Rielianah
Ang tagal naman bumalik nila Ginoong Ezequiel at Ginoong Jal. Kahapon pa sila umalis kasama ang mga kawal ng palasyo at palubog na naman ang araw ngunit wala pa rin sila. Sayang ang niluto kong pananghalian dahil hindi naman sila dumating, ako lang din ang umubos. Nilagyan ko pa naman ng espesyal na pampalasa ang inihain ko para kay Ginoong Ezequiel, hay.
Bakit kaya hindi pa sila bumabalik? At bakit sila sinundo ng mga kawal ng palasyo? Napatakip ako sa bibig ko nang may maisip akong hindi maganda.
Paano kung.. ikinulong sila dahil pinagbintangan sila sa kasalanang hindi naman nila ginawa? Gano'n ang istorya ng iba sa mga palabas na pinanood namin noon sa plaza kaya hindi imposibleng mangyari 'yon.
Waaah! Hindi maaari, hindi maaari! Napailing-iling ako. Paano na ako kapag nawala sila? Mabubulok nalang ako rito at masyado pa akong bata para mabuloook!!!
Tumayo ako mula sa pagkakaupo at lumabas. Kailangan kong libangin ang aking sarili upang hindi ako makapag-isip ng mga gano'ng bagay, tama!
Naglakad ako papuntang plaza upang manood sana sa mga nagsasayaw ngunit walang nagtatanghal o mga nagtitinda. Lahat sila ay nagkukumpulan habang walang anumang nakaharang sa daan. May parada na naman ba ang reyna at ang walang lamang palangkin ng hari?
Aalis na sana ako nang may marinig akong nag-uusap.
"Sigurado ka bang ngayon na ipapakita ang hari?"
"Oo naman! Nagbitiw na sa trono ang reyna kaya't sigurado akong ilalabas na niya ang hari."
Nagbalik na ang hari?!
Parang bigla akong nabuhayan sa narinig ko kaya't nakisama ako sa mga taong nagkukumpulan at nag-aabang sa mga dadaang palangkin. Napangiti ako nang maisip kong nasagot ang panalangin ko noong nagtirik ako ng kandila para sa hari. Nagbalik na nga siya at sigurado akong mapapamahalaanan niya nang maayos ang Zentoria.
"Ayan na ang hari!" Biglang umingay ang madla at sari-saring mga boses at kung anu-anong usapan ang narinig ko.
"Nasaan?"
"Hindi ba't parang nakita na natin siya dati rito?"
"Siya ang hari? Isa siya sa mga bumili sa akin ng gulay!"
"Kapit-bahay ko lang siya! Mabait siya at isang maginoong binata, siya si—"
Hindi ko na tuluyang narinig ang mga pinag-uusapan nila dahil sabay-sabay silang nanahimik. Ibig sabihin ay nasa tapat na namin ang palangkin ng hari. Nakayuko kaming lahat ngunit sinikap kong iangat nang kaunti ang ulo ko upang masilayan ang mukha ng hari.
Para akong nakakita ng multo nang makita ko kung sino ang nakasakay sa palangkin ng hari..
Ginoong Ezequiel..
BINABASA MO ANG
Occultatum Libera
Historical Fiction[ON-HOLD | UNDER SLOW EDITING] Tunghayan ang istorya ng pag-ibig, kataksilan, kasakiman at paghahari. Petsa ng Pagsisimula: Unang araw ng Pebrero, taong dalawang libo't labing-walo. [Paalala: matagal na pagdaragdag sa mga kabanata]