Ika-dalawampung Kabanata

101 47 1
                                    

Rielianah

"U--Umalis ang hari?" Tanong ko.

"Opo, mahal na prinsesa at.. matatagalan daw po ang pagbalik nito dahil malayo-layo ang kanilang pupuntahan." Sagot ni Gia. Napabuntong-hininga nalang ako.

Bakit ngayon ko lang nalaman 'to? Bakit hindi man lang siya nagpaalam?

Nagtungo ako sa asotea ng tahanan upang magpahangin. Labis nga siguro ang galit sa akin ng hari. Pero bakit ba kasi galit na galit siya? Hindi ko naman alam na ayaw pala niyang lumabas ako.

"Zyel, saan mo ba kami dadalhin?" Napakunot ang noo ko nang marinig ang boses na 'yon. Sino 'yon?

Hinanap ko kung saan nanggaling ang mga yapak at boses at hindi nagtagal ay bumungad sa akin ang pangkat ng mga kalalakihan. May papatay na naman ba sa akin?

"May tahanan!" Rinig kong sabi ng isa.

"May babae!" Sigaw pa ng isa kaya't tumalikod ako at tatakbo na sana palayo nang may magsalita ulit sa kanila.

"Sandali, binibini." Napakalambing ng tinig na 'yon kaya't napalingon ako. Nakita ko ang isa sa mga kalalakihan na naglakad papunta sa kinalulugaran ko. Ngayon ko lang napansin na magagara ang kanilang mga kasuotan at mukha silang mga aristokrata. Bisita kaya sila sa palasyo?

"Ako si Zarrius, ang itinakdang prinsipe at ito ang aking mga kapatid." Pagpapakilala niya sa kaniyang sarili at sa mga kasama niya.

Itinakdang prinsipe? Hindi ba't si Prinsipe Zuriel at ang ama nito lang ang prinsipe ng Zentoria?

"Kararating lang namin at itong bunso naming si Zyel ay nais puntahan ang sinasabi nilang lawa ng kahilingan. Maaari mo ba kaming samahan patungo rito?" Sabi niya.

Maamo ang mukha niya at magalang ang kaniyang pagkakasabi. Para siyang si Ginoong Ezequiel, malumanay at napakabait ngunit.. paano ko sila sasamahan? Nagalit na nga ang hari dahil umalis ako sa tahanan na ito nang hindi nagpapaalam tapos susuwayin ko na naman siya.

"Ako nga pala si Zethus, ang ikalabing-tatlong prinsipe." Biglang sulpot ng isang lalaki sa harap namin na may malawak na mga ngiti.

"Babaero iyang si Zethus, ako nalang ang samahan mo tutal ako ang pinakamakasig sa lahat ng prinsipe at nais ko talagang makita ang lawa ng kahilingan. Ako si Zyel, ang ikalabing-walong prinsipe." Sabi ng isa pang lalaki. Mukhang hindi nagkakalayo ang mga edad nila ngunit halata sa isang ito na siya ang pinakabata sa lahat.

Teka.. Paano ko sila sasamahan?

Pero wala naman sigurong masama kung ihahatid ko lang sila, hindi ba?

¤¤¤

"Kanina pa tayo magkakasama ngunit hindi pa namin alam ang iyong pangalan, binibini." Biglang harap sa akin ni Prinsipe Zeo, ang ikalabing-isang prinsipe.

Nakaupo kami ngayon sa tabi ng lawa at ang saya nila kasama! Nakuwento nila sa akin ang tungkol sa mga bayang napupuntahan nila at sa pamamagitan no'n ay nakilala ko sila isa-isa.

Ang pinakamatanda ay si Prinsipe Zarrius, ang itinakdang papalit sa hari. Isa siyang responsableng nakatatandang kapatid sa lahat. Patas siya at may paninindigan, laging nakapanig sa tama't katotohanan. Parehong si Reyna Feia ng Zeria ang ina nila ng ikalabing-walong prinsipe na si Prinsipe Zyel, ang pinakabatang prinsipe. Makulit siya at may pagkaisip-bata pa. Lahat ng gusto niya, gusto niya nakukuha niya.

Sumunod ay ang ika-pitong prinsipe na si Prinsipe Zael. Mahilig siya uminom ng tsaa at maraming babae ang nahuhumaling sa kaniya, siguro dahil napakaganda ng mga mata niya. Masasabi ko na hindi siya madaldal ngunit hindi rin siya tahimik. Magsasalita siya kung kailan tingin niya ay dapat siyang magsalita at mananahimik siya kung hindi siya interesado sa usapan. Nag-iisang anak na lalaki nalang siya ng hari sa pangalawa nitong asawa nang mamatay ang nakatatanda niyang kapatid, ang ikalawang prinsipe.

Si Prinsipe Zacchaeus ang ika-siyam na prinsipe. Mahilig siyang maglaro ng baraha at mahusay siyang tumugtog ng plauta. Ang ika-sampung prinsipe naman ay si Prinsipe Zen at siya ang pinakatahimik sa lahat kaya't hindi siya nagkuwento tungkol sa kaniyang sarili ngunit ayon sa ikalabing-anim na prinsipe, napakahusay daw ng ika-sampung prinsipe sa pana ngunit hindi ito masyadong gumagamit ng espada dahil ayaw daw nito na nagbubuhat ng mga mabibigat na armas.

Si Prinsipe Zeo ang ikalabing-isang prinsipe. Nag-iisang anak siya ng hari sa ika-anim na asawa nito at isa siya sa mga pasaway na prinsipe ayon kay Prinsipe Zarrius dahil madalas daw siyang makipag-away sa labas ng palasyo. Ang babaero naman sa lahat ng prinsipe ay si Prinsipe Zethus, ang ikalabing-tatlong prinsipe. Kung sabagay ay napakaganda niyang lalaki kaya't madami raw ang hustong humahanga sa kaniya na mga kababaihan at isa pa ay mahilig din siya sa tsaa katulad ng ika-pitong prinsipe at mahusay din daw siya sa paggawa nito.

Ang ikalabing-anim na prinsipe ay si Prinsipe Zeandre na madalas kasama nila Prinsipe Zyel at Prinsipe Zoren, lahat sila ay may pagkaisip-bata pa. Si Prinsipe Zeandre ang pinakamaingay sa lahat dahil hindi siya nauubusan ng kuwento. Ang ikalabing-pitong prinsipe na si Prinsipe Zoren ay may pagkaisip-bata pa rin at mahilig makipaglaban, anak siya ng hari sa ikalabing-isang asawa nito. Ang natatanging prinsipe na hindi namin kasama rito sa tabi ng lawa ay si Prinsipe Zayin dahil nasa itaas ito ng puno, gumuguhit. Siya ang ikalabing-dalawang prinsipe.

"Oo nga 'no! Maaari na ba naming malaman ang iyong pangalan?" Tanong ni Prinsipe Zeandre.

"Liah po ang pangalan ko." Nakangiting sagot ko.

"Liah.." Nasabi ni Prinsipe Zarrius.

"Napakaganda!" Biglang saad ni Prinsipe Zyel.

"Kasing ganda mo ang iyong pangalan, Binibining Liah." Sabi ni Prinsipe Zethus at sinikmuraan siya ni Prinsipe Zeo kaya't nagtawanan kami.

"Anong masama sa aking sinabi?" Himas ni Prinsipe Zethus sa sikmura niya.

"Alam naming nais mo lang mahumaling sa iyo ang binibini." Sagot ni Prinsipe Zoren.

"Mga kapatid, kung nais ko lang mahumaling sa akin si Binibining Liah ay hindi ko na kailangan pang puriin siya upang magawa ko 'yon. Baka nakakalimutan niyo na ako ang pinamakisig sa ating lahat." Pagmamalaki ni Prinsipe Zethus kaya't natawa ako nang mahina.

Biglang bumaba si Prinsipe Zayin mula sa puno. "Binubuhat mo na naman ba ang sarili mong bangko, Zethus?" Natatawang tanong nito.

"Hay, sinasabi na naman niyang siya ang pinakamakisig sa ating lahat." Sagot ni Prinsipe Zael na halos ngayon lang nagsalita mula kanina. Napakaganda pala ng tinig niya kahit nagsasalita lang siya. Malamig ito sa pandinig kagaya ng boses ni Prinsipe Zarrius.

Napatingin kaming lahat sa direksyon ng ika-siyam na prinsipe nang makarinig kami ng malakas na balasa ng mga baraha at ngumiti siya nang nasa kaniya na ang atensyon namin.

"Bakit hindi natin tanungin ang binibini kung sino talaga ang pinakamakisig sa ating lahat?"

"A-Ako po?" Tanong ko at tumango si Prinsipe Zacchaeus kaya nabaling naman sa akin ang atensiyon ng lahat.

"A-Ah.." Nasabi ko at tinignan silang lahat. Lahat sila ay makisig kaya't hindi ko talaga alam ang isasagot ko.

"Ah! Palubog na ang araw. Kailangan ko na pong umalis. Paalam po sa inyo, mga prinsipe." Nagmamadaling paalam ko at dali-daling tumakbo palayo at pabalik sa aking tahanang tinutuluyan.

Occultatum LiberaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon