipe Zenon.
"Hindi yung nagtatago siya sa saya ng kaniyang ina." Mapanuksong dagdag ni Prinsipe Zenon at palihim na nagtawanan ang nasa hilera nila samantalang ang katapat nilang hilera na pinamumunuan ni Ginoong Solomon ay tinitigan lamang sila nang masama.
Binubuo ang konseho ng palasyo ng labing-dalawang mga opisyal. Ang nasa isang hilera na anim na mga tapat na konseho ng reyna ay pinangungunahan ni Ginoong Solomon, ang katabi niya ay si Ginoong Octavio na sinundan ni Ginoong Marcus, Ginoong Lazarus, Ginoong Erasmus at Ginoong Mathan.
Sa kabila naman ay ang konseho ni Prinsipe Zenon na pinangungunahan niya at sinundan ni Ginoong Zachariah, Ginoong Zhang, Ginoong Micah, Ginoong Eustis, at Ginoong Japhet.
"Gusto namin ng isang mahusay na hari, alam kung paano pamunuan ang Zentoria at kung paano nangyayari ang kalakaran dito sa loob ng palasyo. Kahit pa siguro iluklok ang tunay na hari sa puwesto ay ano bang kaniyang nalalaman? Magtago at umasa sa kaniyang ina?" Mapangutyang saad ni Ginoong Micah.
"Kinukwestiyon mo ba ang kakayahan ng kamahalan?!" Galit na sabi ni Javier at mabilis na nailabas ang espada niya at itinutok ito sa konseho. Pigil na pigil si Javier na h'wag munang tuluyang isaksak ang espada niya sa lalamunan ng opisyal dahil hinihintay niya ang pahintulot ng reyna samantalang hindi na nakagalaw sa kinatatayuan niya si Ginoong Micah.
Napatingin si Ginoong Micah kay Prinsipe Zenon, nanghihingi ng saklolo. Ngunit tinitigan lamang siya ng prinsipe, ni walang emosyon sa mga mata nito. Napailing-iling nalang si Prinsipe Zenon sa likuran ng kaniyang isip. Napaka-inutil ni Ginoong Micah, bakit naman niya harap-harapang binatikos ang hari gayong alam niyang mahigpit iyong ipinagbabawal? Sinumang kumwestiyon sa hari'y maaaring hatulan ng kamatayan kaya naman wala nang magagawa si Prinsipe Zenon.
Bago sila pumasok dito ay alam na nila ang kanilang mga sasabihing pambabatikos sa reyna at sa anak nito sa pagnanais nilang patalsikin ito ngunit nadala si Ginoong Micah sa kaniyang mga sinasabi at nainsulto niya ang pangalan ng hari. Kahit pa wala ang hari sa trono, nakalagay sa kautusan na dapat lamang bawian ng buhay ang sinumang bumastos sa kamahalan.
Sinenyasan ng reyna si Javier at wala pang isang segundo ay nakahandusay na sa lapag ang walang buhay na bangkay ni Ginoong Micah, dumanak ang kaniyang dugo sa lapag at hindi alintana ng mga konseho ang pangyayaring iyon. Napatingin si Ginoong Zhang sa kaniyang panyapak na nababasa na dahil sa dugo ni Ginoong Micah ngunit hindi nalang siya nagsalita.
May pumasok na mga tagapagsilbi at kawal. Binuhat ng mga kawal ang bangkay at nilinis naman ng mga tagapagsilbi ang kalat na dulot nito. Ipapatapon lang sa isang bakanteng lupain ang bangkay ni Ginoong Micah nang walang saplot. Iyon ang kaparusahan sa mga taong nambastos sa kamahalan.
BINABASA MO ANG
Occultatum Libera
Historical Fiction[ON-HOLD | UNDER SLOW EDITING] Tunghayan ang istorya ng pag-ibig, kataksilan, kasakiman at paghahari. Petsa ng Pagsisimula: Unang araw ng Pebrero, taong dalawang libo't labing-walo. [Paalala: matagal na pagdaragdag sa mga kabanata]