Final Chapter. Ang Misyon ni Dr. Robert (Part2)

12K 502 101
                                    

                                                

                                                   Wala ng maiiwasan si Joshua sa pabagsak na sanga ng puno. Halos hindi na niya inisip ang susunod na gagawin. Iisa alng ang paraan para makaiwas sa tiyak na kapahamakan.
Sinalubong niya ng palasong may dalugdug ang paparating na sanga.

Sumabog ito sa ere. 

Napatakip sa mukha si Joshua upang maiwasan ang pagtama  sa kanyang mga mata ng mga pira-pirasong kahoy na bumabagsak.

Hindi pa man siya nakakatayo ay biglang sumugod ang iba pang maranhig.

Isa ang sumunggab sa kaniyang mga paa at hinatak siya habang humahabol naman ang iba at gusto siyang agawin mula sa humatak sa kanya.

Habang kinakaladkad ng maranhig ay mabilis na kumuha siya ng palaso at pinasabog ang ulo ng kumakaladkad sa kanya. 

Bago pa man lubusang makatayo ay isa naman ang kumubabaw sa kanya mula sa likuran. 

Nagawa niyang mapigilan ito sa pagsagpang sa kanya sa pamamagitan ng pagtulak sa ulo nito palayo.

Isa ang sumugod sa kanyang harapan.

Inilipat niya ang hawak mula sa baba papunta sa leeg ng maranhig na nasa kanyang likuran, at kasabay ng pagyuko ay buong lakas na ibinalibag ito sa paparating na maranhig.

Bago pa man makatayo ang dalawang maranhig ay dalawang magkasunod na palaso mula kay Joshua ang nagpasabog sa ulo ng mga ito.

Mabilis na humugot ng palaso si Joshua ngunit bago pa man niya maikasa ito sa kanyang pana ay isang maranhig ang dumaluhong sa kanya upang sagpangin siya sa leeg.

Nakita niya ang pasugod na maranhig. Hinintay niyang makabuwelo ito at tumalon papunta sa kanya bago niya ito sinalubong isang malakas na sipa. 

Bagsak ang maranhig ngunit mabilis itong nakabangon at muling sumugod. 

Hindi inaasahan  ni Joshua na makakabalik agad ang maranhig, ganunpaman,naiwasan ang pagsugod nito. Hinayaan niya munang lumampas ito sa kanya sabay pakawala ng isang side kick.

Hindi man kasinglakas ng naunang sipa, nawalan ito ng panimbang at pasubsob na babagsak. 

Kasabay ng kanyang pagsipa ay dumukot na ng palaso si Joshua kaya pagpihit niya ay naikasa na niya ito sa kanyang pana.  Mabilis na pinakawalan niya ito patungo sa maranhig bago pa man niya maibaba ang paa na ginamit sa pagsipa.

Bago pa man bumagsak ang maranhig ay sumabog na ang mukha nito.

Mabilis na umatras si Joshua ng makitang ang natitira pang mga maranhig ay sumusugod din patungo sa kanya. Kailangan niyang makalayo sa mga ito para magamit ng husto ang kanyang pana.

Bagamat mabilis ang mga maranhig ay mas mabilis si Joshua sa mga ito. Agad siyang nakalayo at ng matantiya na sapat na ang agwat ay huminto siya at isa-isang pinana ang mga paparating na maranhig.

Napasigaw si Tibod sa galit ng makitang isa-isang nagsasabugan ang ulo ng mga kasama niyang maranhig. Bagamat nasa ilalim na siya ng kapangyarihan ni Aldora at isa ng ganap na maranhig, alam niyang siya ang pinuno ng kanyang kawan at kailangan niyang pangalagaan ang kanyang mga kasamahan. 

Sumugod ito kay Joshua habang ikinukumpas ang mga kamay. Nag-angatan ang mga putol na kahoy at lumipad patungo kay Joshua.

Malayo pa lang ay nakita na niJoshua ang mga nagliliparang mga bagay patungo sa kanya. Mabilis niyang iniwasan ang karamihan dito ngunit dahil sa dami ay tinamaan siya ng isa.

Si Joshua Lagalag at ang  Maranhig                  (Book III)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon