Zenthiel
"Ginoong Ezequiel! 'Yong kasama niyo po!" Bungad sa akin ng isang babaeng kapitbahay namin pagkarating ko sa aming tinutuluyan.Bumaba ako sa aking kabayo. "Anong nangyari?"
"Dinukot siya ng isang pangkat ng mga kalalakihan." Sagot niya.
"Sino? M-May nakakaalam ba kung saan siya dinala?" Tanong ko. Sino naman ang dudukot sa kaniya rito?
"Aam ko po, Ginoo." Napalingon ako sa isang lalaki. Payat siya at nakapusod nang maayos ang kaniyang mahabang buhok.
"Palihim ko silang sinundan kanina upang masabi ko sa inyo pagdating ninyo kung saan sila nagtungo." Sagot niya. Sinabi ng lalaki kung saan dinala ng pangkat ng mga kalalakihan si Binibining Liah at maraming nagsabing gusto nilang sumama sa akin ngunit hindi ako pumayag. Sinabi kong ayaw ko silang madamay at agad ko nang pinuntahan ang lugar na sinabi ng lalaki.
Pagdating ko ay marami na agad nakabantay sa labas. Wala naman akong ibang magagawa kundi paslangin sila dahil kapag hindi ko 'yon ginawa ay sila ang papaslang sa akin. Pagkatapos ko silang ubusin ay ibinalik ko ang espada ko sa lalagyan nito at pumasok na sa loob.
"Ano bang ginawa ko para parusahan ng ganito?" Rinig kong sabi ni Binibining Liah. Alam kong hindi niya 'yun sinabi nang malakas ngunit narinig ko ito. Simula pa nang magkita kami ay naririnig ko na kung anong iniisip niya at hindi ko alam ang dahilan kung bakit.
"S--Sino ka?" Rinig kong sabi ng isa sa mga lalaki. Nakita kong napalingon silang lahat sa akin, maging si Binibining Liah.
"Pakawalan niyo siya." Payak na sambit ko. Walang kumibo sa kanila kaya't nainip na ako. Nilabas ko na ang aking espada at pinaslang lahat ng madadaanan ko. Nang ubos na sila ay tinanggal ko ang pagkakatali ni Binibining Liah sa poste at ipinasok na ulit ang espada ko sa lalagyan nito atsaka siya binuhat.
Hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko sa kalagayan niya ngayon. Hinang-hina ang kaniyang buong katawan at halos wala nang kulay ang kaniyang mga labi.
"P-Pasensiya na at nahuli ako ng dating, binibini." Sabi ko at idinampi ang labi ko sa kaniyang noo.
Alam kong iniinda niya ang sakit ng kaniyang likod at nagagalit ako sa sarili ko dahil natagalan ako ng dating. Kung dumating sana ako nang mas maaga ay hindi sana siya nasaktan nang ganito. Pagkalabas namin ay sumalubong sa amin ang pangkat ng mga kalalakihan.
"Ibalik mo siya sa amin kung ayaw mo pang mamatay." Sabi ng isang lalaki.
Kumulog nang malakas at marahan kong inilapag si Binibining Liah sa lapag. Kasabay ng paglabas ko ng espada ay ang pagbuhos ng ulan. Naramdaman ko ang pag-agos ng tubig sa mukha ko at kumidlat na dahilan para lumiwanag ang paligid.
"M--May pilat s--siya.."
"K-Kamahalan?"
Nakita na ba nila ang pilat ko? Napahawak ako sa aking noo at sa palagay ko ay nawala na nga ang pampakulay na itinatakip ko sa pilat ko.
"P-Patawarin niyo po kami.." Luhod ng isa at nagsiluhuran silang lahat.
"S--SIRENA??!!" Bigla silang nagsitayuan at lumayo sa kinalulugaran ko. Napalingon ako kay Binibining Liah at nakitang wala na siyang mga paa kundi.. buntot na parang buntot ng isa.
Naguguluhan pa rin ako sa nakikita ko ngunit alam kong hindi maaaring kumalat ang pangyayaring ito. Hindi ko man gusto gawin ay pinaslang ko lahat ng lalaking nakakita sa pagiging sirena ni Binibining Liah. Sabihin nalang natin na kaya ko sila pinaslang ay dahil nakita nila ako, at mahigpit 'yong ipinagbabawal ng reyna.
Hinubad ko ang akinh pampatong at ibinalot ito sa buntot ng binibini at muli siyang binuhat. Inuwi ko siya sa aking tahanan at ginamot ang mga sugat niya mula sa latigo. Nagulat ako nang biglang bumalik sa pagiging mga binti ang buntot niya nang matuyo na ito. Kaya ba ayaw niyang mabasa noong nasa barko kami dahil.. magiging buntot ulit ang mga paa niya kapag nabasa ang mga ito?
Napatingin ako sa mga sugat niya sa likod, parang.. mabilis din silang natutuyo at gumaling. Inayos ko na ulit siya at pinagmasdan ang natutulog niyang mukha. Nakita ko ang namumuong luha sa mga mata niya at tuluyan na 'yong umagos. Nakita kong maging perlas ang luhang 'yon. Totoo pala na nagiging perlas ang luha ng mga sirena.
Napangiti ako. Hindi ko alam kung bakit ngunit para sa akin ay sapat na ang pagiging ligtas ni Binibining Liah sa tabi ko upang labis na ikagalak ko.
Rielianah
Napamulat ako nang marinig na may nagluluto sa labas. Sinong nagluluto? Ako lang dapat ang nagluluto! Dali-dali akong lumabas at nakita si Ginoong Jal na pasipol-sipol pa habang nagluluto.
"Ako na po, ginoo." Sabi ko at aagawin sana sa kaniya ang sandok ngunit pinigilan niya ako.
"Sinabi ni Ginoong Ezequiel na ako na muna ang magluto ngayon at magpahinga ka lang. Sige ka, baka magalit 'yun kapag hindi ka nagpahinga." Sabi ni Ginoong Jal at narinig kong pumasok si Ginoong Ezequiel kaya't dali-dali akong bumalik sa kwarto at nagtalukbong.
Patay! Baka magalit siya kapag nalaman niyang bumangon ako kaagad.
"Gising na ba ang binibini?" Rinig kong tanong ni Ginoong Ezequiel.
"Opo, nandoon po siya sa loob." Rinig kong sagot ni Ginoong Jal.
Narinig kong may kumatok sa pinto. "Maaari kang pumasok." Sabi ko at bumukas naman ito.
"Kamusta ang iyong pakiramdam, binibini?" Pangangamusta niya sa akin na may ngiti sa mga labi.
"Ayos lang nama—" Hindi ko natuloy ang sasabihin ko dahil naalala kong umulan kahapon.
Anong nangyari?! Nakita ba ni Ginoong Ezequiel ang buntot ko?! Bakit ba wala akong maalala, bakit doon pa kasi ako nawalan ng malay? Waaaah!
Biglang tumawa si Ginoong Ezequiel na dahilan para mapalingon ako sa kaniya. Kung makatawa siya akala mo may narinig siyang nakakatawa, baliw na kaya siya?
"Ginoong Ezequiel, wala ka bang nakitang.. kakaiba kahapon? S-Sa akin.. wala ba??" Natatarantang tanong ko. Nakita kong itinikom ni Ginoong Ezequiel ang kaniyang bibig, pinipigilan ang pagtawa atsaka siya umiling.
"Wala talaga??" Tanong ko at umiling ulit siya, nagpipigil pa rin ng tawa. Bakit ba siya natatawa ha?! Ano bang nakakatawa? Natataranta na nga ako rito dahil baka nakita niya ang buntot ko tapos tawa pa siya nang tawa riyan.
"Nakakatuwa ka talaga, binibini." Ngiti niya at pinisil ang ilong ko.
"Oo nga pala, magaling na ba ang mga sugat mo?" Tanong niya at parang titignan pa sana niya ang likod ko ngunit pinigilan ko siya. Hindi niya puwedeng malaman na mabilis gumaling ang mga sugat ko dahil baka maghinala siya!!
"A--Ah..!! Ang sakit ng mga sugat ko, huhu.. mukhang matagal pa bago sila gumaling, a--ahh..! Ang sakit talaga.." Pagpapanggap ko at kunwari'y nasasaktan.
"Pfft." Pagpipigil na naman ng tawa ni Ginoong Ezequiel. Bakit ba siya natatawa? Nasasaktan na nga ako kunwari tapos tawa pa siya nang tawa. Nahihibang na ba siya?
Bigla niyang hinawakan ang ulo ko at bahagya itong ginulo. "Tara na't kumain, binibini." Sabi niya na may ngiti sa mga labi atsaka tumayo. Sumunod na rin naman ako sa kaniya at kumain na kami.
BINABASA MO ANG
Occultatum Libera
Historical Fiction[ON-HOLD | UNDER SLOW EDITING] Tunghayan ang istorya ng pag-ibig, kataksilan, kasakiman at paghahari. Petsa ng Pagsisimula: Unang araw ng Pebrero, taong dalawang libo't labing-walo. [Paalala: matagal na pagdaragdag sa mga kabanata]