Maagang gumising at nagtungo sa bayan sina Prinsesa Rielianah, Haring Zenthiel, at Jal. Kumain sila ng almusal at saka naglakad-lakad. Naaaliw ang hari habang pinapanood ang prinsesang matuwa sa kanilang mga nakikita sa Kahariang Selena. Batid ng hari na walang katotohanan ang mga isinagot ng dalaga sa kaniyang mga katanungan kagabi ngunit hindi iyon naging hadlang upang mapalapit ang loob niya rito. Hinayaan niya ang prinsesang tumingin-tingin sa mga paninda at pinagmasdan lang niya ito, naghihintay ng tiyempo upang makausap ito dahil mukhang nawiwili pa ito sa kanilang mga nakikita.
Maraming tao, maraming itinitinda, maraming pagkain, at maraming bata ang nagtatakbuhan. Sinusubukan man ng prinsesang huwag mamangha sa kaniyang mga nakikita dahil baka paghinalaan siya nina Ginoong Ezequiel at Ginoong Jal ay hindi niya talaga mapigilan ang sarili. Iniisip na lang niyang sinabi naman niya sa mga ginoo na isa siyang mahirap na alipin, maaari namang dahil mahirap nga siya ay hindi pa siya nakakapunta sa bayan. Abala sa palaisipang ito ang prinsesa ngunit wala siyang ni katiting na ideya na alam ng hari ang lahat ng kaniyang kasinungalingan kaya magaan ang loob niya rito. Simula nang magkakilala sila nito kagabi ay wala itong ibang ipinakita sa kaniya kung hindi kabaitan. Kaya hindi niya lubos maunawaan kung bakit siya ikinulong ng dalawampung taon sa palasyo gayong napakabait naman ng mga nasa labas.
Nakakita ang prinsesa ng magagandang paninda at pigil na pigil siyang ipakita ang pagkamangha sa mga ito dahil baka mahalata siya ngunit pansin na pansin naman ito ng hari kaya napangiti na lang din ito habang pinagmamasdan siya.
"Ngayon ka lang ba nakapunta sa bayan?" tanong ni Haring Zenthiel kaya tumango ang prinsesa bilang kasagutan at muling tumingin-tingin sa mga paninda. Naisip pa ng prinsesa na kung ganito sana siya kasaya sa palasyo ay hindi na siguro siya tumakas. Pero maaaring tumakas nga siya marahil nais niya talagang maranasang mamuhay sa labas ng palasyo. Hindi niya inaasahan na ganito pala kasaya makisalamuha sa iba, hindi 'yung puro tagapagsilbi na lubos gumalang sa kaniya ang lagi niyang nakakasalamuha.
Para sa prinsesa ay masayang maging isang ordinaryong mamamayan, lahat ay pantay-pantay. Walang nakatataas at walang nakabababa.
Tumingin-tingin pa ang prinsesa sa mga paninda at natuwa na naman sa mga produktong kaniyang nakita. Nanghinayang tuloy siya sapagkat wala siyang salapi, hindi man lang siya nakakuha ng salapi bago umalis ng palasyo. May pambili sana siya ngayon.
"Kukunin ko na po ito." anang isang mamimili. Binalot sa tela ng tindera ang inabot sa kaniyang produkto na bibilhin ng mamimili at nag-abot ito sa kaniya ng tanso at pilak.
Dahil sa nakita ay muling napaisip ang prinsesa. Iyon ba ang tinatawag nilang salapi? Hindi pa siya nakakita o nakahawak ng salapi kahit kailan. Hindi niya kailangan ng salapi sa loob ng palasyo, pinagsisilbihan siya at ibinibigay ang kahit anong nais niya kung gugustuhin niya kahit wala siyang salapi.
Naisip tuloy ng prinsesa na hindi patas. Nakukuha niya ang nais niya kahit hindi niya paghirapan ngunit ang iba ay nagbabanat ng buto upang matustusan lamang ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Naagaw ang atensyon ng prinsesa ng isang palamuti sa buhok. Bulaklakin iyon at kulay puti. Lalo tuloy siyang nanghinayang dahil wala siyang salaping pambili pero inisip na lang niyang hindi bale, maghahanap-buhay siya at kikita ng salapi at babalik rito upang bilhin ang palamuting ito.
Sandali pa niyang tiningnan ang pang-ipit sa buhok nang biglang may kamay na dumapo rito. Hawak na ito ng isang babae at mukhang bibilhin na ito kaya naman nanlaki ang mga mata ng prinsesa. Kung maaari lang ay sumigaw na siya ng, 'Hindi maaari!'
"Ah, binibini,"
Napalingon ang prinsesa sa hari na ngayon ay kausap na ang babaeng kumuha ng pang-ipit. Nagulat at nagugulumihanan man kung bakit kinakausap ni Ginoong Ezequiel ang babae ay pinanood lang ni Prinsesa Rielianah ang pag-uusap ng dalawa.
BINABASA MO ANG
Occultatum Libera
Historical Fiction[ON-HOLD | UNDER SLOW EDITING] Tunghayan ang istorya ng pag-ibig, kataksilan, kasakiman at paghahari. Petsa ng Pagsisimula: Unang araw ng Pebrero, taong dalawang libo't labing-walo. [Paalala: matagal na pagdaragdag sa mga kabanata]