Ika-sampung Kabanata

138 50 0
                                    

Rielianah

Napansin kong halos lahat ng kababaihan ay nakatingin kay Ginoong Ezequiel kaya't nagpahuli ako nang kaunti sa paglalakad upang matapatan si Ginoong Jal.

"Bakit lahat sila ay titig na titig kay Ginoong Ezequiel?" Bulong ko kay Ginoong Jal.

Bahagyang tumawa si Ginoong Jal atsaka sumagot. "Mga tagahanga sila ni Ginoong Ezequiel, binibini."

"Aaahh.." Nasabi ko nalang at sumabay na ulit ng paglalakad kay Ginoong Ezequiel. Napatingin ako sa kaniya.

Matangkad siya at makisig. Magalang siya makipag-usap at makitungo sa kahit sino at lubos siyang mabait at kahanga-hanga. Hindi ako nagtataka na madaming humahanga't nagkakagusto sa kaniya.

Napatingin ako sa paligid at humarap kay Ginoong Ezequiel. "Bakit ang dami yatang tao?" Tanong ko. Madilim na ang langit ngunit ang daming tao at parang lahat ay masaya. Mas maraming nagtitinda ngayon kumpara kaninang umaga at marami ring nagtatanghal ng iba't ibang palabas kung saan-saan.

Ilang linggo na rin simula nang dakipin ako ng pangkat ng mga kalalakihan kaya hindi ko na rin kailangan magpanggap na may sugat pa ako. Phew! Grabe lang noong mga nakaraang linggo at nakakahalata si Ginoong Ezequiel na magaling na ako. Ang hirap pala magpanggap na may karamdaman!

"Ngayon ipinagdiriwang ang koronasyon ng hari. Dalawampu't isang taon na ang nakakalipas nang koronahan ang hari ng Zentoria." Sagot ni Ginoong Ezequiel. Nagulat ako nang hawakan niya ang kamay ko.

"H'wag kang bibitaw, dito ka lang sa tabi ko. Baka mawala ka sa dami ng tao." Sabi niya at nagpatuloy na kami sa paglalakad.

Waaah! Ang saya pala kapag may idinaraos na pagdiriwang! May mga kumakain ng apoy, sayawan, may mga palabas tungkol sa mga bating, tagapagsilbi, prinsipe at prinsesa, kawal at kung anu-ano pa. Mayroon pa ngang palabas kanina tungkol sa isang prinsesa at dragon. Maraming nagtatanghal ng kung anu-ano at higit sa lahat, ang daming nagtitinda ng iba't ibang uri at klase ng mga pagkain!

"Nagugutom ka na ba, binibini?" Biglang tanong ni Ginoong Ezequiel kaya't nabaling ang atensyion ko sa kaniya. Habang hawak niya ang kamay ko sa isang niyang kamay, may hawak siyang dalawang maliit na patpat sa isa niyang kamay na may nakatusok na pusit at inabot niya sa akin ang isa.

"Maraming salamat, ginoo!" Pagpapasalamat ko sa kaniya at hinintay bitawan niya ang kamay ko ngunit hindi niya 'yon ginawa.

Naramdaman ko ang biglang pagbilis ng tibok ng puso ko nang mapatingin ako sa magkahawak naming mga kamay. Ayaw niyang bitawan ang kamay ko, posible kayang..

Napailing-iling ako. Hindi maaari! Ano ka ba naman, Rielianah! Tingin mo talaga magkakagusto sa iyo ang isang maginoo at respetadong lalaking katulad ni Ginoong Ezequiel? Eh kahit nga mga lamang dagat ay ayaw kang ligawan.

Babatukan ko na sana ang sarili ko dahil sa kahibangang pinag-iisip ko nang biglang tumawa si Ginoong Ezequiel. Nakatingin siya sa akin at mukhang kanina pa siya nagpipigil ng tawa at ngayon ay sumabog na siya.

"Huwag ka masyadong mag-isip ng kung anu-ano, binibini upang hindi ka magulumihanan. Damahin mo lang ang nangyayari sa kasalukuyan at tiyak na wala kang pagsisisihan kinabukasan." Nakangiting sambit niya at naglakad na ulit kami. Nanood kami sa iba't ibang mga pagtatanghal at kumain ng kung anu-anong mga paninda. Sumayaw kami sa iba't ibang sayawan at nakita kong may mga palaro rin pala at sumali ako sa isa.

"Sigurado ka bang sasali ka rito, binibini? May alak ang larong ito at puro lalaki ang mga kalaro mo. Kung gusto mo ay ako ang maglalaro para sa iyo." Sabi ni Ginoong Ezequiel ngunit pumwesto na ako.

Occultatum LiberaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon