Sa tahanan ng mga tagapagsilbi ng hari ay nagkakagulo ang mga alipin, nagtuturuan kung sino ang nagbato ng batsa sa bisita ng hari at nagpapalit dito sa kasuotan ng mga tagapagsilbi.
"Sino nga ang nanakit sa bisita ng hari?!" Galit na tanong ulit ng isa sa mga kawal. Hindi na nakapagtimpi pa si Gia dahil alam niyang kaya't hindi nagsasalita ang iba marahil takot sila sa mga babaeng gumawa no'n.
"Sila po ang gumawa no'n." Turo ni Gia sa babaeng nagbato ng batsa sa prinsesa at sa naghagis dito ng damit ng tagapagsilbi upang magpalit ang prinsesa.
Sumang-ayon naman ang mga kanina lamang ay natatakot sa mga kababaihang iyon at tinuro na rin ang dalawa. Kinaladkad ng mga kawal ang dalawang babae at walang sawang pinaglalatigo sa likod. Pagkatapos nilang pahirapan ang dalawang babae ay sinunod na nila ang kautusan ng hari na pugutan ito ng ulo at ipatapon sa bakanteng lupain ang mga bangkay upang ipakain sa mga bultre.
Sa tahanan naman ng hari sa loob ng silid-aklatan ay naroon si Haring Zenthiel, nagbabasa.
"Natapos na pong gawin ang ipinag-utos niyo, kamahalan." Nakayukong sabi ni Jal nang ibalita sa kaniya ng isang kawal na naipatapon na ang bangkay ng dalawang babae sa isang bakanteng lupain.
"Mabuti kung gayon. Siguraduhin niyong hindi na mauulit ang pangyayaring ito." Sagot ng hari na hindi man lang lumilingon sa kausap, tutok lang ang kaniyang mga mata sa aklat na binabasa.
Sinilip ni Jal ang binabasa ng hari atsaka nabalot ng pagtataka nang makitang tungkol sa mga sirena ang binabasa nito. "Interesado ka po ba sa hiwaga ng mga sirena, kamahalan?"
Nabaling ang atensyon ng hari kay Jal kaya't humarap ito sa kaniya. "May alam ka ba tungkol sa kanila?"
"Marami pong nakapagsasabi na hindi sila totoo sapagkat nagdedeliryo lamang ang mga mangingisdang nagsalaysay ng alamat ng mga sirena dahil sa gutom at kalungkutan kaya't naging taong-isda ang tingin nila sa mga malalaking isda." Sagot ni Jal.
"Ngunit paano kung hindi pala nagdedeliryo ang mga mangingisdang iyon? Paano kung totoo sila? Paano kung totoo nga ang mga sirena?" Tanong hari.
"Hindi ko alam kung ano ang nag-udyok sa inyo upang maging interesado sa mga sirena, kamahalan ngunit kung totoo nga sila.. maaaring totoo ang sinabi sa mga alamat na may kakayahan silang burahin ang alaala ng isang tao kapag nahawakan nila ito at nagiging perlas ang kanilang mga luha." Sagot ni Jal sa hari.
"May kakayahan silang magbura ng alaala.." Nasabi ng hari at dali-daling kumuha ng skrolyo at nagsulat.
"Talaarawan ba ang iyong sinusulat, kamahalan?" Nasabi ni Jal habang binabasa ang sinusulat ng hari sa skrolyo.
"Nais kong maalala bawat sandaling kasama ko siya upang sa oras na magpasya siyang umalis at burahin ang aking alaala sa kaniya ay maaalala ko siya kapag nakita ko ito. Kaya't isusulat ko lahat ng nangyari mula sa una naming pagkikita." Sabi ng hari habang nagmamadaling magsulat ng lahat ng pangyayari simula nang makilala nila si Liah.
"S--Si.. si Binibining Liah ba ang iyong tinutukoy, kamahalan?" Gulat na tanong ni Jal. Sandaling natigilan ang hari at tumingin ito kay Jal at sa mga tingin na iyon ay nasagot na ang kaniyang katanungan kaya't nagpatuloy na sa pagsusulat ang hari.
"Ngunit bakit niyo naman naisip na magpapasyang umalis ang binibini?" Tanong ni Jal. Natigilan muli ang hari
"H-Hindi ko rin alam.. siguro'y nahihibang na nga ako at kailangan ko na magpahinga." Tayo ng hari.
"Ngunit parating po ang mga maharlikang nagmula sa Bahay ng Liparaya." Saad ni Jal.
"Ano?" Nakakunot-noong lingon ng hari kay Jal.
"I--Inimbitahan po ng reyna ang mga ito rito sa palasyo upang pag-usapan ang.. magiging kasal niyo." Nakayukong sagot ni Jal.
"Hindi ko sila haharapin. Sabihin mo sa kanilang hindi ko nais magpakasal sa babaeng hindi ko iniibig kaya't makakaalis na sila." Sabi ng hari at naglakad na papunta sa kaniyang silid.
"Ngunit masisira po ang mukha ng palasyo kapag hindi kayo—" Isinara na ng hari ang kaniyang silid kaya't hindi na natapos ni Jal ang kaniyang sasabihin.
Pumunta si Jal sa tahanan ng reyna at pumasok sa silid nito.
"Masama po ang pakiramdam ng mahal na hari kaya't nais niyang magpahinga. Hindi po niya mahaharap ang mga panauhing darating mamaya." Nakayukong sabi ni Jal sa reyna.
"Masama pala ang kaniyang pakiramdam kaya umakyat siya ng puno upang bigyan ng bunga ang alipin na iyon.." Nagtitimping sagot ng reyna. Napapikit nalang si Jal dahil hindi pala uubra ang palusot na kaniyang ginawa dahil may nakapag-ulat na sa ginawa ng hari kani-kanina lang.
"Nandito na po ang mga pampakulay, mahal na reyna." Sabi ng nagbabantay sa pinto ng silid at may nagsipasukan na mga tagapagsilbi ng reyna na may dalang mga pampakulay sa mukha. Napansin ni Jal na mapuputla ang kulay ng mga pampakulay na iyon kaya't napakunot ang kaniyang noo at napatingin sa reyna na ngayon ay inaayusan na ng mukha, nagulat siya dahil nakatingin din ito sa kaniya.
"Subukan mong isumbong kay Zenthiel ang pagpapanggap ko at hindi lang buhay mo ang malalagot kundi pati na ang buhay ng alipin na babaeng iyon." Banta ng reyna kaya't tumango nalang si Jal at lumabas na ng silid.
"Hindi ba't may sakit na talaga ang reyna kaya't nagdesisyon na siya na ipasa ang trono sa hari?"
"Oo, ngunit hindi pa naman ito malubha. Papagmukhain niya lang na malubha na ang kaniyang karamdaman kaya siya nagpakuha ng mga maputlang pampakulay upang kaawaan siya ng hari at sundin nito ang gusto niya."
"Kinausap rin daw niya ang manggagamot upang tulungan siyang magsinungaling at sabihin sa hari na sobrang lubha na ng kaniyang karamdaman."
Natigil sa pakikinig sa usapan ng mga tagapagsilbi si Jal nang humandusay ang mga babaeng pinapakinggan niya sa lapag na wala nang buhay at nakita niya si Javier na nakatayo sa harap niya.
"B-Bakit mo ginawa 'yon??" Nagulantang tanong ni Jal at napatingin ulit sa tatlong babaeng tagapagsilbi ng reyna na nakahandusay ngayon habang kumakalat ang kanilang dugo sa sahig.
"Dapat lang kitilin ang buhay ng mga tagapagsilbing walang ginawa kundi pag-usapan ang reyna habang may ibang nakikinig. Ipinapahamak nila ang reyna sa pagkakalat ng mga plano nito." Diretsong sagot ni Javier at ibinalik na ang espada sa lalagyan nito.
"Nakamusta mo na ba ang kapatid mong si Jakob?" Pag-iiba ni Jal sa usapan ngunit hindi na siya pinansin ni Javier at pumasok na ito sa silid ng reyna.
BINABASA MO ANG
Occultatum Libera
Historical Fiction[ON-HOLD | UNDER SLOW EDITING] Tunghayan ang istorya ng pag-ibig, kataksilan, kasakiman at paghahari. Petsa ng Pagsisimula: Unang araw ng Pebrero, taong dalawang libo't labing-walo. [Paalala: matagal na pagdaragdag sa mga kabanata]