Rielianah
"Kay lamig ng hangin
Tila niyebe sa tagsibol
Ako'y nangunglila rin
Nais ibalik ang kahaponMatatamis mong ngiti
Kailan muli masisilayan
Sinasambit ng labi
Tanging iyong pangalan"Isinara ko na ang skrolyo na ipinadala ng hari at itinabi ito.
Lumipas na ang ilang linggo simula nang magtapat ang hari na nais niya akong pakasalan ngunit iyon na rin ang huli naming pagkikita. Pagkatapos ng araw na iyon ay hindi pa siya ulit bumibisita sa akin at madalas ay si Ginoong Jal ang namamalagi rito upang mag-abot ng mga regalo mula sa kaniya. Wala naman sa akin ang mga regalong iyon dahil ang nais ko lang naman sana ay makasama siya kahit sandali.
Ayon kay Ginoong Jal, abala raw ngayon ang hari sa pag-aasikaso ng kaniyang mga tungkulin sa palasyo. Kamakailan nga lang ay kumalat ang balita tungkol sa mga tiwaling opisyal ng palasyo at ang hinaing ng mga magsasaka dahil sa tagtuyot.
Hay, siguro nga'y dapat na akong masanay na madalang na lamang siyang makasama dahil marami talagang tungkulin ang isang hari sa kaniyang kaharian.
"Mahal na prinsesa?" Rinig ko tawag ni Gia mula sa labas ng aking silid at nakita ko siyang pumasok.
"Bakit, Gia?" Tanong ko at lumapit siya sa akin.
"Ah.. ayaw ko po sanang sabihin ito sa inyo dahil ayaw ko pong mag-alala kayo ngunit tungkol po ito sa hari." Sabi niya habang bahagyang nakayuko, iniiwasan ang mga tingin ko.
"Ano iyon?" Tanong ko.
"May mga bali-balita po na.. p-patatalsikin ang hari sa puwesto."
"Ano?!" Gulat na tanong ko. "N-Ngunit bakit? Ginagawa naman niya ang kaniyang tungkulin, hindi ba?"
"Humihina na po ang palasyo at ayaw magpakasal ng hari sa isang makapangyarihang pamilya. Ito po ang isa sa mga butas na nahanap ng mga kalaban ng hari laban sa kaniya. Tungkulin po ng isang hari na gawin ang lahat upang mapanatiling makapangyarihan ang palasyo kaya't madalas ay nagpapakasal sila sa makakapangyarihang mga pamilya, kaya nga po karamihan sa mga hari ay maraming asawa. At isa pa po ay hindi raw po alam ng hari ang kalakaran sa palasyo kaya nga raw ito sumusuway sa kaniyang mga tagapagpayo na magpakasal kaya't nararapat lang daw siyang palitan ng mas maalam." Kuwento ni Gia.
Isa rin ba ito sa mga dahilan kung bakit . . . hindi ako mabisita ng hari?
"G--Gia.."
"Ano po iyon, mahal na prinsesa?" Tanong ni Gia.
"Alam mo namang.. may pagtingin ako sa hari, hindi ba?" Tanong ko sa kaniya at nakita ko siyang tumango-tango bilang tugon.
"At . . . ipinagtapat niya sa akin na nais niya akong pakasalan." Pagtatapat ko at nakita kong napatakip ng bibig si Gia sa gulat.
"Kung gayon po ay . . . magkasintahan kayo ng hari, mahal na prinsesa?" Sabi niya at sa pagkakataong ito ay ako naman ang tumango-tango.
"Kaya pala ayaw magpakasal ng hari ngunit.. paano po 'yan, mahal na prinsesa? Sa lugar na ito, isa ka lamang ordinaryong tao at . . . mas hihina ang kahariang Zentoria kung sa'yo ikakasal ang hari."
Pakiramdam ko ay binuhusan ako ng malamig na tubig nang marinig ko iyon. Ako ang dahilan kung bakit humihina ang kaharian ng Zentoria. Ako ang dahilan kung bakit maaaring mapatalsik bilang hari ngayon si Haring Zenthiel.
BINABASA MO ANG
Occultatum Libera
Historical Fiction[ON-HOLD | UNDER SLOW EDITING] Tunghayan ang istorya ng pag-ibig, kataksilan, kasakiman at paghahari. Petsa ng Pagsisimula: Unang araw ng Pebrero, taong dalawang libo't labing-walo. [Paalala: matagal na pagdaragdag sa mga kabanata]