Ika-anim na Kabanata

133 52 0
                                    

Natigilan si Zenthiel nang marinig niya ang sagot ng dalaga.

"Nagtungo kasi ako sa bayan kanina, Ginoo. Nakakita ako ng iginuhit na larawan ng hari at tinitirikan ito ng kandila ng mga mamamayan, sa panalangin nilang bumalik na ang hari." Kuwento ng dalaga.

Napalingon si Zenthiel sa kausap. "G-Gusto nilang bumalik ang hari?"

"Oo naman, Ginoo! Maraming umaasang bumalik na siya at sigurado akong maraming masisiyahan sa pagbabalik niya. Kaya nga nagtirik din ako ng kandila at nanalangin na sana'y magbalik na ang hari ng Zentoria at umupo na siya sa tronong nararapat sa kaniya." Sagot ng dalaga.

Sandaling natahimik ang hari.

Paano ako makakabalik?

"Ngunit nagtataka pa rin ako kung ano ang nangyari, alam mo ba ang buong istorya Ginoo?" Tanong ng dalaga sa hari na dahilan para mabalik ang kausap sa reyalidad.

"Oo." Sagot ng binata. "Higit pa sa nalalaman ng kahit sino." Mahinang dagdag niya ngunit hindi na 'yon narinig ng dalaga.

"Maaari mo bang ikuwento, Ginoong Ezequiel?"

"Subalit sinabi mo sa akin na masasayang kuwento lamang ang nais mong marinig." Sagot ng hari.

"Hindi naman malungkot ang kuwento ng hari ah? Alam kong isang araw magbabalik siya at masisiyahan lahat ng mamamayan ng Zentoria." Ngiti ng dalaga.

"Namatay ang dating hari na si Haring Zenthius sa isang digmaan at no'ng panahon na 'yon ay ipinagbubuntis pa lamang ng reyna ang anak nila. Dahil hindi pa isinisilang ang susunod na hari ay ipapasa muna ang trono sa kakambal ng namatay na hari na si Prinsipe Zenon hanggang sa dumating sa hustong gulang ang itinakdang hari. Dahil sa kasakiman ng reyna sa trono, hindi niya hinayaang mapunta sa kakambal ng hari ang trono kahit hindi pa isinisilang ang kaniyang anak. Siya ang namahala sa Zentoria kahit pa nahihirapan siya sa pagbubuntis." Kuwento ni Zenthiel. Interesado namang nakikinig sa kaniya ang dalaga kaya't nagpatuloy siya sa pagku-kuwento.

"Dumating ang araw na ipinanganak niya ang itinakdang hari at nang mag-isang taong gulang ito ay kinoronahan na agad itong hari sa pagnanais ng reynang huwag maagaw sa kanila ang trono. Nang gabi ring iyon pagkatapos ng paghihirang ay nilooban ang palasyo at may nagtangka sa buhay ng hari. Mabuti nalang at dumating ang tagasilbi ng hari at nailigtas ito. Dahil dito, nagpasya ang reyna na itago ang hari sa labas ng palasyo at mahigpit na ipinagbabawal ang sinuman na makakita sa mukha nito. Kamatayan ang parusa sa sinumang makakita sa hari, bilin iyon ng reyna."

"Nakakaawa naman pala ang hari." Biglang nasabi ng dalaga. Natigilan ang hari sa sinabi ng kasama. Paano niya ito nasabi? Nauunawaan ba niya ang sitwasyon niya? Nauunawaan ba ng dalagang ito ang kawalan ng kapangyarihan na nararamdaman niya kahit pa siya dapat ang pinakamakapangyarihang tao sa kahariang ito?

"Bata pa siya noon at hindi niya alam kung paano ipagtanggol ang sarili niya. Maaaring namumuhay siya sa takot ngayon dahil sa mga nagtatangka sa buhay niya pero.. pakiramdam ko ay malakas ang loob ng hari at naniniwala akong kaya niyang protektahan ang Zentoria. Sa dami ng pinagdaanan niya, sigurado akong matatag ang kalooban niya." Saad ng dalaga.

Bahagyang napangiti ang hari. "Masyado yatang mataas ang kumpiyansa mo sa hari, binibini."

"Oo naman! Madaming naniniwalang magbabalik na rin siya at pro-protektahan at papangalagaan niya ang Zentoria, at isa ako roon." Sagot ng dalaga.

"Para yatang masyado kang natuwa sa istorya ng walang mukhang hari, binibini?" Biglang tanong ni Zenthiel.

Biglang lumungkot ang mukha ng dalagang kausap. "May alam din kasi akong halos kaparehong istorya, ginoo. 'Yon nga lang ay nagkabaliktad sa parte na ipinatago ang hari sa labas ng palasyo samantalang ang isa pang alam kong istorya ay itinago naman siya sa loob ng palasyo."

Naging interesado ang binata sa sinabi ng dalaga. "Maaari mo bang ikuwento sa akin ang alam mong istorya, binibini?"

"Alam mo naman siguro ang prinsesang wala pang sinuman ang nakakakita, hindi ba?" Tanong ng dalaga.

Napaisip sandali ang hari at naalala niya ang sinabi ni Jal. Naalala rin niyang ito nga pala ang pinunta nila sa Selena ngunit sa halip ay si Liah ang natagpuan nila. "Oo, binibini. Maaari mo ba itong ikuwento sa akin?"

Pumayag ang dalaga at nagsimulang magkuwento." Katulad ng hari ng Zentoria, ayaw ng mga magulang ng prinsesang ito na mapahamak siya kaya't hindi siya maaaring lumabas ng palasyo. Buong buhay niya ay nakakulong siya sa palasyo at walang ibang kausap kundi ang ilang mga tagasilbi. Karamihan pa ay ayaw siyang kausapin dahil nahihiya sa kaniya kaya malungkot talaga ang buhay ng prinsesa sa loob ng palasyo."

"Si Prinsesa Rielianah ba ang tinutukoy mo, binibini?" Tanong ng hari sa kausap. Sandaling natigilan ang dalaga at dahan-dahang tumango.

"Sinabi mo kanina na nagtrabaho sa loob ng palasyo ng Selena ang iyong ina, nagkaroon ka ba ng pagkakataon masilayan ang prinsesa?" Tanong ng hari.

"M-Masilayan ang prinsesa.. oo."

Nanlaki ang mga mata ng hari sa narinig. "Talaga? A-Ano ang pagkatao niya? Anong itsura niya?"

"Ang itsura niya.. ordinaryo lang rin ang itsura niya. Pilya siyang prinsesa at lagi niyang tinatakasan ang kaniyang mga tagapagsilbi. Lagi rin siyang sumusuway sa mga utos ng hari't reyna ngunit hindi naman siya maparusahan ng mga ito dahil nag-iisang anak siya. Sa aking palagay, hindi siya mabuting ehemplo sapagkat hindi siya marunong makuntento. Nasa kaniya na ang lahat, nakukuha niya lahat ng nais niya sa loob ng palasyo ngunit naghahangad pa siya ng sobra roon." Sabi ng dalaga.

"Mukhang hindi maganda ang pagkakakilala mo sa prinsesa, binibini. Inaway ka ba niya no'n kaya't puro hindi magagandang katangian niya lang ang naaalala mo?" Natatawang tanong ng hari.

"Hindi naman po sa gano'n, ginoo. 'Yon lang po talaga ang pagkakakilala ko sa kaniya." Sagot ng dalaga.

"Dahil ginawan mo ng tula ang hari ng aking bayan, marapat lang na alayan ko rin ng tula ang prinsesa ng lugar kung saan tayo nagkakilala." Sabi ng hari at inabot ang panulat at isang walang sulat na skrolyo.

Nagsimula siyang magsulat,

     Sa karagatan na parang masayang mga alon
     Sa puno na maraming tumutubo't nahuhulog na dahon
     Katulad ng ibong lumilipad, malaya sa hawla
     Masisilayan rin ang magandang mukha ng prinsesa

Occultatum LiberaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon