Ika-dalawampu't Limang Kabanata

227 49 4
                                    

Rielianah

Tanghali na ay wala pa rin ang prinsipeng nakatakdang dumalaw sa akin sa araw na ito. Hindi ko tuloy maiwasang mapaisip kung konektado ba ito sa pagdating ng ikatlong prinsipe at hindi ko maiwasang magtaka kung bakit parang may kakaiba rito sa ikatlong prinsipe.

"Wala pong prinsipe ngayon, mahal na prinsesa?" Tanong ni Gia.

"Wala yata." Nasabi ko nalang at nag-isip ng maaari kong gawin. Naisip kong sumulat sa hari ngunit naisip ko rin na mahihirapan si Gia kung ipag-uutos ko sa kaniyang humanap ng maaaring mag-abot ng liham ko para sa hari kaya nag-isip nalang ako ng ibang maaaring gawin.

Nang mapagpasiyahan ko na maglakad-lakad sa paligid ng tahanang aking tinutuluyan ay saktong dumating ang ikalabing isang prinsipe, si Prinsipe Zeo.

"Ipagpaumanhin mo, oh kay gandang binibini ang huli kong pagdating. Magandang tanghali sa iyo at sana'y magustuhan mo ang matatamis na prutas na ihahandog ko sa iyo." Abot niya sa akin ng telang nakabuhol na tiyak ay naroon ang mga prutas na sinasabi niya.

"Ayos lang po iyon, kamahalan ngunit.. maaari ko po bang malaman kung bakit kayo nahuli?" Tanong ko pagka-abot sa ibinigay niya na kinuha rin naman ni Gia pagkaabot sa akin.

"Ah, ehh.." Sabi niya at napakamot sa kaniyang ulo. "Tinanghali kasi ako ng gising, binibini.." Nakangiwing sabi niya kaya natawa ako nang kaunti.

"Ayos lang po iyon, kamahalan." Sabi ko at inimbitahan siya sa loob ng tahanang aking tinutuluyan.

Hinandaan kami ni Gia ng pananghalian at sabay kaming kumain. Buong oras na kumakain kami ay kinukuwento lang niya ang mga pakikipaglaban niya. Katulad siya ni Prinsipe Zoren ngunit hindi katulad ni Prinsipe Zoren, ipinanganak si Prinsipe Zeo na sabik na talagang matuto gumamit ng mga sandata.. hindi na kailangang pilitin pa.

"Espada ang karaniwang sandata at ito rin ang madalas kong gamitin. Ako rin ang madalas utusan ng mahal na hari makipaglaban sa mga rebelde at kalaban." Kuwento pa niya.

"Mukhang tiwala na po ang mahal na hari sa husay mong makipaglaban kaya labis ang pagtitiwala niyang mapagtatagumpayan mo ang mga ipinag-uutos niya sa iyong mga laban." Nasabi ko.

"Siguro nga." Nakangiting sabi niya atsaka humigop ng tsaa.

"Mahal na prinsipe, maaari ko po bang matanong kung ikaw ang pinakamahusay na prinsipe sa pakikipaglaban?" Tanong ko at inaasahan ang oo bilang sagot ngunit parang biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Sandali siyang natahimik atsaka muling tumingin sa akin.

"H--Hindi, binibini.." Natahimik rin ako sandali dahil hindi ko na alam ang susunod pang sasabihin dahil mukhang hindi maganda ang naging dating ng aking tanong.

"Si Prinsipe Zev ang pinakamagaling sa pakikipaglaban sa lahat ng prinsipe ng Zeria.. ang ikatlong prinsipe."

Ang ikatlong prinsipe.. hindi ko talaga alam kung bakit parang may kakaiba sa ikatlong prinsipe. Gusto ko sanang magtanong tungkol sa ikatlong prinsipe ngunit sa palagay ko ay hindi komportable si Prinsipe Zeo pag-usapan ito kaya't iniba ko ang usapan.

"Ah.. kamahalan, nais mo bang pagtimplahan kita ng tsaa? Kamakailan lang ay may natutunan ako kay Prinsipe Zethus na mahusay na paraan sa paggawa nito." Suhestiyon ko.

"Gano'n ba, binibini? Kung gayon ay ikinagagalak kong mapagtimplahan mo ng tsaang tinutukoy mo." Nakangiting saad niya at dumiretso na nga ako kay Gia upang dalhin ang mga kakailanganin ko.

Hay, napagawa pa ako ng tsaa para lamang mabawasan ang masamang ihip ng hangin sa paligid. Bakit ko pa ba kasi natanong ang bagay na iyon? Hay nako talaga, Rielianah!

Ginawan ko nga ng tsaa ang ikalabing isang prinsipe at nagkuwentuhan pa kami sandali bago siya tuluyang nagpaalam.


Kinabukasan, dumating ang ika-sampung prinsipe.

"Magandang umaga, binibini." Bati niya ngunit diretso lamang ang kaniyang mukha at walang kangiti-ngiti.

Gayumpaman ay nginitian ko siya at masayang bumati. "Magandang umaga po, kamahal–"

"Kung iniisip mong pumunta ako rito dahil may pagtingin ako sayo ay nagkakamali ka. Sumusunod lamang ako sa utos ng itinakdang prinsipe." Diretsong saad niya. Sandali akong natigilan dahil hindi ko alam ang gagawin ko. Mukhang napilitan lang naman siya sa pagpunta rito at wala siyang interes makausap ako.

"Hindi mo man lang ba ako iimbitahan sa loob?" Tanong niya na ikinabigla ko kaya dali-dali ko naman siyang pinapasok.

Inalok ko siyang kumain ngunit tumanggi siya at nagbasa lang ng aklat na dala-dala niya, nakatambay sa asotea ng tahanang aking tinutuluyan. Maghapon lang siyang nagbasa at sa tuwing susubukan kong kunin ang atensiyon niya at kakausapin ay madalas isa o dalawang salita lang ang isasagot niya, ni walang kaintere-interes at gana o emosyon man lang sa kaniyang tono. Pagsapit ng dapit-hapon ay nagpaalam na rin siya at kahit pa hindi pa ako nakakasagot ay dire-diretso na siyang umalis.

Siya nga pala ang ika-sampung prinsipe, si Prinsipe Zen.. na mukhang hindi ko talaga makakasundo.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 25, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Occultatum LiberaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon