Rielianah
Saktong dumating ang ikalabing-tatlong prinsipe kung kailan tapos ko na ang mga kailangan kong gawin kaya naman maluwag sa loob kong tinanggap ang maliit na baul na dala niya. Nabigla ako nang hayaan na niya akong mag-isang magbuhat noon dahil mabigat pala ito. Ano kayang laman nito? Ipinatong ko iyong maliit na baul sa ibabaw ng malaki-laking baul na ibinigay sa akin ni Prinsipe Zeandre.. hindi ko pa nga pala nakikita kung anong laman nun, nako!
Nabigla ako nang kunin niya ang kamay ko at hinalikan ito atsaka bumati. "Magandang umaga ulit, aking binibini. Maaari ba kitang pagtimplahan ng tsaa?" Nakangiting sabi niya. Pumayag ako kaya't naglakad kami ni Prinsipe Zethus patungong asotea at tinulungan niya akong maupo sa aking silya atsaka siya naupo.
Habang naghahanda siya ng tsaa ay kitang-kita ko kung paano haplusin ng sariwang hangin ang kaniyang buhok at mukha. Sa totoo lang ay napakakisig nga talaga ni Prinsipe Zethus. Hindi ako nagtataka na maraming nagkakagusto sa kaniya at hindi ko rin siya masisisi kung babaero siya sa paningin ng karamihan dahil pumapatol siya sa higit sa isang babae sa isang araw.. depende kung ilan ang natipuhan niya sa araw na iyon at lahat 'to ay nalaman ko dahil kay Prinsipe Zeandre na kulang nalang yata ay ikuwento sa akin ang buhay ng langgam na naapakan niya kamakailan lang.
Maginoo at romantiko si Prinsipe Zethus at mahusay pa sa paggawa ng tsaa. Amoy palang ng hinahanda niyang tsaa ngayon ay sigurado na akong sobrang masasarapan ako rito. Maganda ang hugis ng kaniyang mukha at kapansin-pansin ang magandang korte ng kaniyang panga. Manipis at mapula ang kaniyang labi na lalo namang bumabagay sa kaniyang mapupungay na mga mata.
Inilapag na niya ang isang tasa ng tsaa sa harap ko kaya't napatingin ako sa kaniya. Sumenyas siya na uminom na ako at para bang hinihintay niya ang aking magiging tugon sa tsaang inihanda niya. Hinawakan ko na ang tasa atsaka hinipan ito atsaka humigop nang kaunti. Napatangu-tango ako nang malasahan ang masarap na kombinasyon ng mga halaman. Sigurado akong hindi ito pangkaraniwang tsaa sapagkat nakatitiyak ako na nasa dalawa o tatlong halaman ang inilagay dito. Madalang lang na magtugma ang lasa ng dalawang halamang tsaa kung kaya't natutuwa akong nakatikim ako ngayon ng isang bago sa aking panlasa.
"Masarap ba, binibini?" Tanong ni Prinsipe Zethus kaya nginitian ko siya nang malawak. "Napakasarap po, kamahalan!"
Napangiti siya at uminom na rin sa kaniyang tsaa. "Magkakasama riyan ang bulaklak ng punong linden, mansanilya, at ugat ng amargon. Dahil medyo mapait ang lasa ng mansanilya, mas maraming linden at amargon ang inilagay ko."
"Nakakatuwa po at masarap ang lasa ng tsaang ginawa niyo kahit pa may tatlong halamang inilagay dito." Puri ko sa kaniya at tinuloy na ang pag-inom ng tsaa.
"Magiging kaaya-aya naman talaga ang lasa ng lahat ng iyong ihahanda kung ilalagay mo ang tamang dami at timpla upang tumugma ito sa isa't isa." Nakangiting saad siya.
"Hanga po ako sa kahusayan niyo sa paggawa ng tsaa." Wika ko.
"Wala itong kakayahan ko sa husay ng ikapitong prinsipe. Sa totoo lang, sa kaniya ko nakuha ang hilig ko sa tsaa at paggawa nito. Siya ang nagturo sa akin ng iba't ibang halamang ginagawang tsaa at mga lunas nito sa tao. Sa kaniya ko rin natutunan na maaaring gumawa ng tsaa gamit ang higit pa sa isang halaman. Siya ang nagturo sa akin kung paano magiging kaaya-aya ang lasa nito kahit pa mayroon itong higit sa isang halamang gamot."
"Kung gayon ay napakahusay po pala ng ikapitong prinsipe sa paggawa ng tsaa." Nasabi ko. Pareho kaming napalingon sa ibon na naglaglag ng isang skrolyo. Agad iyong kinuha ni Prinsipe Zethus at binuksan.
"Ano po iyan, Prinsipe Zethus?" Tanong ko.
"Ipagpaumanhin mo, binibini ngunit kailangan ko na munang magpaalam." Sara niya ng skrolyo.
"B-Bakit po, kamahalan? May nangyari po bang hindi maganda?" Tanong ko at napatayo na rin nang tumayo na siya.
"Dumating na sa palasyo ang ikatlong prinsipe." Tanging sagot niya at tuluyan na siyang umalis.
Ikatlong prinsipe? Sa daldal ni Prinsipe Zeandre, ni minsan hindi niya nabanggit sa akin ang ikatlong prinsipe.. sino ba 'yon?
Nang wala na akong mapagkaabalahan, napansin ko ang mga baul na dala ni Prinsipe Zethus at Prinsipe Zeandre. Ano kaya ang laman ng mga ito? Mabuksan na nga.
Una kong binuksan ay ang maliit na baul na dala ni Prinsipe Zethus na nasa ibabaw. Nagulat ako nang pagbukas ko ay bumungad sa akin ang iba't ibang klase ng mamahaling mga alahas. Sinara ko na ulit ang baul at ibinaba iyon sa lapag atsaka binuksan ang malaki-laking baul na dala ni Prinsipe Zeandre. Magagarang mga kasuotan ang laman nito na tiyak ay hindi ko naman magagamit.
Sa lugar na ito ay isa lamang akong alipin na kinupkop ng hari. Pakiramdam ko ay wala akong karapatan magsuot ng anumang marangyang bagay kaya't hindi ko alam ang gagawin ko sa mga binigay nila.
Kinabukasan ay dumating ang ikalabing dalawang prinsipe na si Prinsipe Zyir.
"Magandang umaga, binibini." Bati niya na may ngiti sa mga labi.
"Magandang umaga rin po, kamahalan." Bati ko rin sa kaniya.
"Ah, binibini.. nais ko rin palang linawin na hindi ako kagaya ng mga nauna kong kapatid. Kaya ako pumunta rito ay upang makipagkaibigan at lubos ka pang makilala." Sabi niya at tumango ako. Ibig sabihin ba.. hindi pumunta rito ang mga naunang prinsipe upang makipagkaibigan? Kung gayon.. ano ang pakay nila? Maaari kayang.. waaaaaaa! Gusto nila akong alilain?! Pero.. masyado yata silang mabait sa akin nang magpunta sila rito kung iyon ang pakay nila.
"Binibining Liah, maaari ba kitang iguhit?" Nakangiting tanong ni Prinsipe Zyir na ikinabigla ko.
"A-Ako po, kamahalan?" Tanong ko at tumango siya.
"Sige po." Sagot ko at sinabihan niya akong maupo sa upuan sa asotea at huwag munang gumalaw.
Ilang sandali rin akong hindi kumibo bago niya ako sabihang maaari na akong gumalaw atsaka ako lumapit sa kaniya. Wala pang kulay ang larawang iyon at pinanood ko siyang kulayan iyon. Nagpalipas ako ng maghapon na pinapanood lang siyang kulayan ang larawan ko at gumuhit ulit ng panibagong larawan naman ng dalawang ibon sa isang sanga ng puno.
BINABASA MO ANG
Occultatum Libera
Historical Fiction[ON-HOLD | UNDER SLOW EDITING] Tunghayan ang istorya ng pag-ibig, kataksilan, kasakiman at paghahari. Petsa ng Pagsisimula: Unang araw ng Pebrero, taong dalawang libo't labing-walo. [Paalala: matagal na pagdaragdag sa mga kabanata]