Chapter 1. Ang Anak ng Maranhig

16.4K 444 26
                                    

Nagising siya sa sikat ng araw sa loob ng kuwarto. Tanghali na pala. Bumaba siya at lumabas ng bahay. Sinalubong siya ng malamig at sariwang hangin mulas sa bundok. Kaysarap ng umaga dito sa Puerto Vicente. Matagal ding panahon bago siya nakabalik dito. Hindi na niya maalaala ang mga panahon noong nandito pa siya at kung meron mang natitira kahit kaunting alaala, ni isang saglit ay ayaw niyang sumagi sa isipan niya iyon. Mag-iisang buwan na rin siya dito at sa tingin niya, tagumpay ang kanyang pagbabalik. Walang nakakilala sa kanya, kinagigiliwan siya ng lahat at ang alam nila, nandito siya para tumulong.

Tulong??

Nasaan ang tulong noong siya ang nangangailangan.? May tumulong ba noong sinunog ng mga tao ang kanilang bahay? May tumulong ba noong nasunog ang buong katawan ng kanyang Papa nang subukan nitong bumalik sa nasusunog na bahay para kuhanin ang mga importanteng bagay? May tumulong ba sa kanila noong halos sa gubat na sila tumira dahil kinuha ng mga tao ang kanilang ari-arian? May tumulong ba sa kanya noong tinutukso siya ng ibang mga bata at tinatawag siyang anak ng maranhig?

Wala.

Wala silang tulong na natanggap mula sa mga tao dito sa Puerto Vicente. Sila ang sumunog sa kanilang bahay dahil sa gusto ng mga tao na ilipat ang pag-aari ng kanilang lupain sa kani- kanilang pangalan. Nasunog ang halos buong katawan at mukha ng kanyang Papa pero himalang nabuhay ito.Dahil sa sunog, kumulubot ang balat nito sa mukha at katawan, walang buhok sa ulo at animo isa itong bangkay na naaagnas. Sa halip na kaawaan ay pinagtawanan pa ang kanyang Papa at tinawag na maranhig.

Isang buhay na patay.

Isang zombie.

Siya naman ay tinawag na anak ng maranhig. 

Umalis sila sa baryo at pumunta sa gubat kung saan sila nanirahan ng ilang araw sa isang kuweba. Doon ay tiniis nila ang lamig ng gabi na nakahiga sa lupa na ang tanging sapin ay mga malalapad na dahon ng saging. Ang kinakain nila ay pawang bungangkahoy lamang na himalang napupulot niya lang sa ilalim ng mga puno. Namatay ang kanyang Papa dahil sa infection. Ni hindi nila ito nailibing at iniwan lang sa kuweba ang bangkay nito.Umalis sila sa Puerto Vicente at sa tulong ng mga tao sa kabilang bayan, nagawa nilang makarating sa Maynila kung saan may mga kamag-anak silang kumupkop sa kanila. Namatay din ang kanyang Mama ilang buwan matapos silang lumipat sa Maynila. Bago mamatay, pinilit siyang sumumpa na hindi na siya babalik kailanman dito sa Puerto Vicente.

Sorry Ma, hindi ko tinupad ang isinumpa ko sa inyo. Bumalik ako dito sa atin. Bumalik ako para ipaghiganti ang ating pamilya mula sa pang-aapi ng mga tagarito. Sisingilin ko ang inutang nila sa atin kasama ang interes. Nag-umpisa na akong maningil at wala akong patatawarin ni isa man sa kanila. Uubusin ko ang lahat ng may utang sa ating pamilya. Magbabayad silang lahat sa akin.

MAGBABAYAD SILA SA ANAK NG MARANHIG!


Masayang naglalakad ang tatlong magkakaibigan pabalik sa kubo sa gitna ng gubat. Bitbit ni Badong ang isang galon na puno ng tuba, isang uri ng alak na gawa sa katas ng bulaklak ng niyog samantalang sina Ubeng at Tonyo ay may dala-dalang mga ibon at manok na labuyo na nahuli nila sa kanilang bitag. Mga mangangaso sila na taga Santa Ana at nagpunta sa Puerto Vicente para manghuli ng mga hayop na maaaring ibenta.

" Ano, naniniwala na kayo?" masayang sabi ni Badong sa mga kasamahan. "Jackpot tayo dito sa Puerto Vicente. Ang dami na nating nahuli, may libre pang tuba na maiinom."

" Oo nga e. Dito pa lang sa manok na labuyo, tiba-tiba na tayo." sagot ni Tonyo. " Pag-aagawan 'to sa bayan kapag naibaba na natin sa Linggo. Bihira na lang ang ganitong wild na manok."

Si Joshua Lagalag at ang  Maranhig                  (Book III)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon