One Shot Challenger #9

57 3 7
                                    

Author:
Title: Exchange Gift

G. Samson's POV

Unti-unti nang kumukupas ang tag-araw at unti-unti nang sumisibol ang tag-ulan, hudyat na ang dalang lamig at kalungkutan ng ulan ay muling magdudulot sa amin ng bagong pag-asa. Pag-asang sa dagat ng mga nakikipagbuno sa hamon ng buhay at sa mga nakikipagtagisan ng galing at ng talino sa tadhana ay masisilayan na namin ang hiyas na matagal na nawalay sa amin.

"Hon," tawag ko sa aking ginang na nakadungaw sa bintana ng aming kwarto. Lumingon naman siya sa akin kaya nginitian ko siya ng pagkatamis-tamis. "Tara na? Baka mahuli tayo sa pagbubukas ng klase," tumango siya bilang sagot kaya inabot ko ang kamay niya at magkahawak-kamay kaming lumabas ng bahay.

Paglabas namin ng mansyon ay inistart na ni Fred ang sasakyan. Inalalayan ko ang asawa kong maupo sa passenger's seat at saka ako naupo sa tabi niya. Lulan ng isang Ford Mustang ay binaybay namin ang daan patungong National College of Business Administration, na hindi naman gano'ng kalayuan mula sa bahay namin.

Hindi naman umabot ng isang oras ang biyahe namin. Kaya hindi nagtagal ay narating na namin ang NCBA. Pagpasok ng sasakyan namin sa loob ng campus ng pamantasang ito ay pinisil ko ang hawak-hawak kong kamay ng asawa ko. Nilingon namin ang isa't isa, nagkapalitan ng mga makakahulugang tingin at ng ngiting hindi nauubusan ng pag-asa.

Mrs. Añuevo's POV

"Unang araw na naman ng klase at muli na namang dinagsa ang NCBA," sabi ko habang nakatingin sa labas ng opisina ko. Naramdaman ko naman ang bahagyang pagkakatapik ni G. Samson sa balikat ko na kasalukuyang nasa tabi ko lamang.

"Marami na naman kaming matutulungang mga estudyante," sabi ni G. Samson na nasa labas din ng opisina ang tingin, kaya naman napatango ako bilang pag-sang-ayon sa sinabi niya. Dahil totoo namang marami na naman silang matutulungang mga nag-aaral. Napalingon din ako sa kanyang asawa na nasa tabi niya noon na nakatingin sa mga estudyanteng nagkukumpulan sa gilid ng stage. Mukhang may pinagkakaguluhan ang mga estudyanteng iyon doon kaya pinakatitigan ko nang mabuti ang gawing iyon. Napangiti ako nang makitang ang pinagkakaguluhan nila ay ang babaeng estudyanteng nagtitinda ng ice candy. Tinitigan ko ang babae at inalala ang mukha niya. Napangiti akong muli nang makilala ko na ang babaeng iyon. Tatlong taon ko na  siyang nakikitang nagtitinda at dinudumog. Mukhang kilala na rin ata siya ng halos lahat ng nag-aaral dito.

Dahil sa nakita kong senaryong iyon ay may tanong na biglang pumasok sa isip ko kaya nilingon ko si G. Samson. "Bakit ba taon-taon na lang kayo kung mag-ikot sa mga kolehiyo at unibersidad at kumukuha ng mga batang pag-aaralin ng libre?" Tanong ko sa kanya ngunit nginitian niya lamang ako at naglakad siya nang dahan-dahan papalapit sa kanyang asawa saka niya ito inakbayan. Sabay silang nakatanaw sa malayo. Pinapanood ang mga estudyanteng nagtatawanan, paroo't parito, nagbabasa, naglalakad, tumatakbo.

Shendy's POV

"Bili na kayo! Bili na kayo ng Ice Shendyyyyy!" Kasabay ng pagwagayway ko ng dalawang ice candy na paninda ko. "Mahaba at matigas to! Masarap pa! Kaya bili na kayo!" Nakarinig naman ako nang mahinang bungisngis dahil siguro iba ang naisip nila sa sinabi ko kaya bahagya na rin akong natawa. "Mga ate at kuya! May stick-o rin ako rito! Bili na kayo!" Sigaw ko habang naglalakad sa corridor ng groundfloor ng building ng College of Business Administration upang makakuha ng atensyon. Para naman alam nilang may nag-eexist na magandang tinderang gaya ko sa eskuwelahan na 'to kaya naman unti-unting nagsipaglapit sa akin ang mga parokyano ko. Nang dumarami na sila ay saka ako naupo sa gilid ng stage para mas komportable at mas madaling magbenta. "Oh, suki? Anong sa inyo?"

"Chocolate po."
"Mango."
"Isa pong cheese."
"Dalawang stick-o po, ate."
"Ate, sa akin lima."
"Teh! Teh! Pabili!"
"Ate! Chocolate nga po."
"Ate bilis, nandyan na prof namin. Ako muna, cheese, isa."
"Teh, ube nga."
"Sampung mango, ate. May naglilihi kasi eh."
"Ate, pakyawin ko na lahat! Joke. Isa lang po."

The GLIMPSE Contest HubTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon